Chapter 20 - Tigmo Challenge

Start from the beginning
                                        

"Umpisahan na ang Tigmo Challenge, mga ferson!" anunsyo ni Solci, na kasalukuyang nakatayo sa tabi ni Rayna Nagwa. "Mauuna si Olin. 'Tapos, si Princess Madani naman. Kailangan n'yong makakuha ng tatlong puntos para manalo. If ever na mag-tie kayo—magkaroon ng parehong puntos, ako na ang magbabato ng huling bugtong o tigmo. 'Tapos, ang unang makasasagot ay siyang winner! Sige go!" Pagkatapos ay bumaba na siya sa batong pinatungan niya at tinalikuran kami.

"Sa'n ka pupunta?" rinig kong tanong ni Cormac.

"Hanap ako ng water. Na-stress ang ngala-ngala ko ro'n, ah," saad ni Solci.

Klinaro ko ang aking lalamunan bago magsalita. Tahimik namang nakaantabay ang mga Horian pero matalim na tingin ang ipinupukol nila sa 'kin. "K-Kabayo . . . kabayo ni Kaptan, dili mokaon kung dili sakyan," sabi ko habang nakatuon ang atensyon sa kalaban kong prinsesa.

["Kabayo ni Kaptan, hindi kakain kung hindi sasakyan."]

Umugong ang bulungan pagkatapos kong sambitin 'yon. Parang nagpalitan sila ng mga salita kung ano ba ang tamang sagot sa tigmo na ibinato ko kay Madani.

"No coaching, uy!" Muling nagbalik si Solci sa dati niyang puwesto. "Hoy, Siyokoy na kuwang ug tog, paghilom kuno dinha!"

["Hoy, Siyokoy na kulang sa tulog, tumahimik ka riyan!"]

Muling dumapo ang mga mata ko sa prinsesa. Hinihimas nito ang kaniyang baba habang nag-iisip ng angkop na sagot sa bugtong na ibinigay ko. Sa tingin ko, hindi siya mahihirapan dito kasi ang tamang sagot ay makikita rin dito sa Kahadras. Nakita ko ang bagay na 'yon sa loob ng gingharian ni Burigadang Pada. Pero nananalangin pa rin ako na sana, magkamali siya.

"Alam ko na!" Namilog ang mga mata nito na parang mga barya at tila ba may bumbilyang lumiwanag sa itaas ng kaniyang ulo. "Ang sagot ay . . . kaguran! Kaguran o kayuran ng niyog ang tamang sagot!"

Gusto kong umiling at sabihing "Mali!" pero ayaw kong mandaya. At saka isa pa, wala naman akong pamalit na sagot do'n sa tigmo na binitawan ko, eh.

Napalunok ako. "Oo, tama ka, Prinsesa Madani."

"Isang puntos para kay Prinsesa Madani!" sigaw ni Solci.

Nagbunyi ang mga Kataw at Siyokoy dahil sa inanunsyo niya. Abot-tainga naman ang ngiti ni Madani at palihim na kinindatan ang isa sa mga kasama ko, si Langas. Nahagip din ng paningin ko sina Talay at Cormac na patuloy pa rin sa pagngiti at pagtaas ng kamao sa ere bilang pagsuporta sa 'kin.

Pinihit ko ang leeg ko at ibinalik ang titig kay Madani. May pinakawalan akong hangin gamit ang ilong. Ako naman ang sasagot ngayon.

Itinaas ni Madani ang kaniyang kanang kamay dahilan para tumahimik ang lahat. "Ug malipay, mogamay. Ug masuko, modako." Tumaas ang sulok ng labi niya.

Napaisip ako. 'Pag masaya, liliit. 'Pag galit, lalaki? Ano 'yon? Yawa!

Dumako ang tingin ko sa nakasilip na araw. Tama nga ang kutob ko—mahirap na tigmo ang isasaboy niya. Ibinagsak ko ang tingin sa tubig at may nakita akong nakangiting pawikan na dumaan. Bibig kaya? Hindi! Mali!

Nag-angat ako ng tingin sa prinsesa at binigyan siya ng maghintay-ka-muna na tingin bago ako umikot. Sinipat ko isa-isa ang mga Horian. Ano 'yong liliit kapag masaya? At ano naman ang lalaki kapag galit? Ang hirap naman.

Lumipas ang ilang minuto pero wala pa rin akong maisip na sagot. Ramdam kong naiinis na ang mga Kataw at Siyokoy pero wala naman sa usapan na limitado lang ang oras namin kaya ayos lang.

Kapagkuwan ay dumapo ang mga mata ko kay Talay na seryosong nakatitig sa 'kin. Hindi ako humihingi ng tulong, may hinahalughog lang akong alaala. Tinitigan ko ang kaniyang mga mata hanggang sa nakita ko roon ang alaala naming dalawa.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now