Chapter 44: Hindi Inaasahang Pangyayari

44 11 2
                                    

"ANO na ang plano mo n'yan?" tanong kay Imelda ni Orlando pagkatapos niyang ikuwento rito ang nangyari kay Donya Glavosa.

Sinamantala niya ang pagkakataon na tawagan at kausapin ang lalaki habang wala si Felipe sa bahay. Kasalukuyan pa lang din siyang nagbibihis sa mga oras na iyon para pumasok sa trabaho.

"Hindi ko pa rin alam, eh. Naguguluhan pa rin ako sa kung ano ang gagawin ko."

"Imelda, ito na ang tamang pagkakataon mo para umalis sa trabaho mong 'yan. Hindi ka na dapat nag-iisip pa! Umalis ka na roon!"

"Pero hindi pa naman ako sigurado. Kritikal lang ang kalagayan ni mama pero buhay pa rin siya! At hangga't hindi nagdedeklara ang doctor na wala na siya, hindi ako basta-basta puwedeng gumawa ng kilos!"

"Bakit naman hindi? Para saan pa ba ang pagtatrabaho mo sa kumpanya ng kaibigan niya? Para kampihan ka niya laban kay Felipe? Ginawa ba niya iyon, Imelda? Hindi, di ba? At ano pa? Para protektahan si Maria Elena laban kay Felipe? E, siya nga itong may iba pang balak sa middle child mo, di ba? Wala nang dahilan para manatili ka pa sa trabahong iyan! Ipaglaban mo naman ang sarili mo!"

"Pero paano tayong dalawa? Nakakalimutan mo yata, Orlando, alam ni mama ang tungkol sa atin! Kapag hininto ko ito, ibubulgar niya tayong dalawa kay Felipe! Mas malaking gulo iyon! Gusto mo ba 'yon?"

Hindi agad nakasagot ang lalaki sa kabilang linya. "Iniisip lang naman kasi kita. Ako 'yung nahihirapan sa ginagawa mo. Nagpapakahirap ka lang sa wala. Wala nang pakialam sa 'yo ang matandang iyon. Wala na rin siyang pakialam sa buong pamilya n'yo. Bakit kasi hindi ka pa lumaban, Imelda? Kung puwede lang sana akong magpakita sa inyong lahat, ipaglalaban talaga kita."

"Hayaan mo na lang muna ako, Orlando. Kaya ko namang tiisin ito. Basta hangga't may hininga pa si mama, hindi ko muna puwedeng lisanin ang trabaho ko. Huwag mo lang itutuloy ang balak mong magpakita rito dahil siguradong mananagot tayong dalawa kay Felipe."

"Buwisit talaga ang matandang 'yan! Buwisit si Donya Glavosa! Namumuro na ako sa kanya! Parang gusto kong sumugod sa ospital na 'yon para malagot ko na ang hininga niya!"

"Huwag mong gagawin 'yan, Orlando! Ano ka ba! Huminahon ka nga!"

"Paano ako hihinahon? Hangga't may hininga pa nga siya, hindi ka makakaalis sa trabaho mo! E, kung patayin ko na lang kaya siya roon? Para mawala na ang taong nakakaalam ng sikreto natin!"

"Ano ka ba! Iyan ang huwag na huwag mong gagawin! Ayokong madagdagan pa ang kasalanan mo! Lalo mo lang inilalapit kay Felipe ang sarili mo n'yan. Hayaan mong sila-sila na lang ang magpatayan, huwag lang tayong makikisali sa kanila!"

Natapos na lang ang kanilang usapan na mainit pa rin ang ulo ni Orlando. Wala naman siyang magawa dahil hindi talaga siya puwedeng huminto sa pagiging janitress hangga't buhay pa ang Donya. Ito ang may hawak sa sikreto nila. Kapag nilabag niya ang mga gusto nito, siguradong isusumbong siya nito kay Felipe. Iyon na ang magiging katapusan nila ni Orlando. Kaya kahit nagmumukha na siyang tanga sa ginagawa niya, patuloy pa rin siyang nagpapaalipin dito.

HINDI na mabilang ni Aaron kung ilang beses na siyang tumawag sa matanda. Mag-iisang araw na itong walang tugon. Hindi talaga siya mapanatag sa kakaibang ingay na narinig niya noong huli silang mag-usap. Para talagang may nangyari ditong kakaiba.

Sa huling pagkakataon na sinubukan niyang i-dial ang telepono nito, nag-ring iyon nang napakatagal. Pagkatapos ay biglang may sumagot doon. Gulat na gulat siya nang marinig ang boses ng Donya.

"M-Madam? You're alive!"

"Of course, I'm alive! Matagal mamatay ang masamang damo, remember?" sagot naman sa kanya ni Donya Glavosa na sa mga oras na iyon ay gising na sa silid nito at may benda sa ulo.

Apoy Sa LangitWhere stories live. Discover now