Iwinasiwas ko ang libreng kamay sa paligid ngunit sa kasamaang palad ay wala akong mahawakan o masasandigan. Pakiramdam ko, ano mang oras ay mawawalan ako ng malay. Napakagat ako sa ibabang labi ko sa sakit. Hindi puwede! Kailangan ko 'tong dalhin ang kalahating Boac sa Melyar! Olin, lumaban ka! Olin, kayanin mo!
Pero napamulagat ako nang may maramdaman akong enerhiya. Parating na sila. Naramdaman ko ang enerhiya ni Solci. Nakapasok na siya rito kasi wala na si Helong. Wala nang puwersang nakapalibot sa buong lugar.
"Here na us! Gosh, Olin, ano'ng nangyari sa 'yo?" rinig kong bulalas ni Solci. Hindi ko siya masyadong naaninag pero parang nasa itaas siya ngayon.
"Olin, ayos ka lang?" tanong ni Langas. Papalapit na sila sa puwesto ko.
"Siyempre, hindi maayos ang bebe boy ko. Isakay mo na siya rito sa magic carpet. Dali!"
"Saya? Lish?" sigaw naman ni Alog.
"Kalma, ako ra 'ni," rinig kong wika ni Saya.
["Kalma, ako lang 'to."]
"Did you get the Boac?" tanong naman ni Lish.
"Oo naman! Ako pa!" sagot naman ni Alog na parang siya ang kumalaban kay Helong. "Wala pala kayong ambag dito, eh."
Nasapo ko ang ulo ko at sinubukan silang tingnan nang maayos. Nakita ko sina Langas, Saya, Lish, at Solci na nakasampa sa lumilipad na karpet—na sigurado akong si Cormac 'yon.
Ilang sandali pa'y muling nanlabo ang paningin ko at tila sumusuko na ang talukap ng aking mata. Pero bago ako pumikit nang tuluyan ay tinulungan muna ako nina Solci at Langas para pasakayin sa mahiwagang karpet. Hanggang sa tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang buong paligid.
* * *
"Maayos na ba talaga siya?"
"Oo, si Ginoong Girion mismo ang gumamot sa kaniya."
"Kawawa naman ang bebe boy ko."
Naalimpungatan ako nang marinig ko ang boses ng mga kaibigan ko. Binuksan ko ang mga mata ko at agad na bumati sa 'kin ang mukha nila. Kita ko ang pagguhit ng saya sa mga mata nina Cormac, Langas, at Solci.
"Okay na ba ang pakiramdam mo?" pambungad na tanong ni Solci na agad kong tinanguan.
Dali-dali akong bumangon at iginala ang mga mata ko sa paligid. Nandito ako ngayon sa silid na tinulugan ko no'ng unang punta ko rito sa Melyar. Napatingin ako sa malaking bintana at napagtantong mataas na ang sikat ng araw.
Dumapo ang mga mata ko sa 'king katawan. Wala na 'kong suot na pang-itaas. Ang katawan ko'y napapalamutian ng iba't ibang klase ng dahon na pinaibabawan ng puting tela at ito'y nakapulupot sa 'king tiyan.
"Si Ginoong Girion ang gumamot sa 'yo. Nakauwi na siya galing sa Kasakitan. Hinahanap daw niya ang kaniyang mga alaga na sina Aliba at Apano," pagbibigay-alam sa 'kin ni Langas. Humalukipkip ito at ang kaniyang sundang na nasa tagiliran niya ay saglit na kumalansing.
"Si Helio, ayos na ba ang kalagayan niya?" tanong ko sa kanila.
Tumango agad si Cormac. "Oo, Olin, okay na ang prinsipe ng Melyar. 'Wag ka nang mag-alala. Kahit kalahati na lang 'yong Boac na naipakain sa kaniya, tuluyan namang naghilom ang sugat niya. Nagpapahinga na siya ngayon," pampalubag-loob niyang sabi. "Kung hinahanap mo ang mga nagsasalitang bulaklak, iniuwi na sila ni Ginoong Girion sa kanilang tahanan." Dahan-dahan siyang naglakad palayo sa kamang kinalulugaran ko para umupo sa kulay-kapeng salumpuwit.
Nalipat naman ang paningin ko kay Solci nang itago nito ang mga kamay sa magkabila niyang kili-kili. "What happened ba, Olin? Pagdating kasi namin do'n, waley na si Talay girl. Sabi pa naman niya sa 'kin, papasok siya sa gubat to help you," nag-aalalang tanong sa 'kin ni Solci.
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 31 - Kahadras Legends
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)