Chapter 9: Jack of All Trades

Magsimula sa umpisa
                                        

Nangunguna si Langas habang ginagamit ang parehong mga kamay at paa sa paglalakad; ang sundang na nakasabit sa kanyang baywang ay sumasayaw at kumakalansing. Sumunod naman sa kanya si Talay na yakap-yakap sina Saya, Alog, at Lish. Nasa likuran naman ng dalaga si Cormac na parang wala lang at panay ang pagkuha ng litrato sa paligid. Samantalang ako naman ang nasa hulihan. Napahawak ako sa lubid o hawakan ng tulay, manaka-nakang napabuga ng hangin, at sinusubukan pa ring ibalanse ang katawan. Maya’t maya rin ang paglingon ko sa likod, baka kasi meron pang higanteng damang na aatake sa ’min.

“Parang natatakot akong tumingin sa ibaba,” rinig kong sabi ni Alog.

“Piyong, uy, bugu!” (Pumikit ka, bobo!) bulalas ni Saya.

“Can you please shut up?” tila nababanas na wika ni Lish.

Ilang sandali pa, umihip ang napakalakas na hangin at napasigaw sina Alog at Talay dahil do’n. Tila sumasayaw ang tulay habang maingat kaming naglalakad. Sa ilalim nito ay may rumaragasang tubig na patungo sa dagat. Halos malula ako katitingin sa ibaba ng dinaraanan namin.

Nagdiwang ang lahat nang makaapak na kami sa lupa. Kaagad naman akong napahawak sa mga tuhod ko at sunod-sunod na nagpakawala ng tila nag-aapurang hangin. Inilibot ni Cormac ang kanyang kamera sa paligid. Para siyang bata na ngayon lang nakakikita ng ganito kagandang tanawin sa tanang buhay niya.

“Mga kaibigan, bago tayo tumungo sa gingharian ng Escalwa, kailangan muna nating lagyan ang ating tiyan,” suhestiyon ni Langas na kaagad naming sinang-ayunan.

At natagpuan na lang namin ang aming mga sarili na tinalunton ang landas papunta sa paanan ng bundok kung saan matatagpuan ang kaunting kakahuyan at ang malinis na ilog na natatanaw namin kanina mula sa pagewang-gewang na tulay. Nagparamdam ang butil-butil na pawis sa ’king noo at sinalakay ng pagod ang buo kong katawan.

“Kanus-a kaha ’ta maabot sa Sayre?” (Kailan kaya tayo makararating sa Sayre?) rinig kong anas ni Saya.

“’Wag kang atat, Saya. Pasalamat ka, binubuhat lang tayo ni Talay,” pambabara ni Alog.

“Alog is right,” segunda naman ni Lish.

Pagkarating namin sa paanan ng bundok, pinili kong mapag-isa. Umupo ako sa isang malaking bato na medyo masakit sa puwet upuan. Nagboluntaryo si Cormac na siya na raw ang lulusong sa ilog para manguha ng makakain naming isda sa pamamagitan ng matulis na sanga. Iniwan muna niya sa tabi ang pinakamamahal niyang kamera. Rinig ko pa ang napakalutong niyang mura sa tuwing sumasablay siya. Si Talay ang kasalukuyang lumilikha ng apoy; ipinuwesto muna niya ang tatlong nagsasalitang bulaklak sa lupa. Samantalang si Langas naman ang sumugod sa kakahuyan para maghanap ng dahon ng saging.

Bumuntonghininga ako.

Makailang sandali’y nanariwa sa ’king alaala ang pagsagip ko kanina kay Cormac, na nagpapatunay na may dala nga akong itim na kapangyarihan. Ngayon ay tumaas na ang kumpiyansa ko na magtatagumpay ako sa misyon kong ito.

Pero ang tanong: Pa’no ko nagawa ’yon?

Naglabas ako ng hangin sa pamamagitan ng ilong. Pinasada ko ang aking kamay papunta sa ’king leeg saka iminuwestra ang isang libreng kamay sa ilog, sinusubukang pagalawin ang tubig at iniimahe na magsama-sama ang mga isda malapit sa puwesto ni Cormac. Ilang minuto ang lumipas, subalit walang nangyari.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon