Umawang ang labi ko. "S-Sino siya?"
"Siya si Luyong Baybay, ang diyosa ng paglaki at pagliit ng tubig," kagyat na sagot ni Madani.
Iwinasiwas ng diyosa ang kaniyang kamay at saka sumusunod naman ang alon sa kaniyang pagkumpas. Malaking alon ang nabuo sa karagatan ng Horia at sa muling pagkumpas ni Luyong Baybay ay sumalakay ang ginawa niyang alon sa puwesto ng Mameleu na siyang ikinamangha naming lahat.
Subalit parang wala lang ang dambuhalang ahas. Muling nanlisik ang mga mata nito at lumangoy patungo sa direksyon ng diyosa. Sinuwag ulit nito si Langas dahilan upang muli itong tumilansik sa kabilang panig.
"Buwisit!" rinig kong mura ni Langas.
"Olin, kailangan nating malapitan ang Mameleu," atas ni Prinsesa Madani na agad ko namang sinang-ayunan.
Inutusan ko si Cormac na lumangoy patungo sa higanteng halimaw. Sabay-sabay kaming sumugod sa pagkakataong ito. Nahagip ng paningin ko na pinasakay ni Tulkas si Solci sa mahiwagang tabla na hugis-itlog. Nakahanda na ang talim ng sibat ni Tulkas at patuloy naman sa pagpapakawala ng palaso si Solci habang hinahabol nila ang buntot ng Mameleu. Unti-unti namang sinarado ni Luyong Baybay ang distansya nila ng dambuhalang nilalang sa pamamagitan ng paglangoy nang mabilis.
Samantala, binalutan naman ni Rayna Nagwa ng kulay asul na kapangyarihan ang mga Horian—kasama na roon sina Talay, Saya, Alog, at Lish—bilang proteksyon.
Manaka-nakang kumawag ang buntot ng Mameleu. No'ng una'y puro ilag lang ang aming inakto para matakasan ang hagupit ng malaking ahas na may ulo na parang kalabaw.
Napaisip ako. Hindi kami maaaring umilag lang. Kailangan din namin siyang magalusan.
Pero hindi tatalab ang pipitsuging maso na hawak ko sa makaliskis na katawan ng pandagat na ahas.
Matagumpay naming natakasan ang atake ng Mameleu at sa pag-iwas namin ay siyang naging oportunidad nina Tulkas at Luyong Baybay na sugurin ang pandagat na ahas sapagkat bukas ang depensa nito. Lumapit sila sa Mameleu at itinarak ni Tulkas ang dala niyang sibat sa makaliskis na balat ng dambuhalang ahas na kamukha ng kalabaw. Paghugot ni Tulkas sa kaniyang sibat, inasinta naman ni Solci ang sugat na natamo ng Mameleu. Kasabay ng pagguhit ng kidlat sa kalangitan ay ang pagsigaw ng higanteng nilalang.
Huminto si Luyong Baybay at itinaas ang kaniyang kulay-dalandang tungkod. Kumawala rito ang nakasisilaw na kahel na liwanag dahilan para mapapikit ang Mameleu.
Nabaling ang atensyon ko sa babaeng nasa likuran ko nang itinuon niya ang kaniyang salapang sa tubig. May kulay asul na liwanag na umalpas mula roon. 'Tapos, singbilis ng kidlat ang pag-arangkada ng mga damong-dagat na nagmula sa kailaliman ng karagatan. Dali-daling pumulupot ang mga malalaki at matitibay na damong-dagat sa katawan ng Mameleu.
Napanganga ako sa ginawa niya.
Namamanipula ni Madani ang mga 'yon? Choya!
Umangat bigla ang kanto ng mga labi ko habang tinitingnan ang kalagayan ng Mameleu. Maya't maya itong dumadaing sa sakit dahil paulit-ulit na tinutusok ni Tulkas ang balat nito. At kasabay ng paghugot niya rito ay siya namang pagbaon ng palaso na nagmumula kay Solci. Nagpupumiglas ang malaking ahas kasi napapalibutan siya ng mga damong-dagat.
Samantala, hindi pa rin umimpis ang liwanag na nanggagaling sa tungkod ni Luyong Baybay dahilan para hindi magawang maidilat ng Mameleu ang kaniyang mga mata.
Hindi pa rin humupa ang ulan, hindi magkamayaw sa pagbuhos. Samahan pa ng malakas na paghampas ng hangin na dumagdag sa tensyon sa paligid.
Kahit tuloy-tuloy ang pagpatak ng ulan ay napapansin kong lumiit o bumaba ang tubig ng dagat. Siguro, kagagawan 'to ng diyosa.
"Olin, ngayon na!" sigaw ni Rayna Nagwa na ikinakunot ng noo ko. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin, pero nakasisiguro akong gusto niyang may gawin ako sa Mameleu.
Nagitla ako nang lumusong si Prinsesa Madani sa tubig at tuluyan nang nagkaroon ng buntot. Muli, bumaling ako kay Rayna Nagwa at nasaksihan ang pagkumpas ng kaniyang kamay. Sa isang kisapmata'y nakalikha siya ng hagdang gawa sa yelo na ikinalaki ng mga mata ko.
"Cormac, himoa'g espada ang imong kaugalingon," utos ko sa isdayo.
["Cormac, gawin mong espada ang 'yong sarili."]
Eksaktong pagtalon ko sa hagdan ay nagliwanag si Cormac. Pagkaraan ng ilang sandali'y tumambad sa 'kin ang malaki at kulay-gintong espada na mayroong nakasulat sa magkabilang talim. Lumutang ito sa ere at unti-unting lumalapit sa 'kin. Kahawig nito ang espada ni Burigadang Pada!
Tumaas ang sulok ng labi ko. Hindi ang Mameleung ito ang makapipigil sa 'min sa pagpunta sa kagubatan ng Sayre! Walang makapipigil sa 'min!
Pumanhik ako sa hagdang gawa sa yelo. Habang patuloy ako sa pag-akyat ay nadagdagan din ang mga baitang nito. Hanggang sa makarating ako sa tuktok at kasalukuyang kaharap ang Mameleu.
Hindi ako nasilaw sa kapangyarihan ni Luyong Baybay dahil kusang nag-iba ang paningin ko.
Isang malalim na hininga ang pinakawalan ko bago kumilos.
"Katapusan mo na!" sigaw ko saka tumalon. At gamit si Cormac na naging malaking espada, hinati ko ang katawan ng Mameleu dahilan upang mapaungol siya sa huling pagkakataon.
Agad na bumalik sa dati ang aking paningin at nasaksihan ang pag-ulan ng kulay berdeng dugo sa 'ming puwesto. Bumagsak ang nahiwang katawan ng malaking nilalang at naghalo-halo na ang luntiang dugo at ang ulang pumapatak sa karagatan ng Horia.
Ibinagsak ko ang katawan ko sa tubig na dali-daling pinatigas ni Rayna Nagwa. Kasabay ng pagkalansing ng espada sa yelo ay ang paghinga ko nang malalim. Hindi ko sukat akalaing makapapaslang ako ng isang higanteng ahas sa dagat.
Bigla kong naalala ang sinabi ni Cormac kanina at napangiti ako.
"Kaya natin 'to, Kahadras Legends!"
"Wala talagang makapipigil sa Kahadras Legends," bulong ko habang nakapikit.
t.f.p.
GLOSSARY
• Luyong Baybay – the deity of the tides. She's in charge of tides and their ebb and flow. The translation of her name is "She who was born from the Sea."
• Mameleu – the enormous two-horned sea snake, whose head is comparable in size to a water buffalo and whose body is thirty fathoms long. It dwells in deepest part of the ocean.
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 21 - Wrath of the Mameleu
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)