Chapter 32 - The Demigod

Start from the beginning
                                        

Mambabarang laban kay Mounir. Mga mapanganib na insekto laban sa enerhiya ng hangin.

Mamumuyag laban kay Girion. Mga galamay ng gagamba laban sa gumagalaw na mga sanga ng puno.

Walang habas na sinasaksak ni Langas ang mga mababangis na lobo na sunod-sunod na tumalon sa direksyon niya.

Hindi naman pumalya si Solci at walang humpay na nagpapaulan ng mga palaso sa mga higanteng gagamba.

Sa dakong itaas naman, patuloy pa rin sa pagsalpukan ang kalabang Mansalauan at makulay na Mansalauan na si Cormac.

Sinipat ng mga mata ko si Sinrawee na nakasakay sa lobong itim at kasalukuyang nakipaglaban sa mga Melyarine na nakasuot ng baluti. Akmang lalapit ako sa kaniya nang mahagip ng paningin ko si Langas na lumundag papunta sa direksyon ng Mambabarang. Ngunit tumalon din ang ilang lobo at dinumog siya. Dali-dali kong itinapat ang kamay ko sa mga lobo dahilan para mahati ang mga ito sa dalawa.

"Olin, si Langas!" sigaw ni Solci. Malayo siya kay Langas at kumakalaban pa sa kaniya na mga yawa.

Parang bumagal ang oras. Unti-unting nahuhulog si Langas at parang babagsak siya sa matulis na bato! Gagawa na sana ako ng paraan para sagipin siya nang mamataan ko ang tubig na hugis-itlog na naglakbay patungo sa direksyon niya.

Nang maabot ng tubig ang kasama namin ay pumaikot ito sa kaniya 'tapos dahan-dahang dinala sa maayos na puwesto. Eksaktong pagbagsak ni Langas at ng tubig, nag-ibang-hugis ito. Nasilayan namin ang nakangiting dalaga na may kulay-presang buhok, may asul na kasuotan na umabot hanggang tuhod, at may damong-dagat na nakapulupot sa ulo niya na nagsisilbi niyang korona. 'Di rin nakatakas sa 'ming paningin ang hawak niyang sibat na may tatlong talim. Si Prinsesa Madani ng Horia.

"'Na all!" sigaw ni Solci. Patuloy pa rin siya sa pag-ikot at manaka-nakang nagpakawala ng mga palaso.

"Madani . . ." ani Langas.

"Lubani . . ." tugon naman ng prinsesa ng Horia.

Dali-dali nilang pinutol ang distansya sa isa't isa saka naghalikan. Kapagkuwan ay bigla na lang umilaw si Langas. Isang nakasisilaw na liwanag ang bumalot sa kaniya kaya napapikit ako. Ilang sandali pa'y tuluyan nang naglaho ang liwanag. At nang tingnan namin si Langas ay iba na ang hitsura nito!

Gumulat sa 'min ang mukha ni Langas o Lubani. Hugis-bigas ang mukha niya, kulay-dalandan ang mga labi, maskulado, at maputi ang kulay ng balat. Nakasuot siya ngayon ng kulay-kapeng pantalon at puting damit na hapit na hapit sa kaniyang braso.

Ngunit napigtal ang kanilang sandali kasi sinibasib sila ng mga yawa at lobong itim. Magkatalikuran silang dalawa habang sinasaksak at ginawang abo ang mga sumugod sa kanila. Gamit pa rin ni Lubani ang kaniyang sundang samantalang umaasa naman si Madani sa kapangyarihang taglay ng kaniyang sibat na may tatlong talim. Bulagta rito at ngudngod doon ang mga kalaban.

Pagkatapos niyon ay tuluyan na 'kong lumapit kay Sinrawee. Nakaangat ang kanto ng mga labi niya at tila inaasahan niya ang pagharap ko sa kaniya. Tuluyan siyang pumanaog mula sa likod ng itim na lobo.

"Hindi ko inasahang tatraydurin ako ng kaisa-isa kong anak," bulalas niya at pumalatak ito.

Hawak ang espadang gawa ko, walang kagatol-gatol na sumugod ako sa kaniya. Dali-dali siyang gumawa ng nag-aapoy na sandata at pinansalag niya ito. Isang malakas na puwersa ang nagbunga sa nagkabanggaang lakas.

Kapagkuwan ay may bumalot na itim na usok sa kaniyang katawan at buong lakas akong itinulak. Tumilansik ako sa pulutong ng nasawing manlalaban ng Melyar. Isang impit na ungol ang kumawala sa 'king bibig. Yawa! Gasgas na ang siko ko!

Kagyat akong napatingin sa mga kasama ko sa di-kalayuan. Bumagsak si Cormac pero dagli naman siyang lumipad. Parehong duguan sina Solci at Langas subalit patuloy lang sila sa pakikipagsagupaan sa mga yawa at lobo. Kailangan kong mapatay si Sinrawee para tuluyan nang maglaho ang kaniyang mga nilikha!

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now