“Sa’n ba matatagpuan ang tinutukoy mong mahiwagang hiyas?” tanong ko.
“Ayon kay Lalahon, ang diyosa ng masaganang ani at ng mga bulkan, ang orihinal na nagmamay-ari ng hiyas, nasa ilalim ’yon ng lupa kaya binansagang ‘puso ng lupa.’ O maaari ding nasa kamay na ’yon ni Sisiburanen, ang namamahala sa Kanitu-nituhan o isa sa mga gingharian sa ibabang mundo,” si Rayna Helya na ang sumagot sa katanungang ibinato ko habang nanatiling nakaupo sa trono.
“Ibig sabihin, sa pagkakataong ito, mahahati tayo sa dalawang grupo,” iyon ang sabi ni Ginoong Mounir na ikinakunot ng noo naming lahat. “Kami nina Prinsesa Solis at Cormac ay magtutungo sa Bundok Kasadyaas, ang tahanan ng mga diyos at diyosa rito sa Kahadras, upang kausapin si Lalahon. Habang ikaw”—tiningnan ako ng asul na salamangkero—“at si Helio naman ay pupunta sa Kasakitan.”
Sandaling bumagsak ang panga ko. Agarang sigaw ng aking utak, Ako, bakit ako? At ano’ng gagawin namin sa ibabang parte ng mundo? Pero ang lumabas sa bibig ko: “Kami ni Helio lang?”
“Tama,” ang tuluyang isinambit ng kapatid ko. “Bakit kami lang ni Kuya Olin?”
“Kayong dalawa pa lang, malakas na,” giit ni Ginoong Mounir. “Isang prinsipeng may itim na kapangyarihan at isang prinsipe na kalahating diyos.” Napalakad siya sa kaliwa’t kanan na matamang sinusundan ng aking mga mata. “Subalit, hindi naman maaaring kayo lang. Kailangan n’yo rin ng kasama.”
Matapos niyang bitiwan ang mga salitang ’yon, bigla kong naalala si Langas. No’ng una akong napadpad dito, si Langas o Lubani ang hinanap namin para maging gabay namin sa pakikipagsapalaran. Nasasabik tuloy ako kung sinuman ang makakasama namin sa pagkakataong ’to.
“Kailangan n’yong hanapin si Kahil. Humingi kayo ng tulong sa kanya sapagkat nakapunta na siya sa isla ng Nalaje,” dugtong pa ng asul na salamangkero sa nauna niyang sinabi.
“Malakas ba siya? May kapangyarihan ba siya?” maagap na pagbato ng tanong ni Helio, ang kanyang mga kilay ay halos magdikit na talaga.
Tumango si Mounir, ’tsaka siya nagwikang: “Oo. Isa rin siyang kalahating diyos. Isa siya sa mga anak ni Barangaw, ang diyos ng digmaan at bahaghari. Namana niya sa kanyang ama ang pagiging malakas. Masasabi kong mahusay siyang karagdagan sa inyong grupo.”
Umawang ang mga labi ko. Totoo ngang makapangyarihan ang grupo namin. Samantala, napatango-tango naman si Helio, mahahalatang nakumbinsi sa mga ibinahagi ni Ginoong Mounir.
Ilan pang sandali, may tanong na sumibol sa utak ko na kara-karaka kong ibinato kay Mounir: “Sa’n namin siya puwedeng makita?”
Ikinumpas ng asul na salamangkero ang kanyang kamay at sa isang iglap ay nakita namin sa hangin ang imahen ng isang makisig na lalaki at ang taberna nito na ikinamangha naming lahat. “Sa paanan ng Bundok Tupor n’yo siya maaaring makita. Meron siya roong taberna—inuman, kainan, at pahingahan ng mga manlalakbay. Ang eksaktong lokasyon ng naturang bundok ay sa pagitan ng patay na gingharian at ng Escalwa.”
Kara-karakang sumipa sa utak ko ang alaala namin no’ng minsan kaming tumambay sa paanan ng bundok sa pagitan ng lupain ng Porras at Escalwa. Nagkasagutan kami ni Cormac dahil masama ang balak niya no’ng una. Doon din humiling sa ’kin si Langas na ibalik ko raw ang dati niyang itsura kahit alam ko naman sa sarili ko na ’di ko magagawa ’yon.
“Goodbye na for now, bebe boy,” ani Solci habang hinahawakan ang mga kamay ko. Banat nang bahagya ang kanyang mga labi, gayunpaman, kasisilayan ng kaunting lungkot ang mga mata niya. “’Di muna tayo magsasama sa new mission na ’to, and hopefully, magtagumpay tayong lahat. Fighting!”
Mabilis akong tumango at nahawa na rin sa kanyang ngiti. “Sana nga, Solci,” sagot ko. “Mag-iingat ka rin sa paglalakbay n’yo. Alam kong may kapangyarihan ka, pero magdoble ingat ka pa rin.”
Naputol ang aming pag-uusap nang walang ano-ano’y lumitaw si Ginoong Girion sakay ng malaking dahon na nakalilipad, marahil ay napasailalim ng kanyang mahika. Masasalamin sa kanyang itsura na tila ba may bitbit siyang hindi magandang balita.
“Maligayang pagbabalik sa Melyar, Girion,” maagap na bati sa kanya ni Ginoong Mounir.
“Tama na muna sa maliit na usapan,” giit ng berdeng salamangkero. Sa pagbitiw niya ng mga salitang ’yon ay tuluyan siyang lumukso sa sahig at sa isang kisap-mata’y naglaho bigla ang malaking dahon. Bumuntonghininga muna siya bago magsalita, na nagpabagsak sa aming panga, “Habang hinahanap ko sina Aliba at Apano, may nadiskubre akong bagong umusbong na gingharian malapit sa Sayre, at tinatawag iyong Gisan. Ang namumuno roon ay si Odessi, ang diyosa ng yelo . . .”
* * * * *
Hindi po parte ng Visayan Mythology si Odessi; gawa-gawa ko lang din siya gaya ni Hinumdom at ng diyos na may makulay na pakpak.
Sorry po sa delayed update. Naging busy lang sa OJT at sa kakailanganing requirements para maka-graduate ang inyong author, hehe. Anyway, thank you for reading this chapter! Your votes and comments are much appreciated! 💚
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
[CG] Chapter 2: Kingdom of Gisan
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)