Page 53

8 0 0
                                    

Para saiyo,             

                        Nasaang lugar ka na nga ulit? Ah oo nga pala. Nasa unang destinasyon na kabahagi ng iyong pangarap. Ilang taon na rin ang lumipas simula noong una kong marinig ang mithiin mo sa buhay. Wala akong kaide-ideya noon na talaga palang napakahirap. Ang alam ko lang mahirap, hindi mahirap na mahirap. Napakaraming laban na rin ang napagtagumpayan mo, na karamihan sa mga iyon ay ako at ako lang rin ang kasama. Sabi mo noon ang katulad mo ay sa malao't madali ay aalis rin. Siguro tama ka nga, subalit babalik at babalik rin. Lalo't dito ka na nasanay. Dito ka na nagpalipas ng maraming umaga at gabi.

Sabi mo pa noon, walang lugar ang duduwag-duwag sa mga katulad mo. Kaya nga kung nagtagumpay ang panghihina ng loob, marami na sanang nasayang na pagpapagal. Mabuti nalang at hindi nangyari iyon, katunayan lang sa'yong tapang ang maraming araw sa mga panahon na ito sapagkat napakarami na ring humahanga at nagmamahal sa'yo. May gumuhit pa nga sa'yo diba? At talaga nga namang inilagay pa sa hindi pangkaraniwan na 'frame' ang larawan mo. Nagkakalaman-laman ka na rin ulit, ayos lang yan. Bagay naman sa'yo at hindi pangit.

Kung tatanungin ako ng tao kung anong bagay ang hinahangaan ko patungkol sa'yo, bago ako sasagot ay uutusan ko muna siyang kumuha ng silya at umupo dahil magmumukha talaga akong nagbubuhat ng bangko ( nagyayabang) sa husay mo. Paano ba naman kasi at napakasipag mo. Nahihiya nga ako madalas kapag nagtatanong ka na kung kumusta ang araw ko at wala akong masyadong nagawa. Halos hindi na nga rin kita mahagilap at makausap sa umaga e. Sa rami ba naman ng pinagkaka-abalahan mo. Partida walang palya yan ah. Pati tuloy ako ay nasanay na sa iskedyul mo.

Alam mo, bilib rin naman ako sayo dahil pinagtitiyagaan mo ako ngayong ako naman ang pasaway at magulo. Natatawa nalang rin ako minsan kapag naiisip kong bumaligtad na ata ang hapag at baka kunsumisyon na rin ako sayo. Kaya mo lang ba ako iniintindi kasi maganda ako? Charot! Hahahahaha pero seryoso nga, sisikapin kong huwag nang dumagdag pa sa mga isipin mo. Kaya pasensya na po ha. Hayaan mo at tiya-tiyagain ko rin naman na hintayin ka kahit gabihin ka na masyado galing sa kung saan.Pansin ko ngang hindi ka na bumabati ng magandang gabi e. Nagiging hudyat mo na iyong mga katagang "Toothbrush lang ako" para ipaalam sa akin na nariyan ka na't nakauwi at handa ng kausapin ako.

Hindi ka ba nagsasawa sa kakasalita ko? Hindi ka ba nagsasawa kapag tinatanong kita kung 'Maganda ba ako?' labis-labis rin kasi ang tawa ko kapag sinasabihan mo na ako ng OA sabay tawa kapag nagpapacute ako sayo. Sana ay huwag kang mapagod sa kakulitan ko. Buhay ko na kasi ito. Ang ipaalam sa'yo lahat ng bagay patungkol sa simple at kuntentong ako sa aking pamumuhay.

Salamat sa walang palyang paalala tuwing may mga bagay akong ginagawa na hindi ko alam na mali pala. Salamat at hindi mo ako kinakalimutang alalahanin tuwing pagabi na at nagpapahinga ka na sana sa maghapong nakakapagod na paggawa.

Ang pagkatao mo ay nagsusumigaw na kung sakaling hindi kita nakilala, lugi at mahina ako sapagkat hindi kita nakita.

Kumusta ka naman ngayon? Pagod ka siguro ulit ano? Dibale, gaya ng palagi kong banggit. You did well today. Pahinga na po! :>

Humahanga,
Si Salomrele

A day in Jun3Where stories live. Discover now