Chapter 36: Bangis ng Bala

46 10 0
                                    

PALIHIM na pinagmamasdan ni Don Felipe si Nemencio habang masaya itong nakikipagkuwentuhan kay Jomar. Nandito sila ngayon sa kanyang home office at katatapos lang ng meeting nila kanina para sa additional security na palalaganapin sa buong Las Iglesias.

Sa halip na magsaya dahil magsisimula na ang Golden Project niya, heto siya ngayon at inaalala kung hanggang kailan niya maitatago kay Nemencio ang katotohanan sa pagkawala ng ama nito.

Wala itong kaalam-alam na nabangga at napatay ito ni Maria Isabel. At bilang isang ama na handang protektahan ang anak laban sa anumang problema, napilitan siyang ipasunog ang bangkay ni Rowell at kumpiskahin ang lahat ng CCTV footage sa lugar na iyon para maibaon ang lahat ng ebidensyang magtuturo sa kanyang anak.

Isa pa naman din si Nemencio sa pinakatapat at pinakamatagal niyang tauhan. Mas nauna pa ito nang limang taon kay Jomar. Sa kabuuan ay mahigit labinlimang taon na itong nagtatrabaho sa kanya bilang personal security nito. Isa ito sa mga nagtatanggol sa kanya tuwing may mga kalaban sa politiko na nagtatangka sa kanyang buhay.

Pero ngayon, sobrang napapaisip siya. Ayaw niyang umabot sa puntong ito naman ang magtatangka sa kanyang buhay kapag nalaman nito ang ginawa niya sa ama nito. Hindi naman siya gaanong natatakot sa ideyang iyon kung tutuusin dahil kayang-kaya rin naman niyang ipaligpit si Nemencio para matapos na ang lahat.

Pero ayaw lang niya itong gawin dahil nanghihinayang siya sa katapatang ibinigay nito sa kanya sa loob ng ilang dekada. Kailangan na lamang talaga niyang maitago nang mabuti ang lihim na ito.

Natigilan lang siya nang makitang may tumawag kay Jomar at mabilis itong sinagot ng binata. Pagkatapos ay mabilis itong lumingon sa kanya.

"Don Felipe, may nagwawala raw na vendor sa harap ng mansyon. May dala rin siyang armas at nasugatan na niya ang isa sa mga guwardya!"

Gulat na gulat siya. "Sino naman ang hangal na magwawala sa harap ng aking balwarte!" Tumayo na siya ng kinauupuan at sabay-sabay silang lumabas ng opisina.

Pagkarating sa harap ng gate, naabutan niya ang tatlo sa mga guwardya na nagtutok na ng baril sa matandang lalaking may hawak na sandata. Ang isa namang guwardya ay nakaupo na lang sa isang gilid habang iniinda ang sugat nito sa braso.

"Ilabas n'yo ang amo n'yo! Ilabas n'yo si Felipe! Kung ayaw n'yong humiwalay ang mga ulo n'yo sa inyong katawan! Iharap n'yo siya sa akin!"

Pinaatras niya ang tatlong guwardya at siya ang humarap dito. "Ano ang kailangan mo sa akin at bakit mo ako hinahanap?" Binigyan niya nang matalim na titig ang matanda.

Hindi naman ito nagpatalo sa pataliman ng mata. Kasing talim ng hawak nitong sandata ang pinakawalan nitong titig sa kanya.

"Don Felipe Iglesias... El gobernador de la provincia de Hermosa... Una de las personas más poderosas de este país..."

Kumulubot ang noo ni Felipe sa mga sinasabi ng matanda. Hindi niya akalaing mahusay rin itong mag-Kastila. At nang masulyapan muli niya ang tila antigong sandata na hawak nito, nabawasan din ang pagtataka niya.

"Ano ang kailangan mo sa akin, at bakit ka nagwawala sa harap ng pamamahay ko?" pinili niyang sagutin pa rin ito sa Tagalog.

"Felipe, noong una pa lang, masama na ang naaamoy ko sa iyo... Tandang-tanda ko pa kung paano pinahirapan ng ama mo ang mga magulang ko. Walang ginawa ang iyong ama rito kundi magnakaw at magpayaman. Habang ang mga tao rito ay sabihin na nating napaunlad nga niya nang kaunti, pero tinalian naman niya ng bakal sa leeg. Lahat ng kumontra sa kanyang pamamahala, natatagpuan na lang nakahandusay sa daan! Hinding-hindi ko makakalimutan ang ginawa ng iyong ama sa aking magulang! At ngayong ikaw na ang nakaupo sa puwesto, muli ko siyang nakikita sa iyo! Nararamdaman ko siya sa iyo! Wala kang pinagkaiba sa ama mo!"

Apoy Sa LangitWhere stories live. Discover now