Chapter 32 - The Demigod

Bắt đầu từ đầu
                                        

Tuluyan nang tumakbo si Rayna Helya papunta sa kinalulugaran ko at wala nang nagawa si Madani. "I-I'm sorry, anak. N-Natakot lang ako sa propesiya. Napanaginipan ko kasi no'ng buntis ako na ang anak ko ang wawasak sa gingharian ng Melyar. At ikaw 'yon. K-Kaya no'ng isinilang kita, agad akong nagtungo sa Sayre, umaasang may kukupkop sa 'yo. Hindi kita kayang patayin gaya ng utos ni Ama kaya—"

"Kaya tinapon mo 'ko?" putol ko sa kaniyang sinasabi. Hindi ko alam kung alin ang mas masakit sa mga oras na ito: ang karamdamang itinanim sa 'kin ng Mamumuyag o ang katotohanang itinapon ako ng sarili kong ina sa kagubatan ng Sayre.

"A-Anak, sana'y maiintindihan mo na natakot lang ako—kami—sa kung anong puwedeng mangyari," aniya. "Sa tingin ko'y nagkatotoo ang sumpa ni Sinrawee. May gusto si Sinrawee sa 'kin noon, pero mas pinili ko ang 'yong ama na si Haring Gumapad at kalauna'y pinakasalan. Nagtungo si Sinrawee sa Melyar no'ng pinagbubuntis kita at isinumpa ka niya. Magkakaroon ka raw ng itim na kapangyarihan at kakalabanin mo ang 'yong ama. Pagkatapos noon ay napanaginipan kong wawasakin mo ang gingharian ng Melyar. Anak, I-I'm sorry . . ."

Lumapit siya sa 'kin at hinawakan ang kamay ko, pero agad ko itong tinabig.

"I-I'm sorry, Gideyo. Pinagsisihan ko na 'yong ginawa ko. Sana, mapatawad mo 'ko, Gideyo, anak . . ." Humagulgol si Rayna Helya. "Sana'y . . . sana'y bigyan mo 'ko ng pangalawang pagkakataon na maging ina mo."

Umatras ako nang kaunti. "Hindi," anas ko at umiling-iling. Kapagkuwan ay uminit ang marka sa leeg ko kaya ipinilig ko ang aking ulo. 'Di ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Parang naghihimagsik ang aking kalooban. "HINDIII!" Halos maputol ang litid ko sa sigaw na 'yon.

Bigla kong naramdaman na parang lumalaki ang katawan ko at tumatangkad din ako. Habang palaki ako nang palaki ay paliit din ng paliit ang babaeng may korona na nasa harapan ko. Tinitigan ko ang balat ko at unti-unti itong naging kulay-uling.

"Gideyo! Nooo!" sigaw ng babaeng lumuluha.

"Ganiyan nga, Olin! Wasakin mo ang gingharian ng Melyar. Pagkatapos, ibibigay na kita kay Sisiburanen sa mundong ilalim! Ha-ha-ha!"

Nilingon ko ang lalaking sumisigaw sa likuran ko at agad ko siyang hinambalos gamit ang malaki kong kamao dahilan para tumilapon ang katawan niya sa malayo. Iginala ko ang aking paningin sa paligid. Kalaban. Napapalibutan ako ng mga kalaban. Lahat sila!

Inipon ko ang puwersang nananalaytay sa katawan ko sa 'king mga kamay at kaagad na pinakawalan patungo sa direksyon ng mga matatandang nakasuot ng berde at asul na balabal. Pero nasangga nila ang atake ko gamit ang kapangyarihang nagmumula sa kanilang tungkod! Buwisit!

"Umalis na kayo! 'Di na niya nakokontrol ang sarili niya! Hindi na si Olin ang isang 'to!" sigaw ng matandang nakasuot ng asul na balabal.

Kaagad na tumalima 'yong dalawang babae at nagsimulang kumilos pero dali-dali ko namang pinagalaw ang lupa sa pamamagitan ng isang padyak dahilan para matumba silang dalawa. Nahuli ng mga mata ko ang dalawang malalaking paniki na nagsasabong sa ere. Tinipon ko muli ang puwersang namamahay sa katawan ko sa 'king kamay at itinuon sa direksyon nila hanggang sa matamaan silang pareho at bumulagta sa lupa. Isa-isa namang nahuli ng mga kamay ko ang dalawang maninipis na palaso na pinakawalan ng babaeng may kulay-gatas na buhok.

"Olin, ako 'to! Si Solci!" bulalas niya. "Bumalik ka na, baby—este sa dati! Please!"

Itinapon ko ang mga palasong nahuli ko patungo sa gawi niya pero agad naman siyang nakailag sa pamamagitan ng pagsirko.

Itinusok ng matandang nakasuot ng berdeng balabal ang kaniyang tungkod sa lupa. Agad-agad na tumubo sa lupang kinaroroonan ko ang mga makakapal na baging at pumulupot sa 'king buong katawan na parang ahas. Nagpumiglas ako hanggang sa naputol ang mga baging. Pumadyak ulit ako dahil sa poot at nabitak ang lupang inaapakan ng berdeng salamangkero hanggang sa mahulog siya sa ilalim.

Dumapo ang mga mata ko sa asul na salamangkero nang ituon niya sa 'kin ang kaniyang tungkod. Pagkaraan ng ilang segundo'y may asul na liwanag na lumabas doon at naglayag sa hangin papunta sa 'king direksyon. Nang makalapit ito sa 'kin ay agad ko itong hinigop gamit ang kaliwang palad ko. Pagkatapos, ibinalik ko sa kaniya ang kapangyarihan niya dahilan upang mapadaing siya at tumilapon siya sa malayo.

Kita ko sa di-kalayuan ang ilang taong nakasuot ng baluti at mga yawa na nag-aaway. Marami nang nakahiga sa lupa at nilalangaw. Wala na akong nakikitang tao sa mataas na pader ng gingharian. Umangat ang kanto ng mga labi ko sa natunghayan.

Pero nagitla ako nang bumulusok ang dalawang kidlat patungo sa 'king direksyon. 'Di agad ako nakaiwas kaya nadaplisan ang kanang balikat ko. Dumaloy agad ang dugo ko saka napangiwi ako nang kaunti dahil sa hapdi.

At kasunod niyon ay ang pagdating ng isang lalaking galing sa loob ng gingharian na lumundag nang napakataas at bumagsak sa harapan ko. Nakasuot siya ng baluti, mayroong kulay dilaw na kapa, at may hawak-hawak na ginintuang espada. "Ako na ang bahala rito!" aniya.

"Prince Helio! No!" sigaw ng babaeng may kulay-gatas na buhok. "Mahal na rayna, pigilan n'yo po siya. Kailangan pa niyang magpahinga. Baka po mapa'no siya!"

"'Wag kang mag-alala, Solci. May tiwala ako sa anak kong si Helio dahil isa siyang kalahating diyos . . ."

"Ano?" gulat na sambit ng babaeng may puting buhok.

"Anak siya ng kataas-taasang diyos na si Kaptan."

t.f.p.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ