"Tulong!" paghingi ko ng saklolo sa mga kasama ko na medyo malayo na sa 'kin. 'Di siguro nila napansin na nahinto ako rito.
Kaagad naman silang bumalik at lumapit sa puwesto ko, ang mga mukha ay nababalutan ng pagkalito't pangamba. Pinutol ni Langas ang sangang nakakabit sa palapulsuhan ko gamit ang kaniyang sundang.
"Alam ko na!" pambungad na sabi niya. "Ang gubat na ito ay nakakukuha ng lakas mula sa iyong kahinaan. Ang ibig kong sabihin ay maaari tayong mapahamak dito kung magpapadala tayo sa takot."
Pagkasabi na pagkasabi niya n'on ay bigla na lang sumigaw si Talay dahilan upang mapamulagat kaming lahat. Pumulupot sa kaniyang binti ang kulay-uling na ugat ng puno saka dinagit siya nito papunta roon sa kabilang panig at nangudngod ang kaniyang mukha sa lupa. Nabitawan naman niya ang kaniyang punyal at pati na rin sina Saya, Alog, at Lish.
Ininat kaagad ni Solci ang tali ng kaniyang pana at itinuon ang palaso sa pasaway na ugat. Nang pakawalan niya ang palaso ay tumama ito sa ugat na kumapit sa binti ni Talay kaya tuluyan na itong tumigil sa paghila sa kaniya.
Napatingin kami nina Cormac at Langas kay Solci, namamangha at 'di makapaniwalang nagawa niyang patamaan iyon.
Nakaangat na ang sulok ng mga labi ni Solci saka ikinumpas niya ang kaniyang libreng kamay. "Wala 'to. Ako lang 'to, guys," biro niya at tumawa nang marahan.
Pinutol kaagad namin ang distansya namin kay Talay at inalalayan naman siya ni Cormac. Gaya ko, hinang-hina na rin siya at ang kaniyang mga labi ay putlang-putla na.
"Parang inagaw ng gubat na 'to ang natitira kong enerhiya. Kailangan na nating makaalis dito," sambit ni Talay sa mahinang tinig. Nanginginig, kinuha niyang muli ang punyal niya at ang mga bulaklak.
Muli kaming naglakad para makalabas na kami rito. Marami kaming nasasaging mga gumagalaw na sanga at sa tulong ng sundang ni Langas, maso ni Cormac, at palaso ni Solci ay nagbalik ulit ang mga ito sa pagiging matigas.
Sobrang bagal ng pag-usad namin ni Talay kasi pareho kaming binawasan ng lakas ng gubat na 'to. Bawat pag-apak namin ay katumbas ng pagkabali ng mga sangang naglipana sa dinaraanan namin. At dahil naaawa na sa 'min ang aming mga kasama, tinulungan nila kami. Si Cormac ang umalalay kay Talay samantalang si Solci naman ang lumapit at tumulong sa 'kin sa paglalakad.
Sa bawat paghakbang ay mas bumibigat ang pakiramdam ko at parang kinumpiska ng gubat ang natitira kong lakas.
"Huwag ninyong isipin ang inyong kinatatakutan, mga kaibigan," untag ni Langas, kasalukuyang nangunguna. "May higit pa sa gubat na ito na hindi nakikita ng ating mga mata."
"Sorry, guys." Natigil kaming lahat dahil sa sinabi ni Solci.
"Ano'ng ibig mong sabihin, Solci?" gulantang na tanong ko sa kaniya.
"Ayaw ko'g ingna . . ." ungot ni Cormac.
["'Wag mong sabihing . . ."]
Ngumiti nang pilit ang aming kaklase. "Sorry, 'di ko napigilang isipin ang kinatatakutan ko. Bata pa lang kasi ako, takot na 'ko sa mga—" Hindi niya natapos ang kaniyang sinasabi nang maramdaman namin ang pag-iiba ng ihip ng hangin.
Kalaunan ay rumehistro sa 'ming pandinig ang nakaiiritang alulong ng mga nilalang. Muli, magkatalikuran kaming lima, naghahanda sa kung ano mang nilalang ang aatake sa amin.
"Sigbin!" sigaw ni Langas dahilan para mapatingin kami sa tinutukoy niya. Para itong mga aso.
May nabasa at narinig ako noon tungkol sa mga Sigbin. Sinasabing lumalakad ang mga ito nang paatras 'tapos nakababa ang kanilang mga ulo sa pagitan ng kanilang mga hita. At ayon sa narinig ko, lumalabas sila sa gabi at sinisipsip ang dugo ng mga tao mula sa kanilang anino.
Sa pagsigaw ni Langas ay bigla na lang sumalakay sa 'min ang napakaraming Sigbin. Walang humpay na nagpakawala ng palaso si Solci at tila ba hindi siya nauubusan nito. May mga natamaan naman siya, pero kadalasa'y pumalya siya at nakaiwas ang mga nilalang.
"Ang hirap naman this!"
"Yahhh!" Ginamit naman ni Cormac ang kaniyang maso at sumugod sa mga ito. Hinandugan niya ng tig-iisang pukpok ang ulo ng mga Sigbin.
May isang tumalon sa kinatatayuan ni Langas ngunit kaagad nitong sinalubong ang kaniyang sundang dahilan para mahiwa ang tiyan nito at mahati sa dalawa. Walang dugong natapon sa mukha ni Langas kasi naging abo lang ang Sigbin at naglaho. Para bang gawa-gawa lang sila ng aming imahinasyon dahil na rin sa takot namin sa lugar na 'to.
Nangolekta ako ng matutulis na mga sanga para itusok sa bunganga o mata ng mga Sigbin na lumusob sa 'kin.
Nakita kong dinaganan si Talay ng isang Sigbin. Mabuti na lang at nasaksak niya agad ito gamit ang kaniyang punyal. Sinipa niya ito at tumilansik ito sa kabilang panig.
Akmang lalapitan ko siya para tulungang makatayo nang bigla na lang akong tambangan ng sangkaterbang paniki. Naririndi ako sa ingay ng mga ito. Iwinasiwas ko ang hawak kong sanga ngunit 'di sila natinag. Naramdaman ko na lang ang unti-unti kong pag-angat at pag-iwan sa lupa. Nagtulungan ang mga mabantot na nilalang para buhatin ako. Nagkandasugat-sugat ang mga binti ko dahil sa nasasaging matatalim na mga sanga.
Kapagkuwan ay inihulog nila ako sa isang bangin na napapalamutian ng kulay-abong usok. Bumagsak ako sa sahig at inatake ng ubo nang makalanghap ako ng nagtipon-tipong alikabok. Madilim dito at saka ingay lang ng mga paniki ang naglalaro sa 'king pandinig.
Tumunghay ako at napansin ang mga nakahilerang sulo na may berdeng apoy na patungo sa isang kulay-uling na trono kung saan mayroong nagliliwanag na babaeng nakaupo roon.
Sobrang ganda niya at may suot na puting damit na kinulang sa tela. 'Tapos, may nakapatong na tusok-tusok na korona sa kaniyang ulo.
"Nasa'n ako?" tanong ko rito sabay tayo. Unti-unti akong lumalapit sa kaniyang trono na nasa itaas ng ilang baitang ng hagdan. Nasa Kasakitan o Underworld na ba ako?
Sumilay ang ngiti sa kulay-presa niyang mga labi. "Narito ka sa gingharian ng Galdum, ang lugar kung saan hindi nakapapasok ang liwanag ng haring-araw. Halika, Olin, gagawin kitang prinsipe rito sa Galdum."
Kaagad na kumunot ang noo ko. "Bakit mo 'ko kilala? Sino ka ba?"
Hindi mapalagay ang aking puso. Pero napansin kong nanumbalik na ang lakas ko na para bang dito nagtungo ang lahat ng enerhiyang ninakaw sa 'kin ng gubat.
Humakbang siya nang kaunti.
Nalaglag naman ang panga ko dahil sa kaniyang sagot.
"Ako si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata."
t.f.p.
BINABASA MO ANG
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 17 - The Realm of Galdum
Magsimula sa umpisa
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)