Chapter 1

1K 30 0
                                    

  Chapter 1    

     Noong unang panahon, isang libong taon na ang nakakalipas mula sa panahon nina Prinsipe Juan ng Berbanya. Sa likod ng ika-isang daang bundok mula sa mundo ng mga tao ay ang kaharian ng mga diwata... ang Zafira.

     Sa kalagitnaan ng gabi, sa ilalim ng maliwanag na buwan ay may isang babae na may hawak-hawak na sanggol ang tumatakbo sa Portalina, ang masukal na gubat ng lagusan. Napakabilis ng kanyang takbo pero parang hindi siya nauubusan ng lakas. Kahit na mahaba ang kanyang suot at may takip pa ang kanyang ulo na tela ay hindi ito naging sagabal sa kanyang pagtakas.

     Samantala, sa hindi kalayuan ay may mga nilalang na may katawan ng tao pero ang ulo ay hayop. May mukhang baboy-ramo, may lobo, may leyon, may kabayo at marami pang iba. Nasa mahigit-kumulang ay sampo silang humahabol sa babae. Gamit ang kanilang malakas na pang-amoy ay natutuntun nila ang dinaanan at direksyon ng kanilang biktima. Meron silang mga sandata at armas na dala-dala. May espada, may pana, may palakol, may itak at kung anu-ano pa. Mga sandata na gawa sa buto ng tao at hayop.

     Habang walang tigil na sumusunod ang mga kakaibang nilalang ay narating naman ng babae ang dalawang puno na siyang tanging naiiba sa lahat. Wala itong mga dahon pero ang kanilang laki ay walang kasing -tulad ng nasa paligid. Nasa gitna ng kagubatan ang mga kakaibang puno. Hiwalay ang mga ito sa ibang mga halaman. Mga masisiglang damo ang mga nasa paanan at nakapaligid sa lupa kung saan tumutubo ang mga puno. May kinuha ang babae sa loob ng kanyang dala-dalang supot na gawa sa balat ng hayop na nakatali sa kanyang beywang na gawa naman sa katawan ng saging. Isang medalyon. Kumislap ito at ito'y kanyang itinaas sa ere. Itinapat niya ito sa dalawang puno at ibinigkas ang mga katagang:

     "Sa ngalan ng Kaharian ng Zafira, sundin mo ang loob ko. Buksan mo ang pintuan patungo sa lugar na sinisigaw ng aking puso!"

     Ang dalawang puno ay biglang gumalaw. Ang mga sanga nito ay nagsisibaluktot at nagsalubong sa gitna. Naghawak ang mga sanga at kinalaunan ay naging korteng pinto ang pagitan ng dalawang matatayog na halaman. Umilaw ito at pumasok ang babae. Ilang segundo lamang ang tinagal ng liwanag at ito'y naglaho na parang bula maging ang babaeng hindi pa natutukoy. Pagkatapos ng nangyari ay bumalik sa dating posisyon ang dalawang puno. Binitawan nila ang isa't isa at tumayong muli nang diretso.

     Nang dumating ang mga kakaibang nilalang na humahabol sa babae ay wala na silang naabutan. Bigla silang nagsalita gamit ang itim na lengwahe na sila lamang ang nakakaintindi.

     "Kailangan natin itong ipag-alam sa Kamahalan. Tayo na!"

      Sabi ng isa sa kanila. Nilisan nila ang gubat na walang dalang bihag.






Adarna ( Alamat, Hiwaga at Salamangka )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon