Chapter 21 - Wrath of the Mameleu

Comenzar desde el principio
                                        

Tumingala kami at natanaw na patuloy pa rin sa pag-atake si Langas sa Mameleu. Bumaling naman ako sa ilang Siyokoy na mabilis na rumesponde at lumapit sa halimaw saka pinuntirya nila ang buntot nito.

Kahit umuulan nang malakas ay namataan ko pa rin ang payat na palasong naglakbay sa ere saka tumama iyon sa katawan ng Mameleu. Subalit nahulog agad ito sa tubig at parang 'di man lang nasaktan ang higanteng ahas.

Sobrang lakas ng buhos ng ulan habang nakikipagbunuan kami sa pandagat na ahas. Samahan pa ng kidlat na gumuhit sa kalangitan na nagmistulang sanga ng ulap at rumehistro din sa 'ming pandinig ang nakabibinging tambol ng kulog.

Hanggang sa bigla na lang sinuwag ng Mameleu si Langas at ibinato sa di-kalayuan.

"Hindi! Lubani!" hiyaw ni Madani.

Kumawag muli ang buntot ng pandagat na ahas at malakas na inihampas sa 'min dahilan upang tumilapon kami sa malayo saka sinalo ng malamig na tubig.

"Aargh!" sabay kaming napadaing ni Madani at ng ilang Siyokoy dahil sa hampas na natanggap namin.

Mabilis akong napadura sa tubig at nakitang hinaluan ng dugo ang laway ko. Biglang kumulo ang dugo ko dahil sa ginawa ng Mameleu.

Dali-dali naming tinunton ang puwesto ni Cormac sa pamamagitan ng paglangoy.

Pagkasakay namin ni Madani kay Cormac na naging isdayo, natunghayan namin ang pag-usbong ng isang matipunong Siyokoy mula sa ilalim ng karagatan. Ang malaki niyang katawan ay nababalutan pa ng makakapal na baluti na gawa sa pinagsama-samang bato at kabibe. May bitbit din siyang sibat na sinalakay ng mga nagdikit-dikit na lumot. Kasalukuyan siyang nakapatong sa hugis-itlog na tabla.

Nagdiwang ang ilang Kataw sa pagsulpot ng misteryosong Siyokoy.

"Siya si Tulkas, ang gladyador sa dagat," ani Prinsesa Madani.

Napasinghap ang ilan nang muling lumukso si Langas patungo sa ulo ng Mameleu dahilan para hindi na naman ito mapakali. Sa tingin ko, 'yan ang espesyal na abilidad ni Langas—ang pagtalon nang mataas.

Sunod-sunod na bumulusok ang mga payat na palaso sa gawi ng halimaw ngunit katulad ng unang nangyari ay sinalo lang ito ng dagat at hindi man lang bumaon sa balat ng Mameleu.

Pinihit ko ang leeg ko habang tumatakbo ang isdayo at namataan ang babaeng may kulay-gatas na buhok na paulit-ulit na nagpapakawala ng palaso. Sumagi sa 'king isipan ang sinabi niya sa 'min noon. 'Di raw siya tinuruan ng kaniyang ama sa paggamit ng pana, pero nakasisiguro ako na balang-araw ay magiging magaling siyang mamamana.

"Yahhh!"

Bumaling ako sa sinabi nilang gladyador sa karagatan. Habang sakay sa habilog at makapangyarihang tabla, ibinuwelo ni Tulkas ang sandata niyang sibat para tusukin ang tagiliran ng Mameleu ngunit nagawang maiwasan ng ahas ang kaniyang atake. Iwinasiwas niya ulit ang kaniyang sibat subalit gaya ng una niyang pag-atake ay hindi na naman niya ito natamaan dahil muli itong nakailag.

Nagbuga ng berdeng likido ang Mameleu kaya sa pagkakataong ito, si Tulkas naman ang kailangang tumakas. Sunod-sunod na nagpakawala ng luntiang lason ang dambuhalang ahas sa direksyon ni Tulkas kaya puro iwas lang ang ginawa niya.

Dumagundong ang ingay na nilikha ng Mameleu at nahinto ito sa paglabas ng nakalalason na likido. 'Yon pala, sinisibak na ni Langas ang kaniyang kulay-kremang mga sungay.

Kapagkuwan ay sumambulat sa paligid ang nakasisilaw na kahel na liwanag. At nang maglaho na ito, tumambad sa 'min ang isang napakagandang babae na may kalakihan. Katulad ng mga Kataw, siya ay kalahating babae at kalahating isda rin. Ang kaniyang buntot ay kulay-dalandan, may nakasabit na maraming burloloy sa kaniyang leeg na gawa sa bato, kabibe, at talukap ng alimango, at saka ang kaniyang buhok na kulay berde na animo'y pinagsama-samang damong-dagat ay nakatakip sa kaniyang dibdib. 'Tapos, mayro'n din siyang hawak-hawak na kahel na tungkod.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Donde viven las historias. Descúbrelo ahora