Ilang sandali pa'y bigla na lang kaming nakarinig ng tunog ng trumpeta at natanaw namin sa di-kalayuan ang lehiyon ng mga kumikinang na mga nilalang, mga Banwaanon, na nakasakay sa mapuputing mga usa na may sungay na maraming sanga. Nakasuot sila ng baluting kulay berde saka may hawak-hawak na pana at palaso. Pinangunahan sila ni Haring Hestes at ng kababata ni Solci na si Garam.
"Nandito na ang father ko," masayang wika ni Solci.
Pagkaraan ng ilang segundo, dumapo naman ang aming mga mata sa pangkat ng mga taong nakabahag at nakasuot ng makukulay na malong na nagmamartsa sa 'ming gawing kanan. May dala-dala silang matatalim na sibat. Nakita ko si Manoy Bundiyo na sumasabay sa agos ng mga kasamahan niya. Hindi rin naman nakatakas sa 'ming paningin ang isang nilalang na lumilipad sa itaas ng Tribong Tselese, ang bagong Ungo na si Ru-An. Nakalilipad na siya! At napapalamutian na ngayon ng malalagong buhok ang kaniyang katawan!
"Ariba, Tribong Tselese!" sigaw ni Ru-An habang lumilipad.
"Ariba, Tribong Tselese!" tugon naman ng mga taga-Tsey.
"Tselese hangtod sa hangtod!" muling sigaw ng Ungo.
"Tselese hangtod sa hangtod!" pag-ulit ng lahat.
Sa dakong itaas naman, namataan namin ang mga kulay asul na kalag sa pangunguna ni Haring Kalak na nakasampa sa malaking dragon-si Cormac! May hawak silang palakol at maso.
Halos maiyak ako nang maalala lahat ng mga nakasalamuha namin sa paglalakbay namin noon patungo sa kagubatan ng Sayre na ngayon ay handang tumulong sa 'min sa oras ng kagipitan. Napapaligiran na namin ang mga kampon ni Sinrawee at oras na para tapusin ang lahat ng ito!
Lumundag ang mga kulay bughaw na kalag o kaluluwa sa tabi namin at kasabay ng pagbagsak ni Cormac ay ang pagbabago ng kaniyang anyo. Mula sa malaking dragon ay isa na siya ngayong mabangis na Sarangay-kalahating tao at kalahating toro-na may bitbit na maso. 'Tapos, ang dalawang sungay niya ay mahaba pero baluktot.
Nanguna si Cormac sa 'min na naging Sarangay sabay sigaw ng, "Kahadras Legends, sugoood!"
Walang kagatol-gatol na tumakbo ang mga kasama ko at ang kabilang panig na animo'y kating-kati na ang mga kamay na pumaslang. Dali-daling nagpaulan ng mga palaso ang mga Banwaanon kaya sunod-sunod na bumagsak ang ilang yawa sa lupa.
Wala nang dambuhalang gagamba pero mayro'n pa ring mga itim na lobo. Tumakbo nang mabilis ang Tribong Tselese at walang habas na tinutusok ang mga halimaw gamit ang kanilang matutulis na mga sibat.
Sa pagkakataong ito, si Ru-An naman ang sumugod sa Mansalauan dahil siya lang ang nilalang na may pakpak sa panig namin. Kinalmot-kalmot niya ang Mansalauan at saka sinakal. Humaba ang dila ng Mansalauan at pumulupot sa tiyan ni Ru-An pero agad niya itong pinutol. Muling sinakal ni Ru-An ang malaking paniki na may ulo na parang butiki, ibinagsak sa ibaba, at nangudngod ito sa lupa. Agad namang tinambangan ng mga yawa si Ru-An ngunit ibinukadkad niya ang kaniyang mga pakpak dahilan para tumilapon ang mga yawa sa malayo.
Nagpalitan ng atake ang mga asul na kalag o kaluluwa at ang mga yawa na may dalang nagbabagang espada. Hindi nila matamaan ang mga kalag at 'yon ang kalamangan nila sa digmaang ito. Naglaho saglit ang mga kalag at sa kanilang pagbabalik ay isa-isang nahati ang mga yawa sa dalawa.
Pinuntirya naman ng magkasintahan na sina Lubani at Madani ang Mambabarang na pumatay kay Labuyok. Inilapit ng Mambabarang sa bibig niya ang hawak niyang kawayan na may lamang samot-saring insekto. Pero bago pa niya mautusan ang mga ito ay may tubig na marahas na humampas sa kawayan dahilan upang bumagsak ito sa lupa. Nagkaroon ng pagkakataon si Lubani na lumapit sa pumatay sa kaniyang kapatid. Dinaganan niya ito at sinakal.
"Hayop ka! Pinaslang mo ang pinakamamahal kong kapatid!" galit na sambit ni Langas. "Ngayon, pagbabayaran mo ang ginawa mo!"
Kasabay ng pagtulo ng kaniyang mga luha ay ang pagtarak niya ng kaniyang sundang sa puso ng Mambabarang. Sumigaw nang malakas ang Mambabarang dahil sa sakit. Pagkatapos niyon ay naging daan-daang insekto ang Mambabarang at lumipad sa malayo.
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 33 - Tale of the Maze
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)