Tumango-tango lang ang kaklase ko.
Patuloy lang kami sa paglalakad hanggang sa marating ng aming mga paa ang pusod ng gubat—ang tahanan ng mga taga-rito o tinatawag ding Tribong Tselese.
Umugong ang bulungan ng mga tao nang makita kami. Nakaupo sila sa ibaba ng puno habang kumakain ng inihaw na isda.
Inilibot ko ang aking paningin at halos sumayad na ang aking panga sa lupa nang matanaw ang mga bahay ng mga Tselese sa itaas ng puno. May ilaw rin mula sa mga lamparang nakabitay sa ilang sanga ng mga puno rito na tumutulong sa buwan para bigyang liwanag ang kapaligiran.
"Maligayang pagdating sa aming bayan!" deklara ni Manoy Bundiyo. Patuloy lang kami sa paglalakad sa pangunguna niya.
Kapagkuwan ay huminto kami sa punong sagana sa mga sanga at luntiang mga dahon. Pumanhik kami sa hagdang paikot sa katawan ng puno sa utos ni Manoy Bundiyo. Habang umaakyat at umiikot sa puno, dumadampi naman sa 'ming balat ang malamig na simoy ng hangin.
May namataan din kaming ibang hagdan dito sa itaas, patungo sa ibang bahay, na gawa sa pinagbuhol-buhol na baging at kahoy. Mukha naman itong matibay kung titingnan. Pero sumasayaw nga lang 'pag inaapakan.
"Pumasok kayo. Ilalagay ko lang sa mesa ang mga pagkain," anang matanda.
"Ah . . . Manoy Bundiyo, sila na lang po ang pakainin n'yo," kagyat na sabi ni Talay. "Dadalawin ko lang si Mama sa 'min." Akmang aalis na siya nang magsalita ulit si Manoy Bundiyo.
"Mamaya mo na lang siya dalawin," nakangiting wika nito. "Samahan mo muna ang mga kaibigan mo rito. Baka mahiya sila sa akin."
"Mao g'yod, Talay," bulalas ni Saya.
["Tama siya, Talay."]
Uminat ang mga labi ni Talay at tumango-tango "Sige po."
Nabulabog at nagsilabasan ang mga tao sa kanilang kabahayan dito sa itaas ng mga puno dahil sa ingay na nilikha namin. Ang mga kababaihan dito ay nakasuot ng makukulay na mga malong. Samantalang nakabahag lang ang mga lalaki 'tapos may patik o tatu pa sila sa katawan.
Tuluyan na silang pumasok sa munting tahanan ng matandang lalaki. Bago ako sumunod ay sumilip muna 'ko sa ibaba. Mula rito, kitang-kita ko ang kaibigan ni Talay na si Ru-An, kasama ang isang babae, na nangolekta ng mga tuyong dahon at mga ligaw na sanga sa lupa. 'Tapos, tinipon nila ito sa isang tabi at naghanap sila ng dalawang bato. Kiniskis ni Ru-An ang mga ito nang paulit-ulit hanggang sa nakagawa siya ng apoy.
Dumako ang paningin ko sa isinumpang nilalang nang sumabak ito sa duyan na nakasabit sa matabang sanga. Umuugoy-ugoy pa ito, sinabayan ang pagkumpas ng preskong hangin.
"Dito lang ako. Hindi ako kakain dahil busog pa ako," anas ni Langas habang nakasara ang kaniyang mga mata at nakahalukipkip.
"Okay. Sabi mo, eh." Napagpasyahan kong pumasok sa loob ng bahay ng matanda. Simple lang ito. Wala naman siyang masyadong gamit.
"Sabi mo, ikaw ang bahala sa 'min. Ba't 'di mo pinagtanggol si Olin kanina?" rinig kong bulong ni Alog.
"Talawan man diay ka."
["Duwag ka pala, eh."]
"Sorry na po. Next time he-he." Alanganing ininat ni Cormac ang kaniyang mga labi.
Natigil sila nang ilabas ni Manoy Bundiyo ang sinabi niyang ulam at nilagay niya ang mga ito sa harapan nila—sa mababang mesa. Umupo agad ako sa tabi nila dahil nagparamdam na rin ang pasaway kong laway nang makita ang adobong manok, litsong baboy, at mga prutas na nakita namin kanina sa labas ng bayang ito.
Pinaulanan namin siya ng pasasalamat saka nilantakan namin na parang wala nang bukas ang biyayang inihandog sa 'min ni Manoy Bundiyo.
Pagkatapos naman naming kumain ay napagdesisyunan naming lumabas sa bahay ng matanda para magpahangin. Umupo kami nina Cormac at Solci malapit sa duyan kung saan payapang nakahiga si Langas. Nakapikit ang mga mata niya pero alam naming 'di pa siya tulog.
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 23 - Night Breeze
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)