Chapter 20 - Tigmo Challenge

Magsimula sa umpisa
                                        

"Biro lang," pagbawi niya at saka tumawa nang marahan.

"Tanga! Wala akong gusto sa 'yo, 'no," pagsusungit ni Talay, na 'di ko inasahan.

Dali-daling uminat ang mga labi ko. Tama! 'Pag masaya, lumiliit ang mga 'yon. 'Pag galit naman, lumalaki!

Humarap ako kay Prinsesa Madani sabay sabi ng, "Ang tamang sagot ay mata!"

Tumango lang ang prinsesa bilang tugon.

"Yayyy!" Lumukso-lukso sina Talay, Cormac, at Solci habang sumisigaw. Samantala, si Langas naman ay nakahalukipkip at walang ipinakitang emosyon. Palibhasa kay Madani siya kumakampi.

"Isang puntos for Olin!" deklara ni Solci, na may abot-taingang ngiti.

Sa sumunod na raun ay pareho kaming walang puntos na nakuha. Ako, nagkamali ng hula. 'Tapos, si Madani naman ay sumuko, manaka-nakang sumusulyap kay Langas o Lubani para tingnan ang reaksyon nito.

"Bulikata ang imoha kay isulod nako ang akoa." 'Yon ang tigmo na ibinato ko sa kaniya. Pero kalaunan ay sumuko na lang siya.

Buksan mo ang iyo para ipasok ko ang akin. Ang tamang sagot ay butones.

"Sa gamay pa, gisaninaan. Sa dako na, gihubuan." 'Yon naman ang pinahulaan sa 'kin ni Madani. Napangiti pa 'ko kanina kasi akala ko'y alam ko ang wastong sagot. Akala ko'y saging ang sagot, pero mali pala ako.

Sa maliit pa, binihisan. Nang lumaki na, hinubaran. Ang angkop na sagot ay kawayan.

Nanatiling tig-iisa ang puntos namin ni Prinsesa Madani. Subalit parehong nadagdagan ang aming puntos sa ikatlong raun. Madali lang kasi.

"Usa ka prinsesa pero daghan ug mata," wika ni Madani.

["Isang prinsesa pero maraming mata."]

Muntik ko nang masabi na "Dalikamata" o 'yong diyosa na maraming mata, pero 'buti na lang at pinag-isipan ko 'yon nang mabuti. Ang unang lumabas sa bibig ko ay "pinya." Doon na nagsisigaw ang mga kasama ko at nasundan pa ng sunod-sunod na talon.

"Akoa apan dili nako magamit. Laing tawo hinuon ang makagamit," ang sabi ko kanina.

["Akin pero 'di ko magamit. Ibang tao ang makagagamit."]

Medyo natagalan siya sa pagsagot kaya pumaskil sa mukha ng mga Kataw at Siyokoy ang pinaghalong kaba at takot. Pero gaya ng sinabi ko, wala naman sa usapan na limitado lang ang oras namin. 'Yon nga lang, isang beses lang dapat sumagot, wala nang bawian.

Pagkalipas ng ilang minuto'y nagdiwang na ang mga Horian nang sambitin niya ang salitang "pangalan." 'Yon ang tamang sagot sa tigmong isinaboy ko.

Ngayong nasa huling raun na kami'y nangangatal na ang mga tuhod ko dahil sa pinagsamang lamig ng tubig at kaba. Sumulyap ako kina Solci, Talay, at Cormac na patuloy pa rin sa pagsuporta sa 'kin at pagpapalakas ng loob ko. Kailangan kong manalo rito upang makalaya na kami sa gingharian ng mga Kataw at Siyokoy.

Tumikhim muna si Prinsesa Madani bago magsalita. "Sige'g lukot, sige'g lukot, walay nilukutan." Pagkatapos niyang sambitin 'yon ay mariin niyang isinara ang kaniyang mga mata. Ramdam ko rin ang takot niya kasi nasa huling raun na kami.

Kung susumahin ay isang oras na kaming nakababad dito sa tubig. Gusto ko nang umahon kaya dapat galingan ko rito. Naiihi na rin ako pero dito ko na lang papakawalan ang ihi ko. Nasa dagat naman kami, eh. Hindi naman nila siguro mahahalata 'yon, 'di ba? Pwera na lang kung iinom sila rito. Kaluod!

Sige'g lukot, sige'g lukot, walay nilukutan? Ano 'yon? Kulot na buhok?

Hindi! Hindi!

Pero puwede!

Bigla kong naalala si Solci no'ng nag-ibang-anyo siya sa harapan namin at sinabing isa siyang Banwaanon. Tinangay noon ng hangin ang kaniyang buhok na parang alon.

Tama! Balod sa dagat!

Umangat ang kanto ng mga labi ko nang magtama ang paningin namin ni Prinsesa Madani. Nasaksihan ko ang paglunok niya ng laway. "Ang sagot ay . . . balod o alon sa dagat. Tama?"

Doon na nanlaki ang kaniyang mga mata na parang mga barya sabay sabi ng, "O-Oo, t-tama ka."

"Yesss!" sabay-sabay na sumigaw sina Solci at Cormac. Si Talay naman ay nagtatalon sa saya habang itinataas sina Saya, Alog, at Lish sa ere.

"Wait! 'Wag muna tayong mag-celebrate! May tsansa pa naman si Prinsesa Madani," paninira ni Solci sa kasiyahan. "Kapag mahulaan ni Prinsesa Madani ang bugtong na sasambitin ni Olin, ako na ang magtatapon ng huling tigmo kasi magta-tie sila. Pero kung magkamali siya or sumuko siya bigla, panalo na ang manok namin! At lipat-bayan gang na ang magiging drama ng mga ferson sa buhay, okay?"

Tumango-tango ang mga Horian sa winika ni Solci.

Pero natigil kaming lahat nang mamataan namin ang isang lipon ng mga ibong lumilipad sa himpapawid na animo'y nagmamadali. At alam ng nakararami na hindi ito magandang senyales.

Kapagkuwan ay nagbago ang timpla ng dagat—mula sa kalmadong tubig, gumagalaw na ito nang marahas ngayon at nagambala rin ang mga nilalang na lumalangoy sa tubig. Malalakas ang mga alon na para bang may mangyayaring hindi maganda o may paparating na kung ano. Tila ito ang mensaheng ipinapahiwatig ng mga ibon kanina.

Umayos kami ng posisyon at binunot ng mga kasama ko rito ang kanilang mga sandata.

Ito na kaya ang sinasabi nilang pandagat na ahas?

t.f.p.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon