Chapter 29

214 8 0
                                    

Chapter 29

     Pero sabi nga nila, kung may liwanag siguradong may kadiliman at gagawa ito nang paraan para muling mabuhay at maghasik ng kaguluhan. Ang inakalang panghabang buhay na kapayapaan at  katahimikan ay bigla na lamang nawasak isang araw.

     Sa ika-45 kaarawan ng  Mahal na Reyna ay inutusan ni ina ang kanyang tagapayo at kanang-kamay na rin n a si Urga para kunin ang korona sa isang silid kung saan ito tinatago at nilalagay. Nasa gitna ito ng naturang kwarto at nakapatong sa isang unan na gawa sa ginto at mga dyamante.

     Mabilis at walang kahirap-hirap na nakapasok sa loob ng silid si Urga dahil nga sa pinagkakatiwalaan na siya ng lahat lalong-lalo ng Mahal na Reyna. Kahit kailan ay wala siyang ipinakitang masamang intensyon laban sa kaharian at kahit kailan ay hindi niya inabuso ang kanyang posisyon sa palasyo. Kung iisipin ay mas mataas pa ang kanyang katungkulan kumpara sa punong-kawal ng kaharian.

     Dahil nga bilang lamang ang pwedeng pumasok sa naturang kwarto kung saan nakalagay ang korona ng reyna na sumisimbolo ng kapangyarihan at pamumuno, na siyang palatandaan rin ng pagiging pinakamataas na estado sa buong kaharian ay mag-isang pumasok si Urga.

     Pero walang nakakaalam ni isa kung ano ba talaga ang nangyari noong gabing yaon, kung ano ang bumabalot sa buong silid sa pagkakataong yaon at kung ano ang pumasok sa utak ni Urga na parang may kung anong masamang hangin ang bumulong sa kanya na gawin ang isang bagay na hindi kailan man mapapatawad ng buong kaharian.

     Dahil sa natagalan nga si Urga sa loob at hindi siya kaagad nakabalik sa kwarto kung saan nagbibihis ang Mahal na Reyna ay sinundan na siya ng Punong-Kawal na si  Varahim kasama ang dalawa pang kawal.

     Hindi pa naman nakakarating si Varahim at ang dalawang kawal sa kanilang destinasyon ay masama na ang nararamdaman ni ina.

     Agad na pumasok si Varahim at ang dalawang kawal sa loob ng silid at isang eksena ang kanilang natunghayan na labis nilang ikinagulat.

     Ang korona na inutos kay Urga ay wala na sa lalagyan nito at wala rin sa kanyang mga kamay dahil ito ay nasa tuktok ng kanyang ulo. Hindi nagdalawang-isip na hinuli ni Varahim si Urga. Masakit man sa kanyang kalooban ang kanyang gagawin ay wala siyang magagawa kundi sundin ang naayon sa batas ng kaharian.

     Ang gabi na sana ay puno ng kasiyahan at tawanan ay nauwi lamang sa madamdamin at malungkot na panahon sa lahat. Kilala sa buong kaharian si Urga kaya naman ganun na lamang ang pagdadalamhati ng lahat dahil sa nangyari.

     Ikinulong muna buong magdamag si Urga sa piitan na nasa pinakailalim na bahagi ng palasyo. Hindi rin siya nagawang bisitahin ng reyna dahil sa hindi nito kayang tingnan ang kanyang sitwasyon. Ang diwatang kanyang itinuring na isang matalik na kaibigan ay magiging kalaban niya at ng buong Kaharian ng Zafira.

     Sa parehong gabi ay nagpulong kaagad ang mga miyembro ng Mataas na Konseho para pag-usapan ang pangyayaring hinding hindi nila inaasahan na magagawa ng isang nilalang na hinahangaan ng lahat.

     Pagkatapos ng halos isang oras na pag-uusap ay nakapagpasya na ang Mataas na Konseho at ang kanilang hatol ay... kamatayan.

     Agad na tumayo ang  Mahal na Reyna. Sa pagkakataong yaon ay ginamit niya ang kanyang kapangyarihan bilang isang reyna. Hinarangan niya ang hatol ng konseho at sa halip na kamatayan ay napagpasyahan niya ang tuluyang paglaho ni Urga sa buong kaharian at kahit kailan man ay hindi na muling makakabalik pa.

     Namayani pa rin ang pagmamahal ni ina sa kanyang dating matalik na kaibigan. Hindi naman ito tinutulan ng konseho dahil alam rin nila kung gaano kalapit ang dalawa.

      Kinaumagahan ay binaba na kaagad ang hatol kay Urga .

Adarna ( Alamat, Hiwaga at Salamangka )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon