Chapter 50: Paghari ng Kasamaan

57 10 1
                                    

WALA pa ring malay si Evandro sa ospital. Magdamag siyang binantayan doon ng mga magulang niya. Ang alam lang nina Donito at Elvira, naaksidente ang dalawa sa pagmamaneho nang gabing iyon. Napagdiskitahan daw umano ito ng mga sindikato ayon kay Felipe.

Kasalukuyan na raw nitong pinaiimbestigahan ang nangyari kaya wala na raw dapat silang gawin kundi ang magbantay na lang sa kanilang anak. Pati ang nawawalang si Maria Elena ay tinatrabaho na raw ngayon ng mga awtoridad.

Dahil malaki ang tiwala ng mag-asawang Bendijo kay Felipe ay pinaniwalaan na nila ang mga sinabi nito.

Pagsapit ng tanghali ay napilitan ang mag-asawa na bumalik saglit sa opisina para asikasuhin ang natitira nilang trabaho roon. Oras na matapos nila iyon ay liliban muna sila ng ilang mga araw para tutukan ang pagbabantay sa kanilang anak.

SINAMANTALA ni Felipe ang pagkakataong iyon. Sinigurado niyang wala nang tao nang pasukin niya ang silid ni Evandro. Nilapitan niya ito at siya mismo ang nagturok ng injection dito. Nang maubos na niya ang laman ng gamot ay itinago niya ang pinaggamitang injection at mabilis na nilisan ang silid.

"Wala na kayong dapat ipag-alala. Nagawan ko na ng paraan ang kay Evandro. Hindi na natin siya problema ngayon," pahayag ni Don Felipe sa kanyang mga tauhan nang makauwi na siya.

Dahil batid na rin ng lalaki ang tungkol sa mga baho niya, naisipan niyang turukan ito ng isang gamot na magpapa-comatose dito. Sa paraang iyon ay matagal-tagal itong hindi magigising at makakalabas ng ospital na iyon.

Magkakaroon siya ng sapat na oras at panahon para matapos ang solusyon sa problema nila kay Maria Elena.

Kapag dumating ang panahon na nagising na si Evandro, paniguradong nagawan na niya ng paraan na baligtarin ang lahat ng anumang ebidensya na hawak ng mga ito sa kanya. Kaya kahit magalit pa ito sa kanya ay wala na itong magagawa. Mapapahiya lang ito sa marami.

Kaya habang wala pa itong malay ay ginagawa na nila ang lahat para mahanap ang mga ebidensyang hawak ng mga ito laban sa kanila. Ang plano naman niya kay Maria Elena ay malapit-lapit na ring matapos.

Pilit namang nagpakawala ng matipid na ngiti sina Jomar, Nemencio, at Edgar sa ibinalita ng kanilang amo, kahit ang totoo ay hindi sila ganap na masaya sa kanilang loob, dahil may isa silang kapalpakan na hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ng Don.

MATAGAL na pinagmamasdan ni Chris ang wala pa ring malay na si Maria Elena habang nasa likuran naman niya ang kaibigang si Joshua. Pareho nila itong binabantayan sa harap ng mahabang upuan na iyon na yari sa kawayan.

Ito ang tumulong sa kanya para gamutin ang babae nang hindi dinadala sa ospital. May background kasi ito sa medisina dahil parehong duktor ang mga magulang nito at Nursing din ang kursong tinapos. Ito lang ang tanging malalapitan niya pagdating sa ganoong mga bagay.

"Pare, hindi mo ba kilala kung sino 'yan?" mayamaya'y tanong sa kanya ni Joshua.


"Bakit, sino ba ito?" sagot naman niya rito.

"Ano ka ba! Iyan lang naman ang isa sa mga anak ni Governor Felipe! Si Maria Elena 'yan. Isa ring Iglesias 'yan! Imposibleng hindi mo kilala 'yan, eh, ang dami raw kaya n'yang natulungan sa Las Iglesias. 'Di ba tagaroon ka naman dati?"

"Oo," saglit siyang huminto, "at oo, kilala ko rin ang babaeng ito."

"O, 'yun naman pala, eh! Bakit hindi mo siya nakilala noong una pa lang?"

"Hindi naman niya kasi kami naabutan ng tulong kaya hindi ko siya naging lubusang kilala. Si Felipe lang ang kilala ko dahil iyon lang naman ang palaging nagpapakita tuwing eleksyon. Pero hindi mahagilap kapag nangangailangan."

Apoy Sa LangitWhere stories live. Discover now