Chapter 4: Tambaluslos

Start from the beginning
                                        

“At saka, nasa’n na ngayon si Sinrawee?” pahabol ko, para na rin asarin pa lalo si Saya.

“Ang haka-haka ng iba, tinalunton daw ng mga taga-Porras ang landas patungo sa Eskalag, na ngayon ay tinatawag nang Escalwa. Sabi naman ng mga taga-Melyar, ’di pa man sila nakaabot do’n ay pinaslang na agad sila ng mga kampon ni Sinrawee,” wika ni Talay.

“Si Sinrawee naman ay kasalukuyang nagtatago sa liblib na lugar dito sa Kahadras dahil nanghihina pa siya. Ang kanyang mga tagasunod lang ang gumagalaw para bawiin sa ’yo ang kanyang kapangyarihan,” si Alog na ang sumagot sa ikalawa kong tanong. “At ngayon, bali-balita na wala nang naninirahan sa Porras, maliban kay Langas na parating tumatambay roon ayon kay Ginoong Mounir.”

Maghahagis pa sana ako ng tanong nang biglang umihip ang napakalakas na hangin. ’Tapos, nagsayawan ang mga puno rito. Bagama’t maliwanag pa ang paligid, bigla ako binisita ng pangamba. Nakaramdam akong may mga matang nagmamatyag sa ’min, kung kaya’t tumindig nang matuwid ang mga balahibo ko sa braso.

“Nararamdaman mo ba ang nararamdaman ko?” tanong ko kay Talay sa mahinang tinig habang inilibot ko ang aking mga mata sa kagubatan.

“Tanga! Wala akong gusto sa ’yo, ’no!” pagsusungit ni Talay na ’di ko inasahan.

Nagtawanan ang tatlong bulaklak.

“Mas tanga ka!” bulyaw ko rito. “Ang ibig kong sabihin ay parang may nakatingin sa ’tin mula sa loob ng gubat.”

Sa pagbitiw ko ng mga salitang ’yon ay bigla na lang kaming nakarinig ng pagkaluskos sa tabing halaman.

“What’s that?”

“Ano ’yon?”

“Unsa na, uy?”

Tumayo ako, at gayundin si Talay. “Kailangan muna nating bumalik sa gingharian ni Rayna Helya. Pakiramdam ko, may halimaw rito,” suhestiyon ko. Nag-akma akong tatakbo, subalit hinawakan ni Talay ang suot kong balabal.

“’Wag,” pagpigil niya. “’Di natin siya puwedeng dalhin sa Melyar, baka magkagulo pa ang mga tao roon. Mas mainam kung magpatuloy tayo sa paglalakbay papuntang Porras para humingi ng tulong kung naroon nga si Langas. Isa pa, kung aatras tayo ngayon, babalik at babalik pa rin naman tayo rito upang hanapin ang isinumpang nilalang. Ito lang ang tanging daan patungo sa patay na gingharian,” pagpapaintindi sa ’kin ni Talay.

“Sakto si Talay, Olin,” (Tama si Talay, Olin) pagsang-ayon naman ni Saya.

Tumango na lang ako. Ang sunod naming ginawa ay tinahak ang masukal na gubat, umaasang makalalabas kami rito o mahahagilap namin ang nilalang na magsisilbi naming gabay. Naging madilim sa loob dahil sa nagtataasan at dikit-dikit na mga puno na tumatakip sa araw.

“Dalian n’yo!”

“Faster, Talay!”

“Pagdali mo, uy!”

“Tumahimik nga kayo riyan! E, kung iwan ko kayo rito sa gitna ng gubat? Gusto n’yo ’yon?” tila nababanas na wika ni Talay dahil sa walang humpay na reklamo ng mga ito.

Habang tumatakbo ay ’kita ko pa rin sa gilid ng mga mata ko ang marahas na paggalaw ng mga berdeng halaman na may kaunting sapot ng damang o gagamba. Nasusundan pa rin kami ng humahabol sa ’min dahil sa tunog na nililikha ng mga tuyong dahon na natatapakan namin.

E, kung iligaw namin siya? Ay, mali. Tahanan niya ’to, kung sino man siya o kung anong uring nilalang man siya, baka kami pa nga ang ililigaw niya rito sa loob ng gubat.

Sa kasamaang-palad, bigla na lang natisod si Talay dahil sa bato at nasubsob ang mukha niya sa mga nagtipon-tipon na mga dahon, dahilan para mabitiwan niya sina Saya, Alog, at Lish. Yawa!

“Aray!”

“Agay!”

“Ouch!”

Walang kagatol-gatol akong tumigil para tulungan si Talay. Nang masigurong ayos lang ang kalagayan niya ay dali-dali kong tsinek ang tatlong nagsasalitang bulaklak. Nasira nang kaunti ang paso nila at may tumilapon ding lupa, pero ’buti na lang at ’di nabasag o nahati sa dalawa ang kanilang lalagyan.

“Ayos lang kayo?” usisa ko habang naghahabol ng hininga.

Imbes na tumingin sila sa ’kin at sumagot, dumapo ang mga mata nila sa itaas habang kasisilayan ng takot ang kanilang itsura.

Nagtaas-baba ang magkabila kong balikat at kasunod n’on ang pagbulusok palabas sa ’king bunganga ang sunod-sunod at nag-aapurang paghingal. Kinakabahan, dahan-dahan akong lumingon sa kung anuman ang tinititigan nilang tatlo. Doon ay tumambad sa ’king paningin ang isang nakakikilabot na nilalang na merong malaking bibig, mahaba’t kulubot na ari, at ang itlog nito ay nakalawit sa lupa.

“W-what kind of creature is that?” nauutal na saad ni Lish.

Ang ngisi ng kaharap naming nilalang ay sadyang nakatatakot, ang kanyang mahabang dila ay gumagalaw-galaw, naglalaway rin ang malaki niyang bunganga, at parehong matulis ang kanyang mga kuko at tainga.

Nanginginig, hinigit ko ang palapulsuhan ni Talay—nangangatog din siya dahil sa pinaghalong takot at sorpresa—at saka ako sumigaw, “Isa siyang Tambaluslos! Takbo!”

* * * * *

GLOSSARY

Bulawan – a Visayan term for gold.

Lalahon – the goddess of good harvest and volcanoes.

Tambaluslos – In Visayan folklore, it’s a legendary creature with a big mouth, large penis, and loose testicles that dangle on the ground. Its name is derived from the term ‘luslus’ that means ‘loose or dangling.’ It pursues travelers who roam in the woods even during daytime.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now