Chapter 13: Natural na Araw sa Mansyon

49 12 0
                                    

APAT na buwan pa lang bago ang kasal nina Maria Isabel, sunod-sunod na ang malalaking exposure ni Roselia Morgan sa industriya. Bukod sa makapigil-hiningang performances nito noong nakaraan, naimbitahan naman ito ngayon para maging judge sa isang bagong singing contest sa TV.

Sobrang nainsulto siya rito. "Bakit siya pa? Bakit hindi na lang ako?" Nagtatampo siya sa mundo kung bakit hindi siya ang kinonsider ng programang iyon para maging hurado.

Siya ang Biritera Queen of Asia. Siya ang most influential singer of the last decade. Siya rin ay isang Iglesias. Ano naman kaya ang dahilan ng mga ito para lagpasan siya at kumuha ng isang newbie para maging judge?

Pinatay na niya ang TV para hindi lalong kumulo ang kanyang dugo. Tumayo siya sa sofa at umakyat sa kanyang silid. Binunot niya sa saksakan ang kanyang cellphone at tinawagan ang isa sa mga tauhan niya sa kanyang management team.

Nang sumunod na araw naman, naglakbay si Roselia Morgan sa Saint Gregorio para sa meet and greet nito sa mga tagahanga. Dinumog ito ng mga tao. Halos magkagulo sa buong open-air venue. Nagdagdag na sila ng karagdagang security para lang maawat ang mga taong sabik na sabik makita at mahawakan ang kanilang idolo.

Di nagtagal ay lumabas na rin si Roselia Morgan at kumaway sa mga tao sa paligid. Halos mabingi ito sa lakas ng sigawan at palakpakan. Ibig pa nga nitong maiyak sa sobrang saya. Nagsimula na rin itong magbigay ng autograph sa iba't ibang merch ng mga fans nito.

Sa kalagitnaan ng event, isang lalaking naka-face mask ang lumapit kay Roselia Morgan. Nagulat ang lahat nang bigla nitong ibuhos sa mukha ng babae ang laman ng dala nitong bote.

Nang mapagtanto ng babae kung ano iyon, halos mahimatay ito sa lakas ng pagsigaw. Isang suka iyon ng tao base sa amoy. At tila may iba pang hinalo rito para mas maging mabaho.

Hindi na nila nahuli ang lalaki dahil mabilis itong nakatakbo. Hindi rin nakita nang malinaw sa CCTV ang hitsura nito dahil bukod sa blurry ay natatakpan iyon ng mask.

Halos sumikip ang tiyan ni Maria Isabel sa kakatawa habang pinapanood ang balitang iyon sa TV. Nagtagumpay ang taong inutusan niya para mangolekta ng mga suka at ibuhos sa mukha ng karibal.

Hindi maipinta ang kanyang kaligayahan habang pinagmamasdan ang hitsura ng babae na kumalat sa online. Nagmukha itong kawawang nilalang. Dahil doon ay nag-trending muli ito. Hindi nga lang sa magandang paraan. Dahil pinagpipiyestahan na rin ito ng mga trolls na binayaran niya para gawan iyon ng memes sa social media.

At ayon pa sa mga artikulong nabasa niya, magdamag daw nagkulong si Roselia Morgan sa bahay nito nang araw na iyon. Maririnig din daw ang malakas nitong pag-iyak. Takot na takot na raw itong lumabas ngayon at parang nagkaroon na ng phobia sa maraming tao.

"This is what we called good news!" sambit pa niya habang nagbabasa.

Dahil sa nangyari, paniguradong matagal na mawawala sa eksena ang babaeng kinamumuhian niya. Hindi biro ang trauma na dumapo rito. Maaaring abutin iyon ng ilang buwan o taon bago maka-recover. Sapat na ang panahong iyon para maagaw niya muli ang spotlight dito.

HABANG nag-aayos muli ng buhok si Maria Elena ay pinasok siya ng ina sa kanyang silid. "Mabuti naman at bihis na bihis ka ngayon. Halika, anak. May sasabihin kami sa 'yo."

"Ano po 'yon, 'Ma?"

"Labas ka na lang dito at samahan mo 'ko."

Mabuti na lang at tapos na siyang mag-ayos sa mga sandaling iyon kaya walang atubiling sumama siya sa ina. Pagbaba nila sa living room, nakita niya si Evandro na katabi si Don Felipe sa white sofa. Tila hindi nito kasama ang mga magulang nito.

Napatayo naman si Don Felipe nang makita siya. "Heto na pala ang aking anak..." Saka ito lumingon kay Evandro. Napatayo rin ang lalaki sa kinauupuan.

"Good morning, Maria Elena. It's nice to meet you again!" Bakas ang ligaya at pagkabighani sa mukha ng lalaki. Kahit medyo malayo ito sa kanya ay amoy na naman niya ang pabango nito.

Apoy Sa LangitWhere stories live. Discover now