Chapter 8: Eight-legged Freaks

Start from the beginning
                                        

“Saya! Alog! Lish!” Nagdudumaling tumakbo si Talay papunta sa isang sulok, kinuha mula roon ang mga bulaklak, at saka niyakap niya ang mga ito. “Ano’ng ginawa nila sa inyo? Ayos lang ba kayo?” agaran niyang tanong, mababanaag sa itsura ang pag-aalala at ligaya.

“We’re okay.”

“Ayos lang kami.”

“Okay ra ’mi.”

Bumaling ako kay Cormac. Inilibot niya ang dala niyang kamera sa kabuoan ng kuweba. Ilan pang sandali, itinutok niya ito kina Talay, Saya, Alog, at Lish. “Ang cool! Nagsasalita sila!”

“Mga kaibigan, kailangan na nating lisanin ang kuwebang ito ngayong buo na tayo.” Kapagkuwa’y pinutol ni Langas ang drama nila Talay habang hawak-hawak ang kanyang sundang, nakahanda na sa nakaambang panganib.

Sumang-ayon kaming lahat at walang kagatol-gatol na lumabas sa butas katulad ng sabi ni Langas. Tinatahak na namin ngayon ang daan palabas sa lunggang ito. Nasa unahan sina Cormac at Langas, samantalang nakasunod naman kami ni Talay sa kanila. Habang naglalakad, biglang sumagi sa isipan ko ’yong lalagyan ng mga tinapay at ang selpon ko. Babalik sana ako roon, kaya lang, napagtanto ko agad na mukhang wala namang signal dito. Samakatuwid, hindi ko na ’yon mapakikinabangan. Isa pa, baka panis na rin ’yong mga tinapay.

Nagbunyi ang mga kasama naming bulaklak nang matanaw na namin ang nakasisilaw na liwanag, hudyat na malapit na kaming makalabas sa yungib. Subalit sa kasamaang-palad, walang ano-ano’y natakpan ang liwanag na ’yon sa pagsulpot ng higanteng damang, kung kaya’t tumahip-tahip ang aking puso.

“At saan naman kayo pupunta, mga bubwit?” bulyaw ng gagamba, dahilan upang tambangan kami ng matinding takot. “Hindi namin kinain ang isa sa inyo no’ng isang araw dahil naghahanap pa kami ng ibang mabibiktima. Pagkatapos, nang dumating kayo rito, hindi rin namin kayo maaaring saktan sapagkat kailangan kayo ng panginoon namin na si Sinrawee. At ngayon, tatakas kayo? Mga hangal!”

Nagkatinginan kami at tila nag-uusap sa pamamagitan ng isip na kailangan naming ihanda ang aming mga sarili. Bumaling ako sa sundang ni Langas at napansing mahigpit ang pagkakahawak niya rito. Muli kong ipinihit ang atensyon kina Cormac at Talay na nakakapit sa ’king balabal; tuloy, nagmistula akong tatay na nilalapitan ng mga anak upang humingi ng saklolo. Sinenyasan ko si Talay na hihiramin ko muna ang punyal niya at walang pag-aatubili naman niyang ibinigay sa ’kin ito.

“Bumalik kayo roon sa loob!” sikmat ng dambuhalang damang. Di-kaginsa-ginsa, itinaas nito ang isang paa at saka ibinagsak papunta sa direksiyon namin.

Salamat sa ’ming angking bilis at nakailag kaagad kaming lahat. ’Yon nga lang, nagkahiwalay kaming apat. Tumakbo si Cormac patungo kay Langas sa kaliwa, habang kami naman ni Talay ay narito sa kanan. Nanatili pa rin siyang nakakapit sa ’kin habang yakap-yakap ang mga bulaklak na ngayo’y umuungot na ng dasal.

“Olin, ikaw ang bahala sa tiyan niya at ako naman ang bahala sa kanyang mga paa!” pasigaw na panuto ni Langas. Narinig ’yon ng damang na may pambihirang laki, kaya natuon sa kanya ang atensyon nito. Patay!

“Hangal!” Muli nitong itinaas ang isang paa at ibinagsak sa puwesto nina Langas at Cormac. Bunga niyon, pumailanlang ang mga nagtipong alikabok. Sa ikalawang pagkakataon, pumalya ang gagamba at napamura ito sa inis.

“’Etong sa ’yo!” hiyaw ko, hawak-hawak ang isang punyal. Tinapakan ko ang isang buto, pagkatapos, dumausdos ako sa lupa papunta sa ilalim ng gagamba. Sa isang kisapmata’y nakaharap na ’ko ngayon sa tiyan nito habang naghuhuramentado ang puso ko. “Isa . . . Dalawa . . . Tatlo!” Matapos kong magbilang ng tatlo ay madalian kong itinarak ang punyal sa sikmura ng higanteng damang. Sapagkat nagtagumpay ako sa tungkulin ko, isang napakalakas na iyak ang pinakawalan ng halimaw dahil sa sakit. “Ngayon na, Langas!” Doon ay ipinasa ko sa kanya ang responsibilidad.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now