Chapter 37: Ang Pagkawasak

53 8 1
                                    

NAGING sukdulan ang tensyon sa nagaganap na demolisyon sa Brgy. Sto. Tomas. Ayaw paawat ng mga residente sa pagbato ng mga bote at kahoy sa demolition team. Habang tumatagal ay lumalala pa ang gulo. Kabilaan na ang pagliparan ng mga kahoy at bato sa paligid.

Napilitan nang magtawag ng mga anti-riot police upang madagdagan ang depense ng demolition team. Ang iba sa kanila ay nasugatan na at natamaan pa sa ulo ng mga lumilipad na kahoy. Ang iba naman ay nag-amok pa ng itak. Ang tatapang ng mga tao. Handang pumatay maprotektahan lang ang kanilang tahanan na sapilitang kukunin sa kanila.

Marami nang nasaktan sa magkabilang panig. May isa pa ngang matanda na nangailangan ng atensyong medikal dahil nahimatay sa kalagitnaan ng pakikipagsagutan sa mga awtoridad.

Hindi lang ambulansya ang dumating sa komunidad. Pati na rin fire truck matapos magsunog ng isang lalaki ng pagkarami-raming basurahan na di kalaunan ay kumalat din sa paligid. Sinadya nitong ipakalat ang sunog para takutin ang demolition team.

Lahat ng mga residente ay nagtulungan upang labanan at patalsikin ang mga awtoridad. Ngunit sa huli, sila pa rin ang bumagsak na luhaan. Nagawa ring kontrolin at labanan ng mga anti-riot police ang puwersa ng mga galit na galit na residente.

Nang humupa na ang tensyon ay tumambad ang mga nasaktan. May ilang mga taong sugatan matapos matamaan ng mga lumilipad na bote. May ilan pang mga nahimatay sa gitna ng daan gawa ng sobrang galit. May ilan ding nagtamo ng pinsala dahil sa kumalat na sunog.

Kabilang si Chris Ocampo sa mga nanguna sa pagbabato ng kahoy at bote sa mga awtoridad. Hindi niya hinayaang makalapit ang mga ito sa munti nilang tahanan na yari lamang sa pinagtagpi-tagping yero.

Kung sisilipin ang loob ng kanilang bahay, may makikitang malaking kurtina roon na nagsisilbing pader na humihiwalay sa tahanan ng kanyang kapitbahay. Iba na ang nakatira doon, at ang kurtina lang na iyon ang tanging pagitan nila sa isa't isa.

Hindi na alintana ni Chris ang dugong tumutulo sa ulo niya pati ang mga sugat na tinamo ng kanyang mga paa dahil sa mga bubog na natapakan. Hangga't may napupulot siyang matitigas at matatalim na bagay ay buong lakas niyang ibinabato sa mga awtoridad.

"Mawala kayo rito mga p*t*ng ina n'yo! Mawala kayoooo!" mangiyak-ngiyak niyang sigaw habang patuloy na nakikipagbatuhan.

Sa demolition team naman ay maraming nagtamo ng sugat sa ulo na karamihan ay tinamaan ng mga kahoy at bote. Ang iba ay napilay pa matapos pagtulungang gulpihin ng mga sigang residente. May isang pulis pa nga na inagawan ng baril at tinamaan sa braso. Mabuti na lang ay naisalba pa rin ang buhay nito.

Pagkarating ng mga squad ay tuluyan na ring nakontrol ang gulo. Dahil mas malalaki na ang dalang baril ng mga ito, napilitan na lang umatras ng mga residente. Ang iba sa kanila ay nagwawala at umiiyak habang inilalabas ang kanilang mga gamit. Ang iba naman ay naglumpasay na lang sa daan habang pinagmamasdan sa labas ang kanilang mga tahanan.

Pero may ilan pa ring nagmatigas at hindi talaga iniwan ang kanilang tahanan hangga't hindi raw sila hinahanapan ng matinong malilipatan. Relokasyon ngayon ang isinisigaw ng lahat.

Iyon ang nakatakdang araw na ibinigay sa demolition team para gibain ang mga illegal na gusali at kabahayan. Nagsisiksikan kasi roon ang mga istraktura na nagsisilbing tahanan ng mahihirap na mga residente.

Napag-alaman kasi na hindi naman daw pala nila pag-aari ang kalupaang iyon, at basta na lang silang nagtayo ng mga bahay roon. Ayon din sa Bureau of Fire Protection, maituturin na ring fire hazard ang naturang lugar dahil sa masyadong dikit-dikit na mga tahanan.

Halos kaunti na lang kasi ang espasyo para sa mga nagdadaang sasakyan. At tuwing magsisipagpuwesto pa roon ang mga vendor, wala na talagang mga sasakyan at tricycle na makakadaan. Napipilitan tuloy silang gumamit ng ibang daan kung saan mas napapalayo sila, at mas napapamahal din ang pamasahe ng mga pasahero.

Apoy Sa LangitWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu