Chapter 33 - Tale of the Maze

Magsimula sa umpisa
                                        

Sunod-sunod na nagpakawala ng mga palaso si Solci sa direksyon ng mga yawang nagtatangkang pumasok sa gingharian ng Melyar. Magkatalikuran naman kami nina Cormac at Helio habang nilalabanan ang mga yawa at lobong itim. Si Cormac ang taga-pukpok gamit ang kaniyang maso saka kami naman ni Helio ang taga-hiwa sa mga ito gamit ang aming sandata.

Akmang tatakas na si Sinrawee pero agad kong itinapat ang kamay ko sa inaapakan niya hanggang sa nabitak ang lupa at unti-unti itong pumailanlang sa ere. Dali-dali akong lumipad kasama sina Mounir at Girion patungo sa direksyon niya.

Itinuon ni Girion ang kaniyang kamay sa gawi ni Sinrawee saka lumabas mula roon ang mga baging na parang ahas na gumagapang sa hangin. Dali-dali nitong pinuluputan ang katawan ni Sinrawee. Agad namang rumesponde si Mounir at nagpakawala ng kapangyarihan na nagkorte na parang kamay. Unti-unti itong lumapit kay Sinrawee saka paulit-ulit siyang sinampal nito hanggang sa tuluyan na siyang manghina.

"Olin, ngayon na!" mando sa 'kin ni Mounir.

May ideya agad ako kung ano ang tinutukoy niya.

Ipinilig ko ang aking ulo nang uminit ang marka ko sa leeg. At kasabay niyon ang pagbabago ng aking paningin-itim at puti. Dumapo ang mga mata ko sa mga ugat sa bisig ko na parang sumasayaw. Ilang sandali pa'y itinuon ko na ang aking kamay sa direksyon ni Sinrawee at isinaisip 'yong ginawa ko noon sa mga dambuhalang gagamba at sa halimaw na si Helong.

"At dito na magtatapos ang kasamaan mo, Sinrawee!" pirming wika ko habang nakatuon sa kaniya ang dalawang kamay ko.

Naglakbay ang kapangyarihan ko sa hangin patungo sa direksyon niya. At nang tumama ito sa kaniya ay bigla na lang siyang nanginig, sumuka ng itim na dugo, at sumigaw ng, "Olin, pakiusap . . . 'waaag!"

Pagkatapos niyon ay unti-unti nang nalusaw ang kaniyang katawan na parang kandila at tinangay ng hangin hanggang sa tuluyan na siyang naglaho sa 'ming paningin. At kasunod niyon ay unti-unti ring nagiging abo ang mga yawa at lobong itim sa paligid hanggang sa ang natira na lang ay ang mga nasawing mandirigma ng Melyar at ilang nakaligtas sa labanan. Tuluyan na ring nabura ang itim na ulap sa itaas dahilan upang umaliwalas na ang kapaligiran.

"Yahhh!" sigaw ng mga natirang Melyarine sabay taas ng kani-kanilang sandata. "Yahhh!" pag-ulit nila sa labis na kasiyahan.

"Tribong Tselese hangtod sa hangtod!" malakas na sigaw ni Ru-An habang lumilipad pa rin sa itaas. Halos maputol na ang litid niya sa sigaw na 'yon.

"Tribong Tselese hangtod sa hangtod!" sabay na pagbigkas ng mga taga-Tsey.

Pinatugtog naman ng mga Banwaanon ang kanilang trumpeta at humiyaw rin nang napakalakas ang kulay bughaw na mga kalag dahil sa wakas ay nagapi na namin ang puwersa ng kasamaan.

"Gosh! Super galing talaga ng bebe boy ko!" pahabol pa ni Solci, umaaktong parang bulateng sinabuyan ng asin. Awtomatikong uminat ang labi ko dahil sa sinabi niya.

* * *

Nang gabing 'yon ay nagkaroon ng malaking salo-salo na ginanap sa gingharian ng Melyar bilang selebrasyon sa aming pagkakaisa at pagkapanalo laban kay Sinrawee at sa kaniyang mga alagad. Narito sa gingharian ang mga Banwaanon at ang Tribong Tselese na kasama ng mga Melyarine na kumakain. At siyempre narito rin ang representante ng mga Horian na si Prinsesa Madani.

Nagpaalam sa 'min kanina ang dating hari ng Porras na si Haring Kalak at ang kaniyang mga kasama. Sasama na raw sila kay Panginoong Sidapa, ang diyos ng kamatayan. Bago sila tuluyang mawala ay humingi muna ako ng dispensa. Mabuti na lang at hindi sila galit sa 'kin, kay Sinrawee lang daw. Hindi pa man daw ako isinilang ay may alitan na sa pagitan nilang dalawa.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon