Agad-agad akong bumangon at naglabas ng hangin sa pamamagitan ng ilong. Kita kong tumatakbo si Sinrawee sa direksyon ko kaya dali-dali kong ipinuwesto ang espada ko sa 'king harapan para sanggahin ang kaniyang atake. Nang makalapit siya ay nagpalitan kami ng atake. Akmang sasaksakin niya ako ngunit karaka-raka akong lumihis pakaliwa para umikot.
Di-kaginsa-ginsa, lumipad si Sinrawee. Pero agad itong naglakbay sa hangin pabalik sa gawi ko habang nakatuon sa akin ang talim ng kaniyang espada. Dagli kong inipon ang puwersa sa kamay ko saka inilipat sa 'king espada. Nang malapit na siya ay dali-dali kong iwinasiwas ang aking sandata at may itim na kapangyarihang naglayag papunta sa direksyon ni Sinrawee. Nagawa niya itong sanggahin gamit ang puwersa niya pero mas malakas 'yong puwersang pinakawalan ko kaya bumagsak siya sa lupa at humalinghing.
Ngunit may naramdaman akong sakit na naglakbay sa katawan ko hanggang sa huminto ito sa tiyan ko. Namilipit ako sa sakit at napaupo. Nakailang subok ako ng tayo pero 'di kaya ng katawan ko. Tila sangkaterbang pako ang tumutusok sa 'king sikmura. Pinagpawisan ako nang malagkit. Kasunod niyon ay ang pagpasok sa 'king ilong ng mala-bakal na samyo ng dugong tumakas sa bibig ko.
Inilibot ko ang aking mga mata at natanaw sa di-kalayuan ang nakangising Mamumuyag. Kapagkuwan ay nabura ang ngisi niya nang hambalusin siya ni Girion gamit ang tungkod nito. Tumilapon ang Mamumuyag sa tumpok ng mga nasawing gagamba. Itinusok ulit ni Girion tungkod niya sa lupa dahilan upang maglabasan ang mga baging sa bumukang lupa. Hinatak ng baging ang Mamumuyag at inilibing nang buhay.
Kahit sobrang sakit na ng tiyan ko'y nagawa kong bumulong sa hangin ng, "Deserve!"
Nasorpresa ako nang nasa harapan ko na si Sinrawee. Nakataas ang sulok ng kaniyang mga labi habang nakatitig sa 'kin.
"Mag-ibang-hugis ka na, Olin. Kukunin ka na ni Sisiburanen at ipapalit ka niya sa mga nawawalang higante roon sa Kanitu-nituhan. Ikaw na ang kakain sa mga kaluluwa roon sa Kasakitan. Ha-ha-ha!" wika nito saka humalakhak.
Dinuraan ko siya ng dugo. "Pa'no mo nagawa sa 'kin 'to? Bakit mo 'ko gustong ikulong sa Kasakitan? Anak mo pa rin ako, Sinrawee! Animal ka talaga!" bulyaw ko rito. Binigyan ko siya ng matalim na tingin.
"Ikaw, anak ko? Nagpapatawa ka ba?" Muli siyang humalakhak.
Kumunot ang noo ko at naikuyumos ko ang mga kamao ko sa galit. "Ngayon naman, tinatanggi mo na magkadugo tayo. Wala ka talagang kwentang ama!"
"Olin!" Isang sigaw ang gumimbal sa amin. Para itong umiiyak.
Nilingon ko si Rayna Helya na nakatakip sa kaniyang bibig at lumuluha. Agad naman siyang pinigilan ni Madani na lumapit sa kinaroroonan namin ni Sinrawee.
"Siya! Siya ang 'yong tunay na magulang, Olin!" bulalas ni Sinrawee dahilan para mapatingin ako sa kaniya. "Tama ang narinig mo, Olin. Si Rayna Helya ng Melyar ang nanay mo! Pumunta siya sa kagubatan ng Sayre at iniwan ka niya roon noong sanggol ka pa lang!"
Nag-init bigla ang sulok ng mga mata ko dahil sa narinig ko. Umawang ang mga labi kong may mala-bakal na samyo. 'Di mapakali ang noo ko, may sagabal sa 'king paningin, at unti-unting nanginginig ang aking mga labi.
"Kinupkop kita, inalagaan, binihisan, at sinakop ko ang Porras gaya ng utos mo! Kung hayop ako, mas hayop ang 'yong tunay na ina!" sumbat niya at dinuro-duro ang rayna.
"Olin, p-patawarin mo 'ko," mangiyak-ngiyak na sambit ni Rayna Helya.
Lumingon ulit ako sa rayna ng Melyar. "Totoo ba? B-Bakit? Bakit mo 'ko tinapon no'ng bata pa lang ako?" sigaw ko. Tuluyan nang dumausdos ang mga luha ko patungo sa 'king pisngi at baba. 'Tapos, dahan-dahan akong tumayo habang hawak ko pa rin ang aking tiyan.
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 32 - The Demigod
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)