Chapter 46: Masamang Balak

51 7 0
                                    

"ANO'NG kailangan mo sa akin, Maria Elena?" malamig ang tinig na sagot sa kanya ni Don Felipe.

Muling nilingon ni Maria Elena ang isang tauhan na may baril. "Puwede ba kitang makausap na tayong dalawa lang, Papa?" aniya sabay lingon sa ama.

Awtomatiko namang tumitig si Don Felipe sa tauhan nito. Ilang sandali pa, tumayo na ang lalaki sa kinauupuan at lumabas ng home office. Doon siya lumapit at umupo sa harap ng mesa nito.

"Papa, m-may mga nasagap lang kasi akong balita tungkol sa 'yo..." saglit na huminto si Maria Elena at napalunok ng laway. "Totoo bang nandaya ka sa eleksyon?"

Naningkit naman ang mga mata ng Don. "Saan mo naman nakuha 'yan?"

"Sa mga kakilala natin sa Espanya. Kinukuwestyon kasi nila ang naging resulta ng eleksyon. M-matagal na nilang usap-usapan iyon, Papa. Ngayon ko lang narinig. Kaya naman nais ko lang marinig ang iyong opinyon dito."

"Walang katotohanan ang mga naririnig mo, Maria Elena. Naging malinaw ang bilangan sa Electromatic. Ramdam mo rin naman siguro ang nag-uumapaw na suporta sa akin noon ng mga tao. Paano nila nasabing nandaya ako?"

"Nanigurado lang ako na hindi totoo ang mga nasagap nilang balita, Papa. Alam mo namang hindi maganda ang mandaya 'di ba? Nais ko lang makatiyak na hindi mo ginawa iyon dahil bilang bagong Gobernador at isang Iglesias, kailangan nating ipakita sa mga tao na isa tayong magandang halimbawa sa kanila. Na wala tayong bahid ng anumang bad records. Iyon lang naman ang gusto kong matiyak, Papa."

"Kung ganoon, makakaalis ka na. Nalaman mo na ang sagot. Hindi totoo ang lahat ng mga narinig mo. Kaya sige na. Puntahan mo na lang si Evandro at ako'y abala pa rito."

Hindi na sumagot si Maria Elena. Tumango na lamang siya at iniwan na ang ama sa opisina nito. Paglabas niya ng pinto ay naabutan pa niya ang tauhan nitong nakatayo lang sa labas. Agad din itong pumasok nang tuluyan na siyang makalabas.

"ANO'NG sinabi sa 'yo ni Papa?" tanong sa kanya ni Evandro nang magkita silang muli sa conservatory. Nakaupo lang sila sa tabi at hindi alintana ang mga katulong na naglilinis at nagdidilig ng mga halaman sa labas nila.

"Gaya ng inaasahan ko, itinanggi pa rin niya ang pandaraya niya. Iyon lang muna ang itinanong ko sa kanya. Hindi ko na binanggit 'yung iba dahil baka makahalata siya."

"Tama lang ang ginawa mo. Hindi niya dapat malaman na alam na natin ang lahat."

"Pero kailan ba natin siya isusuplong sa mga pulis? Malakas naman ang ebidensya natin laban sa kanya, ah?"

"Hindi puwede, mahal. Baka nakakalimutan mo, hawak din niya sa leeg ang mga awtoridad dito. Kaya nga niya naitago ang ginawa niya sa tatay ng tauhan niya 'di ba? Lalo lang tayong malalagay sa alanganin kung sa pulis tayo lalapit. Sa tingin ko, kailangan natin siyang ibulgar sa internet. Mas mabuti kung ang taumbayan ang unang makaalam sa mga itinatagong baho niya. Sa paraang iyon, wala ring magagawa ang mga pulis at abogado kapag ito'y kumalat na. Hindi na nila puwedeng pagtakpan ang iyong ama."

Napayuko si Maria Elena. "Oo nga pala. P-pero kailan mo balak ipaskil sa internet ang mga ebidensya?"

"May sinabi sa akin kanina si Russell. May darating daw na bisita rito sa susunod na linggo. 'Yung Prinsipe ng England, bibisita sa Pilipinas, at kasama itong Hermosa Province sa mga pupuntahan niya. Siguradong makikipagkita at makikipag-usap si Don Felipe sa royal visit ng prinsipeng iyon. Doon natin kailangang ibulgar ang lahat ng mga ebidensya sa internet. Iyon ang tamang pagkakataon para ma-expose siya sa buong mundo, lalo na't hindi basta-basta ang bisitang darating dito."

Napahawak si Maria Elena sa kamay ng asawa. "Basta mag-iingat ka. Siguraduhin mong hindi nila mati-trace ang mga gagawin mo sa internet. Kilala mo naman si Papa. Marami siyang mga tauhan at galamay. Baka ma-hack ka nila."

Apoy Sa LangitWhere stories live. Discover now