Chapter 17

293 11 0
                                    

Chapter 17

     Tuluyan nang nakababa ng bundok ang dalawa kung saan matatagpuan ang Gubat ng Amarakim at pinagpatuloy nila ang kanilang pakikipagsapalaran sa mabato at maalikabok na kapatagan. Napakainit ng lugar, maging ang lupa nito ay uhaw na uhaw at tuyong tuyo na sa mahabang panahon. Tanging mga talahib lamang ang mga halamang tumutubo sa paligid pero maging ang mga naturang dahon ay parang bibigay na rin sa sobrang pagod dahil nga sa kawalan ng tubig. Mapapansin sa buong kapaligiran ang presensya ng kamatayan na kahit kailan ay aatakihin ang nais nitong kunin. Unti-unting nawawalan ng buhay ang naturang lugar.

     Maging sina Prinsesa Adarna at Dalgus ay hindi makapaniwala sa kanilang nakikita.

Prinsesa Adarna: Anong nangyari rito?

Dalgus: Hindi na talaga magpapaawat pa ang kasamaan ni Reyna Urga. Alam ko ang lugar na ito at ang alam ko ay may mga naninirahan rito.

Prinsesa Adarna: May naninirahan rito? Sa tingin ko walang mabubuhay rito.

Dalgus: Ngayon oo, pero noon, puno ito ng kulay at sigla.

     Halos maluha si Prinsesa Adarna sa kanyang nasaksihan lalo na nang nalaman niya na ang lugar pala ay dating pinamumunuan ng kasiyahan pero dahil sa kasamaan na pilit na naghahari sa buong kaharian ay nawala na parang bula ang saya sa paligid at wala nang natira ni katiting.

     Hindi kalayuan ay may nakita silang batis.

Dalgus: Sa wakas, tubig!

     Bumaba ang dalawa at agad na tumakbo sa umaagos na tubig. Uminom sila rito maging ang dala nilang kabayo. Nilagyan din nila ang kanilang sisidlan ng tubig para meron silang mabaon sa kanilang mahabang paglalakbay.

Dalgus: Hoo! Grabe, sarap.

Prinsesa Adarna: Tunay ngang buhay ang tubig.

     Nagpakasaya at ninamnam ng dalawa ang malamig at preskong tubig na nanggagaling sa batis. Dahil katabi rin ng heganteng bato ang umaagos na tubig ay hindi na rin sila naiinitan dahil sa lilim na binibigay nito.

     Napakapayapa ng paligid. Kahit ang mga kumakantang ibon na nasa malayo ay rinig na rinig ang mga magagandang boses. Mga boses na nagbibigay saya at gaan ng pakiramdam sa dalawa.

Prinsesa Adarna: Hhhhaaaaiiiii... sarap.

     Nang biglang may narinig silang mga tawa. Nagtinginan ang dalawa sa isa't isa.

Prinsesa Adarna: Ano 'yon?

     Mga boses babae na nagtatawanan. Wala silang makita pero patuloy pa rin ang tawanan na tila nakakalat sa buong paligid.

Dalgus: Mahal na Prinsesa!

     Agad na tumakbo ang binata sa dalaga at biglang pinikit ang mga mata. Binigay niya ang kanyang espada at nagwika....

Dalgus: Hindi ko maipapangako na maproprotektahan kita sa pagkakataong ito.

Prinsesa Adarna: Anong ibig mong sabihin?

     Tanong ng dalaga sa kausap habang nanginginig na nakahawak sa bigay sa kanya na armas.

Prinsesa Adarna: Dalgus hindi kita maintindihan. Umalis na tayo rito kung sa tingin mo hindi mo kaya ang haharapin mo.

     Biglang tumahimik ang lahat.

Dalgus: Huli na ang lahat Mahal na Prinsesa, pero ipangako mo sa akin na kahit na anong mangyari ay ililigtas mo ang iyong sarili sa kahit na sino man. Maging sa akin.

Prinsesa Adarna: Ano?

     Bumalik muli ang mga tawanan ng mga kababaihan at unti-unting may mga nilalang ang gumapang, umakyat at pumatong sa mga bato na nakapaligid sa buong batis. Mga magagandang babae na may mahahabang buhok, walang saplot sa itaas na bahagi ng kanilang mga katawan at gawa sa buntot ng isda ang mga binti hanggang sa kanilang mga paa.

     Nagsimulang kumanta ang mga ito. Walang lirikong lumalabas sa kanilang mga bibig, pero ang kanilang tinig, ang tono at hele ng kanilang awitin ay nakakaibig.

     Mahigpit namang tinatakpan ni Dalgus ng kanyang mga kamay ang butas sa kanyang mga tenga habang mahigpit ring nakapikit ang kanyang mga mata.

Prinsesa Adarna: Dalgus anong nangyayari sayo?

Dalgus: Aaaahhhhhhhhhh... Mahal na Prinsesa umalis ka na!

Prinsesa Adarna: Hindi kita iiwan rito! Bumangon ka na diyan parang awa mo na. Dalgus!

     Pinuntirya naman ng isa sa mga nilalang si Prinsesa Adarna. Biglang lumakas ang kanyang pag-awit na may kung anong salamangka na lumalabas sa kanyang bibig at nang nasigurado na niya na papunta na nga sa dalaga ang kanyang binubuga ay pinalabas niya ang kanyang pinakamanipis na tinig nang biglaan na siyang nagtapon sa prinsesa palayo kay Dalgus.

     Bahagyang nasaktan ang prinsesa dahil sa lupa siya tumilapon sa labas mismo ng batis. Agad na nagsisibabaan ang mga babaeng kalahating isda at lumangoy papunta kay Dalgus. Inawitan nila ang binata at sinayawan na para bang inaakit nila ito.

Prinsesa Adarna: Dalgus!

     Nang isa sa kanila ay nilapitan pa si Dalgus at hinalikan sa labi na siyang nagpabukas ng mga mata ng binata.

     Dalgus.

     Wika ng isa sa mga babae, malumanay at nakakatuksong boses.

     Huli na ang lahat, tuluyan nang nahulog sa kamay ng mga babae ang kawawang kawal.

Prinsesa Adarna: Dalgus.

       Ang tanging naisambit ng umiiyak na prinsesa.

Adarna ( Alamat, Hiwaga at Salamangka )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon