Dahan-dahan kaming lumapit sa puno na tinitirhan ng Agta. Patuloy pa rin siya sa pagbuga ng usok. Naubo kaming lahat. Umabante naman si Langas para kausapin ang sinasabi niyang kaibigan.
“Aking kaibigan, ipakikilala ko pala sa iyo ang bago kong mga kaibigan na sina Olin, Talay, at ang mga nagsasalitang bulaklak.” Isa-isa niya kaming itinuro.
Inilayo ng Agta ang kanyang tustos at inipit sa pagitan ng kanyang hintuturo at hinlalato. “Magandang gabi sa inyo,” bati niya sa ’min sa malalim na boses na bumagay rin sa kanya sa dahilang malaki ang katawan niya. “Ako nga pala si Atga.”
“Agta that got away?” biro pa ni Lish.
“Gibali ra nimo ang Agta,” (Binaligtad mo lang ang Agta) ani Saya.
“Binaligtad mo lang, e. ’Wag mo nga kaming pinaglololoko riyan. Olin, pektusan mo nga ang isang ’yan sa apdo,” utos pa sa ’kin ni Alog.
Sasawayin ko na sana sila ngunit ’di natuloy dahil nagsalita ulit ang malaki’t maitim na nilalang na nakapatong sa matabang sanga.
“Wala ba kayong narinig o napansin dito sa Porras?” patakang usisa ng Agta, na Atga ang pangalan.
Nagpalitan kami ng tingin nina Langas at Talay habang suot ang ’di maipintang mukha. Maliban sa walang tao rito at sa lumang palasyo, wala naman kaming ibang napansin. ’Di kaya . . . may nagmamatyag sa ’min na ’di namin nakikita?
Bumangon ang mga balahibo ko sa braso at nagpalinga-linga sa paligid namin. “M-may nakikita ka ba na hindi namin nakikita, Atga?” nauutal kong sambit.
Dumaan sa paligid ng magkabila kong tainga ang malakas niyang tawa. “Hindi iyan ang nais kong iparating, bata,” sabi nito dahilan para mapahinga ako nang maayos. “Wala ba kayong narinig na palahaw o iyak ng paghihinagpis?”
Kumunot ulit ang noo ko. “Ano’ng ibig mong sabihin? Buong araw kaming tumambay sa harap ng gingharian ng Porras para magpahinga kasi kailangan naming mag-ipon ng lakas para bukas. Pero wala naman kaming kakaibang narinig.”
“Ano ba ang narinig mo, kaibigan?” pagsaboy ni Langas ng kuwestiyon sa malaking nilalang.
Nangalay na ang leeg ko katitingala sa kanya. Puwede ba siyang bumaba rito sa lupa at tumingkayad sa harapan namin? Ay, ambot! (Ay, ewan!)
Nag-iwas ng tingin ang Agta at dumapo ang kanyang mga mata sa malaki at maliwanag na buwan, animo’y pinipiga ang utak sa kung anumang narinig o napansin niya sa lupaing ito. “Kahapon kasi, may narinig akong sigaw ng isang tao. Parang nangangailangan siya ng tulong. Ayaw ko na lang makialam sapagkat noong huling beses na nanghimasok ako, kinitil ni Sinrawee ang kapuwa ko Agta,” pagkuwento niya sabay yuko nang bahagya.
Sa tulong ng maliwanag na buwan, nakita namin ang kalungkutan sa mga mata ni Atga. Sandali kaming nilamon ng katahimikan. Parang isang kasalanan ang magsalita pagkatapos n’on. Tanging ingay na lang ng mga kuliglig ang naglalaro sa ’ming pandinig.
Kaya pala mag-isa na lang siya ngayon. Ang sama talaga ng Sinrawee na ’yon. ’Di ko talaga hahayaan na mabawi niya ang kapangyarihang naninirahan ngayon sa ’king katawan. ’Di ko hahayaan na maghasik ulit siya ng lagim dito sa Kahadras.
“Pero mahina na si Sinrawee ngayon.” Si Talay na ang nangahas na sumira sa katahimikan sa pagitan namin. “Ibig sabihin, ibang tao o nilalang ang may gawa niyon.”
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 7: Uncanny Encounter
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)