[CG] Chapter 2: Kingdom of Gisan

Começar do início
                                        

Nagbigay-pugay rin ang karamihan sa prinsesa ng mga Banwaanon. No’ng hinandugan kami ni Rayna Helya ng tinapay ng mga engkanto, malinaw sa ’kin na maganda ang pinagsamahan ng nanay ko at ni Haring Hestes. Lalong pinagtibay ang hinuha ko no’ng tinulungan ng mga taga-Hesteru ang mga eskrimador ng Melyar no’ng digmaan.

Masaya akong sinalubong ng tunay kong ina at ng nakababata kong kapatid, at saka ikinulong nila ako gamit ang kanilang mga bisig, mahigpit na mahigpit, isa pang paraan ng pagsasabi ng, “Na-miss ka namin, Olin. Walang paglagyan ang tuwa namin ngayong nakabalik ka na rito sa gingharian natin.”

Dumiretso na kaming lahat sa hapag-kainan para sa isang salusalo, kasi pinaghandaan talaga nila ang pagbabalik namin dito sa kakaibang mundo. Habang kumakain, ’di ko maiwasang mag-usisa, “Nasa’n po si Ginoong Girion?” Inilibot ko ang aking paningin, ngunit wala pa ring berdeng salamangkerong dumalo kasama namin. Katabi ko sina Helio at Solci, at nasa tapat naman namin nakaupo sina Ginoong Mounir at Cormac. Samantalang nasa sentrong upuan sa hapag-kainan naman nakapuwesto si Rayna Helya.

Uminom muna ng tubig si Ginoong Mounir bago tumugon, “Ilang araw nang nilisan ni Girion ang ginghariang ito. Hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin niya ang kanyang mga alaga na sina Aliba at Apano.”

“Ano’ng klaseng creatures ba sina Aliba at Apano?” pagsingit ni Solci sa usapan, ang kanyang mga kilay ay muntikan na talagang magdugtong.

“Si Aliba ay babaeng alibangbang o paruparo, habang si Apano naman ay makisig na lalaking apan-apan o tipaklong,” sagot ni Mounir, na agarang tinanguan ng prinsesa ng mga Banwaanon kasabay ng pag-aliwalas ng mukha niya.

“Gideyo, anak, how are things going? Wala naman bang gumambala sa ’yo sa normal na mundo?” Dumapo ang mga mata ko kay Rayna Helya nang magsalita siya. Hanggang ngayon ay ’di pa rin talaga ako kumportable na tinatawag na “Gideyo.”

Tumikhim muna ako bago magsabing, “Ayos naman ako, Ina. Wala naman pong gumugulo sa ’kin do’n.” Sa pagbitiw ko ng mga salitang ’yon ay isa-isa kong sinipat ng tingin sina Solci at Cormac, at saka ko sila pinanlakihan ng mata. Naintindihan naman nila agad ang ibig kong ipahiwatig sa titig kong ’yon kasi halatang nagpipigil sila ng tawa. Nalipat ang atensyon ko kina Rayna Helya at Ginoong Mounir, ’tsaka ako nagpatuloy, “Ba’t n’yo pala kami tinawag? May problema po ba?”

“Mamaya na natin pag-usapan,” saad ni Rayna Helya, masasalamin sa mukha niya na siya’y seryosong-seryoso.

Tanging pagtango lang ang isinukli ko sa kanya.

* * * * *

Pagkatapos naming tugunan ang pangangailangan ng aming tiyan, minanduhan kami ni Rayna Helya na magtungo sa kanyang trono upang magpulong at pag-usapan ang rason kung bakit nila kami pinababalik dito sa Kahadras.

“Ipinatawag namin kayo para sa isa na namang mahalagang misyon,” si Ginoong Mounir na ang nagpatiuna sa seryosong usapin matapos humingi ng pahintulot mula sa raynang nakaupo sa trono. “Hindi na ako magpaliguy-ligoy pa. May isang diyos sa ilalim na mundo ang nagbabalak na hanapin ang mahiwagang hiyas na may kapangyarihang apoy—si Sisiburanen. At iyon din ang nais makuha ni Burigadang Pada Sinaklang Bulawan, ang namumuno sa Escalwa at ang diyosa ng kasakiman at kayamanan.

“Kapag nagkataon, magkakaroon ng kaguluhan sa pagitan ng diyos at diyosa. Bakit tayo mangingialam? Sapagkat bahagi tayo ng Kahadras. Manganganib ang tahanan natin. Ang pinakamalalang maaaring mangyari ay susunugin ni Sisiburanen ang mundo natin gamit ang mahiwagang hiyas. Samakatuwid, hindi tayo puwedeng tumunganga lang at hintayin ang ating katapusan. Kailangan din nating kumilos.”

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Onde histórias criam vida. Descubra agora