Chapter 21: Sama ng Loob

48 8 0
                                    

PAGOD na pagod si Maria Elena pagkapasok sa kuwarto. Sa mga oras na iyon ay naka-white dress na lamang siya dahil kanina pa niya hinubad ang gown niya. May party pa na nagaganap sa function hall ng kanilang mansyon pero hindi na siya nakisali pa. Wala siyang balak mag-party sa pinakamalagim na araw ng kanyang buhay.

Nagkulong na lang siya sa kuwarto at doon inilabas ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Nangyari na ang araw na ayaw niyang sumapit. Kasal na siya. Habang buhay na siyang nakatali sa kamay ng isang lalaki. Parang nawalan na ng saysay ang buhay niya. Hindi na niya alam kung paano pa mabubuhay sa susunod na mga araw gayong alam niya na hindi na niya maaabot pa ang pangarap na maging madre.

Biglang nagbukas ang pinto. Iniluwa nito si Evandro na suot pa rin ang groom suit nito. "Maria Elena, narito ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap. Hinihintay na tayo ng mga bisita sa baba."

"Ayoko," matapang na sagot niya rito. "Hindi pa ba sapat 'yung pagtitiis na ginawa ko mula kaninang umaga? Pinagbigyan ko na kayong lahat. Tama na! Gusto kong mapag-isa muna. Pagod na pagod ako!"

Mabilis na nagbago ang mukha ng lalaki. Sa isang iglap ay naging malungkot ito at mabilis siyang nilapitan. Nailang pa siya nang lumapit at umupo ito sa gilid ng kama niya.

"I'm sorry, Maria Elena. Alam ko kung gaano kasakit sa 'yo ang—"

"Hinde!" pakli niya rito. "Hindi mo alam kung gaano iyon kasakit! Hindi n'yo alam lahat! Wala kayong alam dahil mga sarili n'yo lang ang iniisip n'yo!"

"Maria Elena, please." Sinubukan siyang hawakan ng lalaki pero itinaboy lang niya ang kamay nito.

"Pakiusap lang, huwag mo sana akong hawakan. Ikaw na lang ang bumaba roon, Evandro. Huwag mo na akong idamay pa! Masyado na akong pagod para humarap pa sa mga bisita!"

Napabuntong-hininga ang lalaki. "Sana pakinggan mo 'ko. I'm really, really sorry. Alam ko kung gaano kasakit na hindi mo nakuha ang gusto mo sa buhay dahil iba ang ibinigay na kapalaran sa iyo ng pamilya mo. Pero sana hayaan mo akong maipakita sa 'yo ang kagandahan ng pag-ibig. Wala akong balak na saktan ka. Hinding-hindi ko rin gagawin 'yung mga bagay na kinatatakutan mo. Magiging mabuti akong asawa sa 'yo."

"Hinde!" may diing sagot ni Maria Elena rito. "Wala kang pinagkaiba kay Papa! Wala kang pinagkaiba sa kanilang lahat! Gusto n'yo lang sirain ang buhay ko! Ipinagkait n'yo sa akin ang pangarap ko! Wala kayong kasingsama!"

Sa pagkakataong iyon ay hinawakan na siya ng lalaki sa magkabilang balikat. Hindi na niya ito napigilan. Marahan siya nitong hinaplos doon para pakalmahin siya.

"Mali ang iniisip mo sa akin, Maria Elena. Hindi ko gustong sirain ang buhay mo. Tinanggap ko ang kasal na ito dahil umaasa akong ito ang maglalapit sa ating dalawa. Alam kong hindi maganda ang trato sa 'yo ng pamilya mo dahil iba ang pangarap mo kaysa sa gusto nila para sa 'yo. Kaya nga pumayag ako na maipakasal sa 'yo para maprotektahan ka. Ngayong nandito na ako, wala nang puwedeng manakit sa 'yo."

"Hindi ko kailangan ng proteksyon mo! Ngayong nandito ka na, lalo lang magdidilim ang buhay ko! Kinuha n'yo na sa akin ang pangarap ko! Dinurog n'yo ang pagkatao ko! Sinira n'yo ang puso ko! Ayoko na kayong makita lahat! Mas gusto kong magpakamatay na lang kaysa makasama pa kayo! Oo, magpapakamatay na lang talaga ako para matapos nang lahat 'to!"

"Ano ka ba, Maria Elena! Huwag mong sabihin 'yan!" Sa puntong iyon ay hindi na rin napigilan ni Evandro ang pagtaas ng boses. Bahagya ring humigpit ang pagkakahawak nito sa mga balikat niya. "Hindi mo ba alam na lalo kang magkakasala kapag ginawa mo 'yan? Isang malaking kasalanan pa rin sa Diyos ang pagkitil sa sariling buhay, Maria Elena!"

"Hindi na ako naniniwala sa Diyos mula nang hayaan niyang mangyari ang lahat ng ito! Wala na akong dahilan para mabuhay! Kaya hindi na rin ako natatakot mamatay!"

Apoy Sa LangitWhere stories live. Discover now