[FINISHED VOLUME 1]
Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action
Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
[CG] Chapter 1: Prince of Darkness
OLIN
Kanina ko pa tinalunton ang buong lugar na ’di nasisinagan ng araw. Manaka-naka akong nagpakawala ng marahas na hangin at ramdam ko rin ang pagdausdos ng pawis sa ’king noo. Ang tumatakbo sa isipan ko sa mga sandaling ito, Nasa’n ako ngayon? Ba’t ang dilim dito? ’Di kaya . . .
“Walang pagsidlan ang kaligayahan ko ngayon sapagkat dumalaw ka muli rito, Olin,” anang isang boses sa di-kalayuan, na pamilyar sa ’king mga tainga. At doon ko lang nakumpirmang tama ang hinuha ko nang sabay-sabay na umilaw ang mga nakahilerang sulo na may berdeng apoy. Naaninaw ko ang isang babaeng nakaupo sa trono na nasa itaas ng ilang baitang ng hagdan—na walang iba kundi ang diyosa ng pagnanasa, pang-aakit, at ng mga yawa na si Nagmalitong Yawa SinagmalingDiwata.
Pero ang tanong: Pa’no ako napadpad dito?
Napabitiw ako ng buntonghininga. Inis ang nagtulak sa ’kin para pakawalan ang mga salitang, “Ikaw na naman?! Kailan ka ba titigil? Sinabi ko nang ayoko, ’di ba? Ano ba’ng mahirap intindihin sa mga katagang ’yon, ha?” Hindi na ’ko nangangamba sa presensiya niya; kayang-kaya ko na siyang labanan ngayon.
Maingat siyang tumayo at dahan-dahang humakbang papalapit sa ’kin. Kakikitaan ng tuwa ang kanyang itsura. May koronang nakaupo sa ulo niya na mukhang yari sa mga tinik ng kung anong halaman, at ang damit niyang kulay puti na nagliliwanag ay sadyang nakatatawag-pansin. Higit na lumapad ang kanyang ngiti, ’tsaka siya nagsabing, “Olin, ikaw ang ‘Prinsipe ng Karimlan.’ Hindi mo ito matatakasan. Sa Galdum ka dapat manirahan.”
Umangat ang kanto ng aking mga labi. “Oo, meron akong itim na kapangyarihan dahil isinumpa ako ni Sinrawee no’ng nasa tiyan pa lang ako ng tunay kong ina.” Nagpapanggap lang akong kalmado, subalit binabantayan ko ang bawat galaw niya. Hindi ko siya aatrasan. Itinago ko ang aking mga kamay sa magkabila kong kilikili—pero ’di ibig sabihin n’on na ibinababa ko na ang depensa ko—’tsaka ako nagpatuloy, “Pasensiya na kung papuputukin ko ang bula, pero ’di ’yon nangangahulugan na aanib ako sa kadiliman. Inaamin kong may nagawa akong ’di maganda, ngunit ’di ako masama.”
“Ang ibang diyos ay maraming naibigang mga babae, subalit si Saragnayan ay isa lamang . . . ako lamang,” may diing wika ni Nagmalitong Yawa. “Isa siyang matapat at mapagmahal na asawa, kung kaya’t labis akong nalumbay nang mawala siya. Mabuti na lamang”—tuluyang nabasag ang kanyang boses at tumulo ang mga luha niya—“mabuti na lamang at nandiyan ka pa . . . anak.”
Anak.
Matapos rumehistro sa pandinig ko ang huling salitang binitiwan niya, tuluyang bumagsak ang aking panga.
Napabalikwas ako ng bangon. Napahawak ako sa ’king dibdib habang sunod-sunod na nagbuga ng tila nagdudumaling hingal. ’Buti na lang at panaginip lang—hindi, isa ’yong bangungot! Ano raw, anak niya ’ko? Kalokohan! Iniling-iling ko ang aking ulo. ’Tapos, ipinihit ko ang atensyon ko sa malaking orasan na nakadikit sa maputlang pader. Alas-tres pa lang ng madaling-araw, kung kaya’t napagpasyahan kong matulog ulit.