Chapter 21 - Wrath of the Mameleu

Start from the beginning
                                        

"Ako na ang bahala!"

Nagulantang kaming lahat nang magprisinta si Langas. Lumukso siya sa ibabaw ng dambuhalang ahas na kamukha ng kalabaw saka kumapit siya sa palikpik nito nang kumawag-kawag ang Mameleu.

"Lubani! Bumaba ka riyan!" nag-aalalang sigaw ni Prinsesa Madani. Nanunubig na ang kaniyang mga mata.

Dumadagundong ang pinaghalong tunog ng kulog at atungal ng higanteng halimaw. Unti-unting pumapatak ang ulan na animo'y kontrolado ng Mameleu ang panahon.

Akmang lalapit kami sa kinaroroonan ng Mameleu ngunit agad kaming tinawag ng rayna.

"Kung susugod kayo para tulungan ang kasama ninyo, kailangan ninyo ang bagay na ito," sabi ni Rayna Nagwa. Lumapit siya sa 'min sabay bukas ng kaniyang kanang palad. Mula roon, dahan-dahang lumabas ang gintong kabibe. "Ang mahiwagang kabibe na ito ay pag-aari ni Kaptan na inihandog niya sa diyosa ng dagat at Kasakitan na si Magwayen. Pagkatapos, ibinigay naman ito ni Magwayen sa ninuno namin dahil kami ang tinaguriang tagapagbantay ng tubig. Isubo n'yo lamang ang kabibeng ito at ang hitsura ninyo ay mag-iiba, kung ano mang gustuhin ninyo," pagbibigay-alam sa 'min ng rayna.

Pagkatapos niyang magsalita ay tuluyan nang bumuhos ang pinagsama-samang tubig na nagmula sa dakong itaas dahilan para mabasa kami nang husto at salakayin ng lamig ang buo naming katawan.

Pinatunog ni Cormac ang kaniyang mga daliri sabay sabi ng, "Tabi, ako na." Dali-dali siyang lumangoy palapit sa rayna habang nakangisi. "Puwede ko ba 'yang gamitin, mahal na rayna?" tanong pa niya.

Uminat ang labi ng rayna at saka tumango bilang tugon.

Kinuha ni Cormac ang gintong kabibe at sandaling sinuri. "Ang ganda nito!"

Sinarado rin ni Solci ang distansya niya sa amin sa pamamagitan ng paglangoy nang mabilis. "Isubo mo na, Cormac. 'Tapos, sabihin mo, 'Darna!'" Ikinuyom pa nito ang kaniyang palad at itinaas sa ere. Kapagkuwan ay humagalpak ito sa katatawa. "Chos! Ha-ha-ha!"

"Bilisan n'yo na! Kailangan na nating tulungan si Lubani!" pagsingit ni Prinsesa Madani. Bakas pa rin ang pag-aalala niya sa kasama namin kahit na sinugod na ng mga tubig ang kaniyang mukha.

"Kaya natin 'to, Kahadras Legends!" bulalas ni Cormac.

Inagaw ko ang maso niya nang isinubo na niya ang mahiwagang kabibe ni Kaptan. Unti-unting nilamon ng puting liwanag ang kaniyang katawan hanggang sa tuluyan nang nagbago ang kaniyang anyo—isang puting kabayo pero ang kalahati ng kaniyang katawan ay gaya ng sa isda!

"Isdayo? Cormac, isdayo?" biro pa ni Solci. Ang kaniyang kulay-gatas na buhok ay basang-basa na saka tinipon niya sa kaliwang banda.

Dala ang maso na ninakaw ni Cormac sa Escalwa, nauna akong sumampa sa kalahating kabayo at kalahating isda. Sasakay rin sana si Solci ngunit naunahan siya ng prinsesa ng mga Horian.

"Patawad, pero ngayon lang kasi kami nagkita ulit ni Lubani. Ayaw kong may mangyaring masama sa kaniya," wika ni Madani kay Solci. Agad namang tumango at ngumiti ang huli.

"'Kay, pagbigyan. 'Na all."

Dali-daling lumangoy ang "isdayo" na sinasakyan namin ni Madani.

"Sino ulit 'yong hinihintay n'yo? Tulbas? Sino 'yon?" Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang pagpapaulan ko ng tanong sa prinsesa.

"Tulkas," pagwawasto niya. "Si Tulkas ang binansagang gladyador sa dagat. Isa siyang Siyokoy na bihasa sa pakikipaglaban sa mga halimaw rito sa karagatan, at may basbas din siya sa diyosa ng paglaki at pagliit ng tubig. Siya nga pala, siya ang nagpadakip sa inyo ng mga kasama mo."

"Ano?" singhal ko. Nanariwa sa 'king alaala ang bagay na bumaon sa leeg ko. Ang sakit n'on! Yawa siya!

Lumapit kami sa makaliskis na katawan ng malaking ahas. Ngunit nang makuha namin ang kaniyang atensyon ay napansin namin ang bugso ng galit sa mukha nito at dali-dali itong nagbuga ng luntiang tubig na sinasabi nilang nakalalason. Mabuti na lang at nakailag agad kami. Parang bumibigat ang katawan ko at nahihirapan kaming kumilos kasi basang-basa na kami ng ulan.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now