Chapter 38

201 8 1
                                    

Chapter 38

     Pantay lamang ang sagupaan nina Ravu at Wail. Nang napansin ito ni Ravu ay gumawa siya kaagad ng hakbang na siyang magpapanalo sa kanya.

     Nagpalabas siya ng isang baraha na agad lumipad patungo sa kanyang kalaban. Sa sobrang tulis ng naturang bagay ay tumagos ito sa katawan ng matanda na siyang nagpahina sa kanya. Lumamang kaagad si Ravu sa kanilang sagupaan ng kapangyarihan at tuluyan na nga niyang natalo si Wail.

     Bumagsak ang kawawang matanda sa lupa na sugatan at nanghihina.

Ravu: Binalaan na kita pero hindi ka nakinig.

     Nagpalabas ng daang-daang baraha si Ravu. Nagkumpulan ang mga ito at naging isang dambuhalang baraha na agad namang sinakyan ng salamangkero at lumipad patungo sa kinaroroonan ni Reyna Urga.

     Samantala, matagumpay namang narating ni Reyna Urga ang kanilang destinasyon. Agad siyang bumaba sa kanyang sinasakyang kabayo at mag-isang tinungo ang entrada ng kweba. Wala siyang pintong nakikita na pwede niyang pasukan.

Reyna Urga: Isang engkantasyon ang nakapalibot sa buong kweba.

     Pero nang hawakan ng itim na reyna ang isa sa mga bato ng naturang lugar na nakadikit sa may dingding ay bigla na lamang sumabog ang ilang bahagi nito.

     Walang kapangyarihang ginamit si Reyna Urga para gawin ang naturang pagsabog pero parang alam na niya kung ano ang nangyayari.

     Wala siyang inaksayang oras at agad siyang pumasok sa loob, isang napakahabang hagdan na gawa sa mga tumigas na lupa ang sumalubong sa kanya. Agad siyang bumaba pero hindi pa lang siya nangangalahati ay tanaw na niya ang matagal na niyang inaasam.

      Ang pinakakontrobersiyal na sandata ng sinaunang pinuno ng Kaharian ng Zafira ay nakatayo at nakalutang sa gitna mismo ng isang dagat ng kumukulong putik. 

      Nais sanang mag-anyong dragon ng reyna para mas mapabilis ang kanyang pagkuha nito pero tila hindi gumagana ang kanyang naturang kakayahan. Pero agad naman niya itong nadiskubre at naintindihan kung ano ang nangyayari. 

Reyna Urga: Ipinagbabawal ang paggamit ng mahika dito sa loob. Tunay na tuso at matalino nga rin si Bathala.

     Kaya pinagpatuloy na lamang niya ang kanyang pagbaba, at nang tuluyan na siyang nakababa ay agad siyang lumapit sa naglalagablab na dagat ng kumukulong putik.

Reyna Urga: Alam ko kung sino at kung anong klaseng nilalang ang iyong dating tagapagmay-ari. Alam ko rin kung anong klaseng pinuno ang hinahanap mo na siyang gagamit sayong kapangyarihan. Ngayon, kung karapatdapat nga ako ay tutulungan mo akong makuha ka. Wala akong kahit na anong kakayahan at kapangyarihan upang tawirin ang kumukulong putik na ito pero kung ako ay 'yong pahihintulutan ay tutulungan mo ako. 

     Hindi nagdalawang isip si Reyna Urga na ihakbang ang kanyang kanang paa kahit alam niya na katapusan na niya sa oras na mahulog siya sa dagat ng apoy. 

     Pero biglang may lumipad na bato sa kanyang tatapakan na siyang nagligtas sa kanya mula sa kapahamakan. Napangiti si Reyna Urga sa mga nangyayari.

Reyna Urga: Sabi ko na nga ba. Batid ko na napupusuan mo ako dahil alam kong ikaw rin ang nagpahintulot na makapasok ako rito. 

      At tuluyan na ngang pinili ng tungkod si Reyna Urga bilang kanyang bagong tagapangalaga at tagahawak ng kanyang kapangyarihan.

     Kaya naman nagpatuloy sa paglalakad ang reyna tungo sa pinakagitnang bahagi kung saan matatagpuan ang naturang sandata.

      Nang narating na niya ang kinaroroonan ng tungkod ay sabik at agad niyang kinuha ito mula sa kinalalagyan.

      Nanginig bigla ang lupa at kumulog nang napakalakas.

Reyna Aryana: Nangyari na.

      Wika ng Mahal na Reyna sa may palasyo.

       Napangiti naman si Lathor sa kanyang nararamdaman at nakikita habang naghihintay sa paanan ng burol kung saan makikita ang kweba. 

      Biglang dumilim ang buong kaharian at lumakas nang bahadya ang hangin.

      Sa loob ng kweba naman....

     Pinagdikit ni Reyna Urga ang kanyang tungkod at ang tungkod ni Prinsipe Uwal. Biglang umilaw ang dalawang sandata at mula sa mga kamay ng itim na reyna ay umaangat ang dalawa at nagpaikot-ikot na tila hinahalo ng hangin. Hindi nagtagal ay naging isa ang dalawa. Lumutang pabalik sa itim na reyna ang bagong sandata. May kulay ito ng sandata ni Reyna Urga pero ang itsura nito ay sa kay Prinsipe Uwal.

Reyna Urga: Hahahahahahaha... hahahaha... hahahahahaha.....

     Lumakas pa lalo ang kulog at kidlat at dumilim pa lalo sa buong kaharian.

     Samantala....

     Nang tuluyan nang natupok ng apoy na serpente ni Muwena ang mga halimaw na tanim ng kapatid ay nagpatuloy siya sa paglipad kasama ang mga kawal ng Zafira.

Prinsesa Adarna: Ina kailangan ko silang tulungan. 

Reyna Aryana: Anak huwag, dito ka lang. 

Prinsesa Adarna: Ano pa at tinawag pa niyo akong tagapagligtas kung hindi ko naman tutulungan ang mga nangangailangan.

Haring Gordo: Dahil hindi sa lahat ng pagkakataon anak ay sugod ka lamang ng sugod. Kailangan nating pag-isipan ang mga hakbang na ating gagawin.

Reyna Aryana: Hindi lang din ito para sa'yo anak, para na rin ito sa buong kaharian.

     Kaya wala nang nagawa ang prinsesa kundi ang maghintay sa tamang oras na tatahakin at isasakatuparan niya ang daing ng kanyang kapalaran.

     Narating na rin sa wakas ng mga kawal at Muwena ang kinaroroonan ng kanilang hinahabol.

Lathor: Buwena!

     Agad na utos ng punong-kawal sa itim na mangkukulam.

     Hindi naman nag-aksaya ng oras si Buwena. 

     Transforma in gigant negru liliac!

     Wika niya.

     Naging isang dambuhalang itim na paniki ang mangkukulam.

     Transforma in gigant inaripat vultur!

     Bulong naman ni Muwena sa kanyang sarili.

     At agad siyang naging isang higanteng agila. 

    Masakit man sa kalooban ni Muwena ay kailangan niyang makipagsagupaan sa kanyang kapatid. Nagulat ang lahat sa nangyari, nang biglang....

    ....tumilapon si Muwena sa lupa nang napakalakas pagkatapos niyang tamaan ng isang kapangyarihan.

      Bumalik sa dating anyo si Muwena maging si Buwena at agad niyang pinuntahan ang kanyang kapatid na nag-aagaw buhay. 

      Lumingon ang lahat sa kung saan galing ang kapangyarihan.

Lathor: Reyna Urga.

     Bulong ng punong-kawal sa kanyang sarili. Agad siyang lumuhod at nagbigay galang sa kanyang pinuno.

      Gamit ang kanyang bago at mas malakas na kapangyarihan ay pinaslang niya isa-isa ang mga kawal. Agad na tumakas ang iba at lumipad pabalik ng palasyo. Halos kalahati rin sa bilang ng mga kawal na humabol sa kanya ang binawian niya ng buhay.

      

Adarna ( Alamat, Hiwaga at Salamangka )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon