Page 40

13 1 0
                                    


13 Realization while listening to Ikaw at ako by: Johnoy Danao


1. Sa rinami-rami ng tao na pwede kong makasalubong, hindi ba't nakakamangha at ikaw itong bumungad sa aking harapan sa kabila ng kasungitan ng panahon? Baka nga ganon talaga e, baka magsisimula sa hindi maganda at magtatapos sa masaya. Hindi tulad sa mga pangkaraniwang kuwentong pag-ibig na nagsimula sa kilig at di kalaunan ay mauuwi rin sa pagkaligalig.

2. Mahusay kang magbitiw ng salita at ako nama'y hindi magpapatalo sa pakikipagdiskususyon. Walang panahon na hindi ka nagpaulan ng tanong. Walang sandali na hindi tayo nagsalo sa maraming bakit at paano. Nagkakasundo tayo sa maraming komplikadong tanong na ibinabato sa isa't-isa na iyon naman ang tanging alam nating paraan para masisid ang lalim ng isa't-isa. Nag-uusap ang ating puso, nagkakasabay ng tibok tuwing pumapabor at nakukuha natin ang sagot na nais nating marinig.

3. Matagal-tagal ko ring pinangarap na makita mo ang kadalisayan ng puso ko sa paghahangad na maka-ibig mo. Hindi ako humiling ng kahit ano at hindi kita pinilit na mahalin ako. Ngunit kahit hindi mo ito nakita sa matagal na panahon, hindi kumupas ang pagtingin ko. Mas lalo lamang itong nag-alab lalo't nasumpungan ko ang maraming magagandang bagay sa'yong pagkatao, higit sa mga bagay na hindi mo gusto patungkol sayo. Kaya naman noong magkasundo tayong maghintay na magsama sa habang-buhay, nagsumpaan tayong walang magbabago at ikaw ay patuloy na uuwi sa piling ko. Mula ka man sa matagal na panahon na walang pagpaparamdam ay patuloy kitang pagbubuksan ng pintuan.

4. Hindi kita iiwan. Sana'y naging sapat na ang marami kong pananatili mula sa maraming bagay na ating napagkasunduan ngunit hindi kinayang matagalan. Hindi ako narito sapagkat nasisiyahan lamang ako sa ating komunikasyon, ilang beses ng nawala ngunit nandito parin ako hindi ba? Marami mang unos ang magdaan, mananatili ako. Sa tag-init o tag-ulan, ikaw lang ang aking tanging papayungan. Ilalayo ka sa init ng araw, iingatan kang huwag mabasa ng ulan.

5. Wala akong ibang hangad ngayon, kundi ang sana'y hindi magma-liw ang iyong pagtingin sa akin. Nag-iingat rin ako, iniingatan kita sa puso ko. Pawang mga salita man ito sa pandinig at paningin ng mga hindi nakakaunawa, at sabihin man nilang "kay daling sabihin", ito ang talagang hulma ng puso ko. Nakatala ang pangalan mo dito, ikaw lang ang tanging tao na uulit-ulitin kong dadakuan ng paningin pagdating ng panahon. Oo at walang katiyakan ang kung ano mang nasa ating kinabukasan, ngunit kung sabay nating gagawing kahapon ang bukas kung saan pareho tayong sabik sa yakap ng isa't isa, tiyak... uuwi rin tayong pareho sa binuo nating tahanan.

6. Minsan mo ng sinabi na ako'y nasa dulo ng mga pulo ng dagat at ikaw nama'y nasa tahanan ng mga bayani. Malayo ang agwat natin sa isa't isa at tayo'y pinaghaharian ng malayong distansya, gayunpaman nagkaroon parin ng paraan ang tadhana at talagang pinag-isa pa tayo ng bahagi ng buhay bagamat isang araw lang noon kahit pa may kani-kaniya tayong gawain na dapat maisakatuparan.

7. Sa isa't isa tayo ay sumasandal.
May bahaging madilim ang aking buhay at ganoon rin sayo. Nagsalo tayo sa maraming iyakan at malulungkot na kuwentuhan. Hindi mo ako hinusgahan sa naranasan kong ikaw lang ang nakakaalam at ganoon rin ako sayo. Yinakap ko ang buo mong pagkatao at tinanggap kita sa kung sino at ano ka. Nagpakilala ka ng tapat at ako nama'y nagkuwento patungkol sa sarili ko. Pinaging komportable mo ako sa mga bagay na takot ako at pinaramdam ko naman sayo na importante ka at higit ka pa sa kung sinong inaakala mo.

8. Nag-usap tayo at sinabi mo sa akin ang lahat ng iyong mga pangarap sa buhay. Ikinatuwa ko at tunay na isang karangalan ang mapabilang sa mga ito, idagdag pa ang isiping kasama sa mga ito ang mga pangarap nating pareho. Hindi ko kailangan mangamba, ang sabi mo. Kung kaya naman hindi ako papaalipin sa malalim na pag-iisip na wala namang kabuluhan. Magtitiwala ako sayo dahil sa tapat at walang katulad mong pag-ibig.

9. Maraming beses mo akong hinuli at ikinulong sa mga tanong kung ikaw ba ay mahal ko. Bagamat oo naman ang sagot ko, hindi parin ako makakuha ng lakas ng loob. Palagi nalang may barikada ng hiya at palagi nalang nauuwi sa pagtatangka. Iyon ay dahil takot ako noon. Hindi ako magpapatalo sa diskususyon, pero pagdating sa mga tanong na iyan, ewan ko at hindi talaga ako handa sa mga susunod pa na tanong. Pagpasensyahan mo rin ssna ako sa mga panahong hindi ako tumutugon pabalik, hindi dahil sa hindi kita mahal kundi dahil hindi parin talaga ako makapaniwala at mas pinipili ko nalamang na huwag magsalita at sulitin ang pagkakataon kung saan ako nalulunod at para naring lumilipad sa ulap tuwing sinasabi mong mahal mo ako.

10. Hindi ba't gustong-gusto mo ng tanong? May pagkakataon bang nasaktan kita? May mga panahon ba na napaluha kita? Kung meron man ay hindi ko na hangad na ito'y sundan pa. Kung ako ang magkamali, puso mo ba ay handang magpatawad? Pero sana huwag na. Sana huwag na akong magkamali, sapagkat nasasaktan rin ako sa tuwing nasasaktan ka. Magkarugtong nga talaga siguro tayo ng bituka. Sabay ring sumasakit ang pareho nating tagiliran kung minsan. Baka ikaw na talaga. Baka ikaw na. Sana...

11. Hindi ko alam ang gagawin kung mawala ka. Nasayo ang kabiyak ng puso ko, at hawak mo rin ang kabuuan nito. Hindi ko lubos maisip, at ang isiping mawawala ka ay nagdudulot na sa akin ng matinding kalungkutan. Kung makalimutan man natin ang ating dahilan kung bakit tayo nasa ganitong kalagayan, sana ay patuloy mo na gunitain ang ating napagkasunduan. Isisiksik ko rin ang sarili ko sayo sapagkat ayaw ko na sa iba. Ikaw parin ang sisilungan ko, kahit ang ulan ay galing sayo. Babalik at babalik ako sayo, at sana ikaw rin. Sana sa akin ka parin umuwi.

12. Limitado pa ang ating ginagalawan. Hindi pa maayos at maluwag ang mundo nating pareho kung kaya't naiintindihan ko sa tuwing hindi mo ako kinakausap. Alam ko naman ang importansya ng ginagawa mo at mataas ang pagtingin ko sa mga katulad mo. Kung kaya naman ipinagmamalaki kita, palagi. Hinahayaan ko ring ang panahon ang kumilos para sa atin. Nandito lang naman ako palagi sa Pangasinan. Kapit-puso parin kitang tinatanaw kahit hindi kita makita mula diyan. Alalahanin mong walang iba, palagi lamang ikaw.

13. Ngayon at kailanman, ikaw at ako.

A day in Jun3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon