Chapter 31 - Kahadras Legends

Start from the beginning
                                        

"Para kay Olin!" sabay-sabay na tugon ng mga Melyarine.

"Para kay Olin!" muling hiyaw ni Rayna Helya.

"Para kay Olin!"

Kalaunan, nagtipon-tipon na ang mga manlalaban ng Melyar sa pasilyo at gumayak para sa pakikidigma. Isa-isang ipinamahagi ng kanilang pinuno ang mga likha nilang sandata. Samantala, nahagip naman ng paningin ko si Rayna Helya na papalapit sa kinaroroonan namin. Sumenyas ito kina Cormac, Langas, at Solci kaya agad akong iniwan ng mga kasama ko.

Bahagya akong yumuko at nasundan ng sinserong ngiti. "Kumusta na po si Prinsipe Helio?" tanong ko.

Uminat ang mga labi niya. "Okay na siya, Olin. He just needs to rest for now," tugon ni Rayna Helya. "Olin, may ipapakiusap lang sana ako. Dumito ka lang sa loob ng gingharian ko. We'll protect you here. Hindi ka puwedeng makuha ni Sinrawee. Hayaan mo na lang sina Mounir, Girion, Langas, Cormac, Solci, at ang mga Melyarine na lumaban sa kadiliman."

"Mahal na rayna, buo na po ang desisyon ko. Lalaban po ako," mahinahon kong pagkontra. "Kailangan ko pong lumabas kasi kapag hindi ako magpakita kay Sinrawee, papasok po sila rito. Mapapahamak po ang mga kababaihan, mga bata, matatanda, at pati na rin po si Prinsipe Helio na kasalukuyang nagpapahinga."

"Olin . . ." Hinawakan niya ang mga kamay ko.

"Kaya ko po ang sarili ko," paniniyak ko. "Sa tingin ko po, magagamit ko na ang kapangyarihan ko kung kailan ko gusto. Lalaban po ako, mahal na rayna, para sa Melyar."

Mas lumapad ang ngiti ng rayna. "Kung 'yan ang gusto mo, Olin." Pagkatapos, hinandugan niya 'ko ng isang mahigpit na yakap. 'Yong yakap na nagpapasalamat. 'Yong yakap na parang nagsasabing, "Mag-iingat ka."

Ngunit kumalas agad siya nang yumanig nang bahagya ang paligid saka may narinig kaming ingay sa labas. Dali-dali kaming sumugod sa bintana at mula rito'y tanaw namin ang paparating na mga higanteng damang o gagamba, mga itim at hindi kaaya-ayang nilalang na tinatawag na yawa, at kulay-uling na mga lobo na tila handa nang balatan nang buhay ang mga Melyarine.

'Di rin naman nakaligtas sa 'ming paningin si Sinrawee at ang kaniyang mga ahente—Mambabarang, Mamumuyag, at Mansalauan—na nasa bandang hulihan. Kalalabas lang nila sa kagubatan ng Porras. Nagmamartsa na ang kanilang batalyon upang sumugod dito sa gingharian ng Melyar.

Lumapit sa 'min sina Mounir, Girion, Solci, Cormac, at Langas para makisilip din kung ano na ang nangyayari sa ibaba. Mas lalo kaming nagimbal nang matanaw ang itim na ulap sa dakong itaas na kumakalat sa kalangitan at tila tumatakbo kasabay nila Sinrawee.

Dali-daling tumakbo sina Mounir, Girion, at Rayna Helya patungo sa mga mandirigma ng Melyar para abisuhan ang mga ito na narito na ang aming kalaban at kailangan na nilang pumuwesto sa labas saka sa mataas na pader kasama ang iba pa upang paghandaan ang pagsalakay ng kadiliman.

"This is it! Kaya natin 'to, guys," pampalubag-loob na sabi ni Solci.

"Siyempre naman! Nasa atin kaya ang pinaka-powerful na mage sa buong Kahadras. Si Olin Manayaga!" puno ng kumpiyansang wika ni Cormac. Pabiro ko siyang sinuntok sa balikat.

Seryoso namang nakatingin si Langas sa ibaba. 'Tapos, hinugot niya ang kaniyang sundang sa kaniyang tagiliran. "Ako ang bahala sa Mambabarang. Kailangan kong ipaghiganti si Labuyok!" Umaapoy sa galit ang mga mata nito at saka nagtangis ang bagang.

Nang makabalik sina Mounir at Girion ay agad silang nagsaboy ng panuto na kailangan naming maghawak-hawak. Agad namin silang sinunod at sa isang kisapmata'y nandito na kami sa labas ng gingharian, malapit sa tarangkahan. Ramdam na ramdam na namin ang namumuong tensyon sa magkabilang panig. Isama pa ang kulay-uling na ulap na pansamantalang ninakaw ang liwanag.

Nakahilera na sa unahan namin ang mga mandirigma ng Melyar na nababalutan ng pilak na baluti at may dala-dalang mga sandata. Sa unang hilera ay ang mga Melyarine na may matipunong katawan na may hawak na sibat at hugis-itlog na kalasag. Sinundan sila ng mga Melyarine na nakasampa sa mga kulay-kapeng kabayo at may bitbit na matatalim na mga espada. Tila kumislap pa nga ang dulo ng mga ito nang tingnan ko.

Sa magkabilang gilid naman namin nakapuwesto ang dalawang malalaking bagay na parang may malalaking sandok sa itaas na lalagyan ng mga malalaking bola at kailangang hilahin ang kadena para tumilapon ang mga higanteng bola sa kalaban. Hindi rin naman nagpapahuli ang mga mamamana na nakatayo at nakalinya sa mataas na pader ng gingharian. Halos handa na silang lahat. Rinig pa namin ang paglangitngit ng tali ng kanilang mga pana.

Habang palapit nang palapit ang mababangis na kampon ni Sinrawee ay palakas naman nang palakas ang tibok ng puso ko. Mas lalo pa 'kong kinabahan nang pumailanlang sa buong Melyar ang ingay ng mga tambuli, palatandaan ng paghahanda ng lahat ng Melyarine na nakasuot ng baluti para sa isang madugong labanan.

Sigurado akong pinagmamasdan kami ng mga diyos sa Kahilwayan at paniguradong hindi sila nasisiyahan sa gagawin namin pero kailangan naming iligtas ang gingharian ng Melyar at gapiin ang mga alagad ng kadiliman, kasama na roon ang ibang nilalang na nilikha ni Kaptan na umanib kay Sinrawee.

Unti-unti nang kumakapal ang lehiyon ng mga kampon ng kasamaan sa harapan ng gingharian na may ekta-ektaryang laki o lawak. Nakasakay si Sinrawee sa itim na lobo. Ang Mambabarang at Mamumuyag naman ay nakasampa sa mga dambuhalang gagamba. Samantala, lumilipad naman sa gawing itaas nila ang Mansalauan na panay ang paghalakhak.

Naikuyumos ko ang mga palad ko at muling binuksan hanggang sa lumabas dito ang itim na bilog. Nakahanda naman ang makapangyarihang tungkod nina Mounir at Girion. Agaw-pansin din ang kulay-gatas na buhok ni Solci na nagliliwanag. Kumuha siya ng isang palaso at inasinta ang mga kalaban dahilan para lumangitngit ang tali ng pana niya. Nakataas na rin ang sundang ni Langas na tila ba handa nang putulin ang ulo at galamay ng mga halimaw.

"Kailangang may tumapat sa lumilipad na nilalang."

Nasorpresa naman kami nang umabante si Cormac. Inilabas niya ang mahiwagang kabibe at nilunok ito dahilan upang magliwanag siya. Pagkaraan ng ilang segundo'y bumati sa 'min ang makulay na nilalang na may lahing pinaghalong butiki, paniki, at unggoy! Ginaya ni Cormac ang Mansalauan! Ngunit ang kaibahan lang ay kakulay ng balat at pakpak niya ang bahaghari! Choya!

"Kahadras Legends, assemble!" anunsyo ni Cormac sa matinis na tinig. "They already reached the battlefield, smash them!" dagdag nito. At nasundan iyon ng sabay-sabay na hiyaw ng mga Melyarine.

t.f.p.

GLOSSARY

Simuran and Siguinarugan – the two giants of Kasakitan (Underworld) that guard the gate of Kanitu-nituhan, and eat unredeemed souls.

Sisiburanen – the ruler of Kanitu-nituhan, sub-realm of Kasakitan. He kills the souls of those who are unable to enter the skyworld and feeds them to Simuran and Siguinarugan.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now