Chapter 33 - Tale of the Maze

Bắt đầu từ đầu
                                        

Masayang nakipagkuwentuhan sina Cormac, Lubani, at Madani sa ilang Banwaanon at kay Manoy Bundiyo. Nandito rin pala si Ru-An. Aniya, nakokontrol na raw niya ang pagiging Ungo. At ang sabi naman ng Tribong Tselese ay bukas ang bayan ng Tsey para sa kaniyang muling pagbabalik. Humingi na rin sila ng tawad sa dalaga sa pagsunog nila sa bahay nila Ru-An at sa katawan ng nanay niya.

Sobrang saya ng lahat habang pinagsasaluhan ang mga nakahain sa mahabang mesa. Punong-puno ng tao ang bulwagan ng gingharian. May mga nagtatawanan habang nagsasalin ng alak sa kani-kanilang kopita na nakahalik sa mesa. May mga nagsasayawan sa harapan sa pangunguna nina Mounir at Girion. Mayro'n ding nagpapatugtog ng iba't ibang instrumento tulad ng plawta, kudyapi, at saka tambol. Napuno ng ingay ang buong paligid habang nakapaskil sa mukha ng bawat isa ang matatamis na ngiti.

Kalaunan ay mag-isa akong pumanaog sa gingharian at naglakad-lakad sa labas. Kapansin-pansing may iilang Melyarine dito na nagpapalipad ng mga sky lantern malapit sa malawak na maze. Pumailanlang ang mga umiilaw na parol sa kalangitan na dumagdag sa kagandahan ng gabi.

"Kuya, what are you doing here?" pambungad na tanong sa 'kin ni Helio.

Hindi talaga ako sanay na tinatawag na "kuya." Pero oo, napatawad ko na ang aking ina na si Rayna Helya. Magkapatid kami ni Helio pero magkaiba kami ng ama. Anak siya ng kataas-taasang diyos sa Kahilwayan samantalang ako naman ay anak ng yumaong hari ng Melyar na si Haring Gumapad. Ang natutuhan ko sa pananatili ko rito sa Kahadras ay ang magpatawad at humingi ng tawad. Hindi madali, oo. Pero kailangan nating magpatawad at sinserong humingi ng tawad sa mga nagawan natin ng mali para sa ikatatahimik ng ating kalooban at para sa isang bagong simula.

"Gusto ko lang tingnan ang mga parol na 'to," sabi ko at saka tumingala. "Siya nga pala, pa'no napunta sa 'yo ang espada ni Burigadang Pada?" tanong ko habang hindi siya tinatapunan ng tingin.

"Ah, pumunta siya rito kanina at ibinigay niya sa 'kin ang sandata niya. Sinabi niya sa 'kin na hindi raw makakalaban ang mga Escalit dahil hindi sila sanay sa pakikipaglaban. Besides, busy rin daw sila kasi may hinahanap pa silang hiyas."

Tumango-tango lang ako bilang sagot.

"Alam mo ba ang story ng maze na 'yan, kuya?" tanong niya sa 'kin sabay turo sa maze na nakatayo sa gilid ng gingharian. 'Di ako sumagot. "Kapag daw pumasok ka riyan at may makatagpo kang tao sa loob habang nasa itaas n'yo ang sky lantern, kayo ang magkakatuluyan."

Kumunot ang noo ko at tiningnan siya. "Weh? 'Di nga?"

Marahan siyang tumawa. "It's true, kuya. Itanong mo pa kay Mama at kay Mounir. Sige na, pumasok ka na ro'n. Hayun si Solci, oh!" gulat na sambit ni Helio nang makitang pumasok si Solci roon.

Nanlaki naman ang mga mata ko nang masilayan siya. Sobrang ganda niya at agaw-pansin talaga ang nagliliwanag niyang kulay-gatas na buhok na ngayon ay nakatirintas.

Tinampal ni Helio ang balikat ko. "Sige na, kuya. Sure ako na magkikita kayo roon sa loob," nakangiting wika niya. May pataas-taas pa siya ng kilay.

Binigyan ko siya ng matalim na tingin. "Ba't mo 'ko binubugaw?"

Humagikhik si Helio. "Feeling ko kasi, kayo talaga ang para sa isa't isa. Malaki na kami ni Solis o Solci. Nag-iba na ang pananaw namin sa buhay, pati na rin ang feelings namin. 'Di na kami magpapakasal. Baka kayo?" Tinaasan niya ako ng kilay at nagpaskil ng nakalolokong ngiti sa mukha.

Huminga ako nang malalim bago maglakad palapit sa maze. Bago ako tuluyang pumasok ay narinig ko munang sumigaw ang kapatid ko ng, "Good luck, Kuya Olin!"

Maraming pumasok kanina kaya kinakabahan ako kung sino ang makatagpo ko rito sa loob. Sobrang liit lang ng posibilidad na magkita kami rito ni Solci. Pero kung kami talaga ang para sa isa't isa, siyempre magtatagpo kami. Ang kailangan ko lang ay huminga nang malalim at maniwala.

Nagpakawala ako ng hangin sa pamamagitan ng ilong. Lumiko ako sa kaliwa at natunghayan ang mga damong maayos na tinabas. Kumanan ako at gano'n pa rin ang nakikita ko. Simula nang pumasok ako rito ay naging iregular na talaga ang paghinga ko, at mas lalo pang lumalakas ang tibok ng puso ko sa tuwing liliko ako.

Pinagpawisan ako ng malamig. Rinig ko ang tawanan sa di-kalayuan. Nagkita na kaya sila ng taong gusto rin nilang makita rito? Kainis, gusto ko nang umatras. Sobrang lakas ng kabog dito sa dibdib ko na animo'y may karerang nagaganap.

Lumiko ulit ako pakaliwa at muling naglakad hanggang sa may nakita akong maliit na tarangkahan. Binuksan ko ito para makalabas ako 'tapos tumalikod ako para muli itong isara. Bigla akong sinampal ng malamig na simoy ng hangin. Napatingin ako sa itaas ko at nakitang may isang umiilaw na parol dahilan para salakayin na naman ako ng kaba.

Eksaktong pagdapo ng mga mata ko sa harapan ko ay siya namang pagsara ng isang babae sa tarangkahan kung saan siya galing. Lumangitngit pa iyon dala ng kalumaan.

Halos sumayad na ang panga ko sa damuhan nang magtama ang aming mga mata at nasilayan ang kakaibang ngiti ng babae na animo'y ang lalaking matagal na niyang ipinapanalangin kay Kaptan ay kaniya nang natagpuan. Nakasuot siya ng makulay na malong, ang kaniyang ulo ay natatakpan ng kulay-tsokolateng tela, at wala siyang sapin sa paa.

Tumingala ako saglit sa parol na nasa itaas namin. 'Tapos, ibinalik ko agad ang tingin sa kaniya.

"Kapag daw pumasok ka riyan at may makatagpo kang tao sa loob habang nasa itaas n'yo ang sky lantern, kayo ang magkakatuluyan."

Napalunok ako. Pagkaraan ng ilang segundo ay unti-unting uminat ang mga labi ko na para bang hindi man lang ako tinamaan ng pagkadismaya na siya ang natagpuan ko rito sa loob. Parang sa hinaba-haba ng kaba, natagpuan ko rin ang aking ginhawa.

"Talay . . ."

END OF VOLUME ONE

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ