[FINISHED VOLUME 1]
Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action
Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Chapter 1: The Bearer
“Ania na usab ning udto nga mura ko og gigakos ni Satanas!” (Heto na naman ang tanghaling para akong niyayakap ni Satanas!) bulalas ko habang ginagawang pamaypay ang aking kanang kamay.
Kalalabas ko lang sa bahay namin at yumapos kaagad sa ’kin ang nakapapasong sinag ng haring-araw. Ipinihit ko ang aking leeg at naghalukay sa bag ko ng bagay na maaaring gamiting panangga. Nang sumang-ayon ang utak ko sa nahanap ng aking mga mata, mabilis kong inilabas ang makapal na papel at ginawang kalasag laban sa araw.
Taga-Maynila kami dati, kaso, biglang naisipan nina Mama at Papa na lumipat dito sa Cabancalan, Mandaue City, Cebu. Sa katunayan, ’di ko alam kung bakit biglaan ang pangingibang-pook namin. ’Di na rin ako naghagis ng tanong sa mga magulang ko. Mahiya man ako, uy.
Patungo ako sa eskuwelahan namin. Afternoon shift kasi ’pag Grade 10, kung kaya’t kailangan kong makipagtagisan sa init araw-araw. Kasalukuyan akong nag-aabang ng masasakyang bus papunta sa highway. Kadalasang dumaraan ay sinakop na ng mga tao, kaya ’di na nag-abalang huminto sa harapan namin.
Walang ano-ano’y bumulusok papasok sa magkabila kong tainga ang hinaing ng mga katabi ko rito dahil sa init. Naging alerto ako sa paligid. Bagama’t kasisilayan ng panghihina ang kanilang mga itsura, ngunit nakini-kinita ko na kapag may tumigil na bus sa puwesto namin, biglang sasaniban ng lakas ang mga ’to.
Ilang sandali pa ang lumipas ay laking pasasalamat ng karamihan nang may humintong bus. At kagaya ng nasa isip ko kanina, bigla silang nagkaroon ng enerhiya at buong-lakas na nakipagdigma para lang makasakay. Hindi nakatakas sa ilong ko ang pinaghalong amoy ng kilikili at pawis ng paghihirap ng mga kasabayan ko. Dagli kong itinulak ang itaas na labi ko patungo sa mga butas ng aking ilong habang nakipagsiksikan. Siyempre, hindi ako nagpatalo, kung kaya’t madalian akong nakaupo sa likurang bahagi habang may nakapulupot na unan sa leeg ko.
Isinandal ko ang aking ulo sa bintana. Sa totoo lang, pakiramdam ko talaga, tagarito ako—ang ibig kong sabihin ay parang dito talaga ako isinilang ni Mama. Parang lumipat lang kami sa Luzon ’tapos bumalik ulit dito sa Visayas.
Nang huminto na ang sinasakyan namin sa bus stop ay dali-dali akong bumaba at naglakad nang ilang metro para marating ng mga paa ko ang paaralan namin. Pagpasok ko sa tarangkahan, ini-scan kaagad ang ID card ko at tsinek ng guwardya ang dala-dala kong bag.
Pagkatapos, pumanhik ako sa ikalawang palapag at dumiretso kaagad ako sa room namin kasi wala naman akong kakilala na tumatambay sa labas. Pag-apak ko sa loob ay walang bumati sa ’kin ng, “Hi, Olin.” Inasahan ko naman ’yon. Tiyempong pag-upo ko malapit sa bintana, dumating na rin ang guro namin na nasa edad trenta, hanggang balikat lang ang haba ng buhok, ang mga mata’y may kalakihan, at ang mga labi ay napapalamutian ng kulay-presa. Binati namin siya nang sabay ’tapos nag-umpisa na siyang magturo sa ’min.