Chapter 8: Eight-legged Freaks

Start from the beginning
                                        

Nanlaki naman ang mga mata ko at parang may bumbilyang lumiwanag sa ibaba ng aking ulo—ibaba kasi nakabaligtad ako ngayon!

“Talay, gamitin mo ang punyal na ibinigay ni Mounir para makawala ka. Ikaw naman, Langas, gamitin mo ang dala mong sundang para makaalpas ka na rin. ’Tapos, tulungan n’yo kaming dalawa ni Cormac. Dali!” maawtoridad kong saad.

“Wala! W-wala na ang aking sundang.” Halos hindi namin marinig nang malinaw ang mga salitang binitiwan niya dahil sa sapot.

“Ano? Ikaw, Talay, nasa ’yo pa ba ang punyal na handog ni Mounir?” agaran kong tanong.

Natahimik siya nang ilang segundo. Marahil ay tsinek na niya ang punyal sa kung saanman niya ’yon isinuksok. “Oo, Olin, nandito pa sa tagiliran ko!”

Pumapalakpak ang tainga ko dahil sa narinig. Kapagkuwa’y napabitiw ako ng buntonghininga. Hay, salamat, makatatakas na kami rito. Pero kailangan naming magmadali, kasi baka pabalik na ’yong mga damang o baka may iba pang gagambang nagbabantay sa paligid at matunugan kami.

“Talay, bilisan mo,” dikta ko. ’Di ko siya masyadong nakikita dahil na sapot, pero gumagalaw-galaw na siya ngayon, pinipilit na makaalpas.

Pagkalipas ng ilang sandali, bigla na lang rumehistro sa dalawa kong tainga ang mahinang pagdaing at pagkadurog ng ilang buto sa ibaba. ’Tapos, sunod-sunod na ang pagbagsak nina Cormac at Langas.

“Hinampak! Kaduha nako gibitay!” (Buwisit! Pangalawang beses na akong binitay patiwarik!) bugnot na wika ni Cormac.

Hindi nagtagal, pakiramdam ko’y may lumapit at unti-unting pumunit sa sapot na nakabalot sa ’kin. Hanggang sa bumungad sa ’kin ang nakangising mukha ni Cormac.

“Walang anuman, Olin,” bulong niya sa ’kin.

Maya-maya pa’y sinalo ako ng mga buto, una ang ulo. “Aray!” pakusang lumabas sa bunganga ko. Dali-dali akong tumindig, pinagpagan ang sarili, at nagpukol ng matalim na tingin sa kaklase ko. Itinaas pa niya ang kanyang hintuturo at hinlalato saka ipinakita ang mapuputi niyang mga ngipin.

“Hindi tayo maaaring magtagal dito,” sabi ni Langas, kaya bumaling kaming lahat sa kanya. “Kailangan nating lumabas kaagad bago pa makabalik ang mga damang na nagpunta sa Mansalauan.”

Mabilis kaming napatango-tango. Pansin kong pawisan kaming lahat dahil mainit sa loob ng sapot. Akmang lalabas kami sa lugar na ’to nang biglang magsalita si Talay, “Saglit lang!” Inilibot niya ang kanyang mga mata sa paligid na para bang may hinahanap.

“Ano’ng problema, Talay?” kunot-noong tanong ko sa kanya.

Napatingin siya sa ’min, masasalamin sa mukha niya ang labis na pag-aalala. “Sina Saya, Alog, at Lish ay nawawala!” mangiyak-ngiyak niyang sambit sabay luhod para maghalukay sa mga nagsama-samang kalansay. “P-palagay ko, nandito lang sila. Saya? Alog? Lish?” Para na siyang nasisiraan ng bait. Malinaw na malinaw na napalapit na ang kanyang loob sa mga bulaklak.

Dahan-dahan akong lumapit sa puwesto ni Talay at yumukod para hawakan ang magkabila niyang balikat. “Talay, tara na. ’Di ba meron pa namang isang butas no’ng pumasok tayo rito sa kuweba? Baka roon nila dinala sina Saya, Alog, at Lish.”

“Tama si Olin, Talay,” pagsang-ayon naman ni Langas.

Unti-unting tumayo si Talay at pinagpagan ang kanyang tuhod. ’Tapos, wala na kaming inaksayang oras at nagtungo kaagad kami sa isa pang butas na parang nagsisilbing kuwarto ng malalaking damang. Lumusot ang sinag ng haring-araw sa isang maliit na butas sa dakong itaas. Nadedekurasyunan ng mga sapot ang paligid at may mga butong nagpatong-patong sa gilid. Naroon din ang sundang ni Langas, kaya dali-dali niya ’yong pinulot.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now