Lulugu-lugo kaming sumilong sa may lilim ng puno dahil sa pagod. Medyo malayo na rin kasi ang nilakad namin. Tanaw pa rin naman namin ang gingharian ng Melyar, subalit kasinglaki na lang iyon ng aming hinlalaki.
Binuksan ko ang dala kong bag at kumuha ng dalawang piraso ng tinapay ng mga Banwaanon, tig-iisa kami ni Talay. Habang ngumunguya, binuhusan din ng kasama ko ng kaunting tubig ang mga bulaklak. Agaran namang nagpasalamat ang mga ito kay Talay, pagkatapos, gumalaw-galaw ang kanilang mga tangkay.
“Hapit na ’ta sa Porras?” (Malapit na ba tayo sa Porras?) tanong ni Saya.
“Sa tingin ko, oo,” tahasang sagot ni Alog. “Kapag dumaan kayo sa gubat na ’to o malalampasan natin ’to, makararating na tayo sa Porras, sa parating pinupuntahan ni Langas. Pero ’di rin ako sigurado kung nandoon ba talaga siya, kasi pagala-gala raw ’yon, e.”
“Bukod kay Langas, ano pa ang makikita natin sa Porras?” kinakabahang tanong ko. Para kasing pangalan pa lang ng lugar, masama na agad ang kutob ko. Sa pagkakaalam ko, ang ibig sabihin ng ekspresyon na “Porras!” ay “Go to the Devil!” Pero baka naman gawa-gawa lang talaga nila ang pangalan ng lugar na ’yon.
“Wala,” anas ni Talay.
“Ha? Bakit?” tanong ko ulit.
“Because it’s a dead kingdom,” pagsingit ni Lish.
Nabuhay ang mga balahibo ko sa braso pagkatapos kong marinig ’yon. Gingharian ng mga patay? O inabandonang kaharian?
“Ang Porras ay isang mayaman at masayang lugar dati. Masagana ang ani sa kanilang mga pananim na lubi o niyog, saging, kamote, ube, at balanghoy o kamoteng kahoy. Nag-alay kaagad sila ng dasal bilang pasasalamat sa diyosa ng masaganang ani na si Lalahon,” pagkuwento ni Alog. “Ngunit sa gitna ng pagdiriwang ay may dumating na bisita sa Porras, ang masamang si Sinrawee. Nakita niya ang mga makikinang na bulawan na nakapulupot sa leeg ng pinuno ng Porras at naakit siya roon.”
“Kinabukasan, nagbalik siya sa gingharian ng Porras dala ang hangaring maagaw ang mga bulawan at lupain nito.” Nabaling ang atensyon ko kay Talay sapagkat siya ang nagpatuloy sa pagsasalaysay. “Taglay ang karunungang itim, tinawag niya ang mga yawa at sinakop ang buong lugar. Pinaalis niya ang gustong umalis at pinanatili ang gustong sumamba sa kanya. At simula noon, siya na ang naging hari doon kasama ang ibang orihinal na mamamayan ng Porras na pilit yumuyuko ’pag nakikita siya, mga kakaibang nilalang na lumilipad, at iba pang mga halimaw. Kaya lang, ’yong ibang mamamayan ng Porras na lumisan ay pinatay ni Sinrawee. Wala siyang tinira.”
“Ang sama talaga ni Sinrawee,” komento ko. “Ngayon naman, pinaghahanap ako ng mga alagad niya para kunin muli ang kanyang kapangyarihan. Para ano? Para sakupin ang maunlad na Melyar? ’Di ako papayag. ’Di ko ’to ibibigay sa kanya.”
“Why don’t you use Sinrawee’s powerful magic if you really have it?” mataray na pagkasabi ni Lish.
Wala talaga kayong tiwala sa ’kin, ’no? Maghintay kayo? Paano kung: “Sige, susubukan ko sa susunod.” At upang mabalik kay Sinrawee ang usapan, muli akong nagtanong, “Saan pala pinatay ’yong ibang mamamayan ng Porras?”
“Daghana nimo’g pangutana, Olin, uy,” (Ang dami mo namang tanong, Olin) bulong ni Saya, na sakto lang para marinig ko. Kung meron lang siyang kamay, tiyak napakamot na siya sa kanyang ulo.
DU LIEST GERADE
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 4: Tambaluslos
Beginne am Anfang
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)