[FINISHED VOLUME 1]
Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action
Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
[CG] Chapter 2: Kingdom of Gisan
OLIN
Pikit-mata naming sinuong ang lagusan. Unti-unti kami nitong hinihigop habang pare-pareho kaming nakalutang, walang nakakapa ang mga kamay, walang natatapakan ang mga paa. ’Di naman nakaligtas sa ’king pandinig ang maya’t mayang pagbitiw ni Solci ng mga salitang, “O to the M to the G!” Pakiramdam ko’y halos mapigtal na ang ugat niya sa mga sigaw na ’yon.
Makaraan ang humigit-kumulang sampung minutong paghigop sa ’min ng portal, tila ba may sumipa sa ’kin mula sa likuran, dahilan para bumagsak ako sa damuhan, una ang mukha (at gayundin ang nangyari sa mga kaibigan ko).
Sabay kaming tumayo. ’Kita ko ang samot-saring bulaklak sa labas ng gingharian na tinatambangan ng mga alibangbang o paruparo. Bigla ko tuloy naalala ang mga nagsasalitang bulaklak na sina Alog, Saya, at Lish. Inaamin ko, nakaiirita sila minsan dahil ’lagi silang nagtatalo no’n at saka hinusgahan din nila ang pagkatao ko no’ng una. Gayunpaman, may parte sa ’kin na gusto ulit silang makita, lalo na ngayong namumuhay na sila kasama ang kanilang mga pamilya.
Ipinihit ko ang aking atensyon sa gingharian ng Melyar. Wala namang nagbago; kulay-kape pa rin palasyo, napaliligiran ng malalaking pader, at ang mga bubong nito na kulay-dalandan ay pataas at matutulis. ’Di ko alam kung bakit, pero parang may namamahay na kaba sa dibdib ko habang bumabalik sa isipan ko ang alaala simula no’ng una akong tumuntong dito hanggang sa naganap ang sinasabi ng mga Melyarine na pinakamalaki’t madugong digmaan sa kasaysayan ng buong Kahadras.
Humanda ka, Olin, ang babala ng utak ko. Isa na naman ’tong bagongmisyon at bagongpakikipagsapalaran. Nagbitiw ako ng buntonghininga, ’tapos ipinagpag ang kakarampot na takot na umookupa kanina sa isang bahagi ng aking katawan.
Walang ano-ano’y lumangitngit ang tarangkahan, senyales na maingat itong binubuksan. Hanggang sa bumati sa ’min ang mga Melyarine, nakapaskil sa mukha ang matatamis na ngiti, na pinangunahan nina Rayna Helya, Prinsipe Helio, at Ginoong Mounir. Mabilis naming tinalon ang distansiya sa pagitan namin. Ilan pang sandali, biglang pumutok ang kumpeti, dahilan upang maligo kami ng mga gupit-gupit na tela. Kasabay n’on ay ang pagsigaw ni Mounir ng, “Maligayang pagbabalik sa Kahadras!”
“Laysho!” iyon ang komento ni Solci.
Si Cormac naman na banat nang bahagya ang mga labi habang ’di mapirmi ang mga mata, agaran ding bumulalas, “Grabe, excited na talaga ako sa bago nating misyon!”
Sunod-sunod ding bumati sa ’kin ang mga taga-Melyar na nasundan ng pagdaop ng mga palad at pagyuko nang bahagya, tanda ng pagrespeto. Sa katunayan, ’di pa rin ako sanay ro’n. Parang kailan lang, ang iba sa kanila ay hindi naniniwala na ako ang itinakda. Pero ’di ko naman sila masisisi, kasi mahina rin naman talaga ako no’n at walang-kamukta-mukta sa dahilang pansamantalang ipinagkait ni Hinumdom, diyos ng memorya, ang aking mga alaala.