Chapter 32 - The Demigod

Start from the beginning
                                        

May iilang lobong tumalon para dakmain ako ngunit dali-dali kong iwinasiwas ang gawa kong espada dahilan upang mahati ang mga ito sa dalawa at naging abo. Pansin kong pinaulanan ni Solci ng mga palaso ang nagtatangkang sumunggab sa akin. Kailangan kong malapitan si Sinrawee. Kami ang magtutuos!

"Olin, mag-ingat ka!" bulalas ni Solci.

Habang naglalayag sa hangin sakay ang bato, hindi nakaligtas sa pandinig ko ang mga palahaw o sigawan ng mga tao at halimaw na nakikipagbunuan para sa kaniya-kaniyang hangarin. Tanaw ko ring isa-isang natutumba ang mga kabayo ng mga Melyarine nang dumaan ang Mamumuyag. Para talaga siyang si Bulalakaw. Tinatamnan din niya ng sakit ang mga tao.

Muli ko na namang narinig ang paglangitngit ng tali ng mga pana kaya dali-dali kong binalutan ang sarili ko ng bilog na kalasag. Doon ay bumulusok ang mga palaso patungo sa direksyon nila Sinrawee at ng mga ahente niya. Tinamaan ang ilang lobo at lumupasay sa lupa.

Nasundan din iyon ng pag-ulan ng malalaking bola na umaapoy. Bumagsak ito sa lupa at sumabog dahilan para mapisat ang ibang kalaban. May iba ring napalukso dahil sa pagsabog na iyon. Mas lalong nabawasan ang nagsalpukan sa lupang may ekta-ektaryang lawak.

Dumapo ang mga mata ko sa isinumpang nilalang. Ibinuwelo ni Langas ang sundang para saksakin ang itim na lobo sa tagiliran nito subalit nagawang maiwasan ng lobo ang kaniyang atake at nadaganan siya nito. 'Buti na lang at dali-daling rumesponde si Solci at nagpatakas ng isang palaso na tumama sa noo ng mabangis na lobo dahilan para ito ay humandusay. Masasabi kong mas gumaling siya ngayon.

"Ako lang 'to, Langas," pagmamayabang pa ni Solci. Tumawa lang si Langas. "Kaunting kembot na lang, ka-level ko na si Katniss ng Hunger Games."

Kita ko rin mula rito na pinapatumba ng damang na sinasakyan ng Mambabarang ang mga kabayong sinasakyan ng mga eskrimador ng Melyar hanggang sa nahulog ang mga ito sa lupa. Umarangkada ang mga paa ng higanteng gagamba patungo sa nakahigang Melyarine. Akmang tutusukin ito ng halimaw na 'yon pero dali-dali kong itinapat ang kamay ko sa damang hanggang sa malusaw ang mga galamay nito at bumagsak ang Mambabarang. Kaagad na lumapit sa kaniya si Mounir at sila ang nagtuos.

Isang atungal ang gumimbal sa amin. Umalagwa ang Tambaluslos na may kalakihan mula sa kagubatan ng Porras. Sumalakay agad ito sa mga Melyarine sa gitna. Hinampas ng Tambaluslos ang mga eskrimador ng Melyar gamit ang kaniyang malaking ari dahilan upang tumilapon sila sa di-kalayuan at tinambangan ng mga lobong itim. Walang sinasanto ang mabangis na Tambaluslos. Patuloy siya sa paghampas sa mga Melyarine gamit ang malaki niyang ari at ang iba'y ipinasok niya sa kaniyang malaking bunganga.

Inasinta naman ni Solci ang itlog ng Tambaluslos na sumasayad sa lupa. At nang pakawalan niya ang palaso, sapul! "'Na all daks," bulalas niya.

Dumaing ang Tambaluslos at 'di 'yon nagustuhan ng tainga ko. Mas lalo itong bumangis ngayon saka marahas na dinaluhong ang mga Melyarine. Tapon dito at tapon doon ang mga kapanalig namin.

Ilang sandali pa'y nagulantang ang lahat nang maglakad ang ilang puno sa pangunguna ng berdeng salamangkero na si Girion. Sumunod naman si Atga, ang Agta. Kaagad na tumakbo si Atga patungo sa direksyon ng Tambaluslos. Nang magkaharap sila, binigwasan niya ito at sinipa dahilan upang tumilapon ito sa di-kalayuan.

Agad kong itinapat ang kamay ko sa mga bato at ipinatong ang mga ito sa Tambaluslos para 'di na ito makatayo ulit.

Sinalakay ng mga puno ang mga damang, tinapakan, at ibinaon sa lupa. Ngunit bigla na lang natumba ang mga puno, naging itim, at nalagas ang mga dahon nang dumaan ang Mamumuyag. Pati si Atga, bumulagta! Nagngitngit si Girion sa ginawa ng Mamumuyag sa kaniyang mga alaga. Dagling lumipad si Girion patungo sa itaas ng bukod-tanging puno na naglalakad samantalang nakasakay naman ang Mamumuyag sa dambuhalang gagamba. 'Tapos, nagpalitan ng atake ang dalawang salamangkero.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now