"Ang tigas tigas naman ho ng ulo ninyo eh. Hindi na kayo nakinig sa akin." Kahit na ayaw ko ay umasta akong ako ang dapat na masunod. At iyon yata ang nagpagana ng panrinig niya dahil sa wakas ay nilingon na niya ako. Malungkot ang kanyang mga mata.

"Wala ka na dapat dito, anak. Dapat iniwan mo na ako. May sarili ka nang buhay at hindi mo na dapat ako iniisip dito." Aniya at umambang tatayo.

Napigilan siya ng kamay kong dumantay sa braso niya. "Ano 'yon, 'tay?" Hindi ako makapaniwala sa narinig mula sa kanya. Agad ang panginginig ng kalamnan ko sa iba't ibang dahilan. Galit, pagkabigo at takot.

"'Yong pera mo, iyo lang iyon. Pang kinabukasan mo na 'yan. Hindi mo na dapat ako iniintindi." Aniya. "Ako dapat ang umaasikaso sa mga pansariling pangangailangan ko." Sabi pa niya at hindi ko na mapigilan ang maluha.

Nanliit ang mga mata ko at napatayo ako ng wala sa oras. Para bang kapag nakaupo ako ay mas lalo akong manghihina dahil sa mga binitiwan niyang salita. Ang pagtayo ko ay ang paghakot ko ng lakas na nawala dahil sa mga narinig ko kay tatay.

Hinarap ko siya. "Hindi na dapat iniintindi? Eh paano naman 'yong mga panahong ako ang inintindi niyo, 'tay?" Tanong ko sa kanya. Napalakas ang boses ko at narinig iyon sa labas. Humahangos sila Iris at Ivan na parehong natigilan nang makita ang galit sa aking mukha. Marahil naisip nilang oras na para sumali sa usapang ito.

"Therese..." Tawag ni Iris sa aking gilid habang nararamdaman ko ang himas ng palad ni Ivan.

Hindi ko sila pinansin. "Ano 'tay?" Nanatili ang titig ko sa ama kong hindi makatingin sa akin.

"Obligasyon ko 'yon bilang tatay mo." Aniyang agad kong tinanguan.

"Tama ka, 'tay. Obligasyon niyo iyon." Sabi kong nagpaangat ng ulo niya.

Tiningnan niya ako nang gulat ang mga mata. May sakit akong nabasa roon. Pero unti unti ay lumambot ang kanyang mga tingin at napayuko. Ang kamay niya ang humaplos sa kakulangan niya.

"At responsibilidad kong suklian kayo, 'tay." Pumatak ang luha ko. "Hindi man kapantay ng paghihirap niyo sa akin." Salita ko habang lumuluhang nakatitig sa kanyang kapansanan. "Kahit kaunti lang maibalik ko sa inyo 'yong mga naibigay niyo sa akin. Nagtatrabaho ako para sa inyo, tatay. Nag-ipon po ako para sa'yo. Kasi gusto ko matulungan kita. Gusto ko gumaling ka. Gusto pa kitang makasama. Kasi mahal kita, tatay." Marahas kong pinunasan ang luhang lumandas sa pisngi ko.

Pinilig ko ang ulo ko at sunod sunod ang haplos nila Iris at Ivan sa likod ko. Inaalo nila ako na imbes na nagpapagaang ng pakiramdam ko ay lalo lang itong bumibigat.

Naiinis ako sa sarili ko dahil kulang pa pala ang ipinaparamdam ko kay tatay para malaman niyang mahal ko siya at kailangan ko pa siya. Iniisip niya na pabigat lang siya sa akin. Kailan ko iyon pinaramdam sa kanya? Gusto ko naman ang trabahong pinasok ko. At hindi naman nagkukulang ang kinikita ko para sa pang-araw araw naming dalawa. Hindi ako nahihirapan. Hindi ako nagrereklamo dahil para naman sa kanya ang lahat ng ginagawa kong ito. At kapag para kay tatay, handa akong ibigay ang lahat.

Hiram Na Pag-ibig (Formosa Series #2)Where stories live. Discover now