"Kailangan ko ng tulong mo." Inangat ko ang mga mata sa mga numerong umiilaw sa ibabaw ng pinto ng elevator. Takot na bumukas iyon at may makarinig sa akin. Mas mabuting narito ako sa loob, mag-isa at walang ibang tao. "Pwede bang magkita tayo ngayon? 'Wag ka nang bumalik sa trabaho?"

Tumahimik sa kabilang linya. Siguro'y nag-iisip siya kung gagawin ang sinabi ko o hindi. O baka iniisip na niya kung anong problema at kailangan ko ang tulong niya.

"May problema ba?" Tanong niya, tama ang aking pangalawang hinala.

Tumango ako at naluluha pa kahit hindi naman niya nakita. "I really need your help, Iris. Magkita tayo? Pupuntahan kita sa Manila city hall?" Tanong kong umalon na ang boses.

Narinig ko ang taranta sa paghinga ni Iris. "Ako na ang pupunta sa'yo. Nasaan ka?" Tanong niya.

Nag-isip ako ng malapit na ospital dito sa FF. Sinabi ko iyon sa kanya. Nagtanong pa siya at nag-alala kung bakit sa ospital ang kanyang punta pero pinilit ko na lang siyang 'wag na munang magtanong hanggang sa kami ay magkita.

Tumatakbo si Iris sa hallway kung nasaan ako nakaupo. May nakarehistro nang takot sa kanyang mukha, galit at pagkairita rin ay aking nakita. She was breathing hard when she came in front of me.

"Ano 'to, Therese?" Tanong niya, nakaturo sa pinto kung saan nakalagay ang pangalan at titulo ng doktor.

Umiling ako, hiyang hiya sa sarili ko at sa kinalalagyan ko ngayon. Kinapa ko ang tiyan ko.

"Positive na ba. Nasubukan mo na ba ang PT?" Umupo siya sa tabi ko at kinuha ang kamay ko.

Batid kong nasa amin ang atensyon ng ibang mga pasyente. Alam ko na rin ang kakaibang tumatakbo sa kanilang mga isip dahil sa natatarantang reaksyon ni Iris. Halos lahat sila ay may lalaking kasama, mga asawa o kasintahan nila siguro ang mga iyon. Ako, pinsan lang ang kasama ko.

Inilingan ko ang kanyang tanong. "Hindi pa. Kanina..." Nabasag ang boses ko. "Nasuka ako kanina. Hindi naman ganto nung mga nakaraang araw. I can feel something different in me pero hindi ko inakalang... Iris, anong gagawin ko?"

"Call Terrence!" Sabi niya na parang halata nang iyon ang sagot sa tanong ko.

Ang pag-iling ko ay dahilan ng pagsinghap niya.

"Hindi mo sasabihin sa kanya?" Tanong niya.

Lumunok ako. Gusto kong magsinungaling pero wala nang saysay kung hindi ko pa ito sasabihin. "Hiwalay na kami." Lumamig ang aking boses.

Natigil ang pagpisil ni Iris sa aking kamay. Tinitigan niya ako, sinusuri at binabasa ang isipan ko. Nagsasabi ako ng totoo. At nang makita niya ang luhang bumagsak mula sa mga mata ko ay humugot siya ng malalim na hininga at niyakap ako. "I'm sorry." 'Yon lang at bumigay na ako.

Yakap yakap niya ako at inaalo sa bawat hikbi ko. Nagusot ang kanyang damit sa mahigpit kong kapit doon.

"Hindi pa tayo sigurado. Baka may sakit ka lang o may nakain kang mali. Dapat-" Natigil siya nang tawagin ang apelyido ko nang nurse na lumabas mula sa pinto.

"Ms. Bermudez, next na po kayo. One companion lang po ang pwede." Aniya.

Tumayo kaming dalawa ni Iris. Tiningnan niya ng dalawang beses si Iris at umikot sa hallway ang kanyang mata. Nang masiguradong kaming dalawa ang magkasama ay saka lang niya kami pinapasok. Nasaktan man ay hindi ko na iyon pinansin. Tumahan ako at pinilit na 'wag nang maiyak.

Pinagpalit ako ng puting hospital gown ng nurse at nang matapos ay pinahiga na ako sa single bed na naroon. Kasama ko si Iris na nanatili sa tabi ko, hawak ang kamay ko. Ang nurse naman ay inayos ang monitor at may ilang gamit na nilagay sa tabi ng kama hanggang sa may tinawag ito sa loob ng isa pang kwarto.

Hiram Na Pag-ibig (Formosa Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon