XVII.

3 0 0
                                    

"gumuguhit ka pa ba?" saad ko.

ang tinig ng katahimikan
ay napakasarap pakinggan,
ang mga kuliglig ay humuhuni parin
ang gabi ay lumalalim na.

liwanag nalang ng telepono
ang bumubuhay sa diwa ko
tulog na mga tao.
tahimik na ang mundo.

datapwat, gising na gising parin ako
bitbit ang mga alon ng mga ala-ala—
mga nakabaong memorya,
merong malungkot, merong masaya.

mayroon ding puno ng hiya at galit
magkahalong tamis at pait.
meron ding mga walang saysay
sa walang kulay kong buhay.

wala naman akong tintang dala-dala
pero ba't kaya'y ako'y
nakasusulat pa
ng mga munting piyesa?

wala ka rin namang lapis
at pang-kulay na dala-dala,
pero tila parang may makintab na kulay
na kahalili ng abong kromatiko,

ang kumukulay sa lahat ng aking balat
dinamay pa ang mga balahibong naka-upo
na tanging sa'yo lang tumatayo,

tinangay mo ang bawat kulay ng bahaghari
dala ang kulay asul, berde, lila, pula, kahel
at marami pang kulay na hindi ko maisulat sa papel

ngunit ako'y di mo na pininturahan
hinayaan nalang maging namumutlang puti,
sumasama sa ibang kulay, hindi mo na tinintahan
isang balangkas na walang nagmamay-ari
nakiki-baka, nakiki-timpla, nakiki-halubilo
sa mga taong gustong ako ang kumulay sa kanila.

tandaan mo, ikaw lamang
ang dakilang pintor ko:
ang nakatakdang gumuhit
at kumulay sa'kin;
sa kasulok-sulokan kong hugis at parte,
sa lalim at babaw ng mga linya
na binakat na ng mga tala para sa'yo—

sa timog, sa kanluran, sa norte, sa silangan,
sa gilid ng haligi ng mundo,
sa gitna ng magulong sansinukob,
sa berdeng tanawin at mga damuhan,
sa mga butil-butil na palayan,

i-ukit mo man lang sana ako
sa braso mo, o kaya naman sa'yong pulso
o kaya naman: sa tuptop ng 'yong ulo
o sa taas ng 'yong bukong-bukong

itagos sa naglalagablab kong puso
iguhit ang siklab ng aking pagmamahal
ipamalas sa'kin at magpakitang-gilas
at sagutin ang tanong na:
"kung kaya mo bang i-guhit
ang mga basag-basag
kong piraso nang buo at pino?"

"kaya ko rin naman,
ang nawasak ay babalik;
ang mga pinsala ay nakukumpuni parin,
pero hindi na masinsin ang pagkakabigkis
dahil nga ay hindi na buo: piraso nalang."

"at batid mong isa lang naman ang pagkakaiba
ng butil at piraso ng alikabok at buhangin,
at ito ay kung liliparin ba ito hangin,
o kung mananatili parin siya roon."

"kung 'pag binuo mo na ba lahat ng mga basag,
nilusot sa taling kumpol ang lahat
ng mga pirasong lubak-lubak na,
ginuhit na ang lahat ng dapat i-guhit
ay makukuntento ba ako?"

at sagutin ang tanong na:
"kung ano ba
ang mahiwagang mahika
na nasa'yo,
o nasa'kin pala?"

nasaan ba ang mahika, von frederick
May 21, 2023

Sa Dugo ng ArawWhere stories live. Discover now