Chapter 4: Tambaluslos

Start from the beginning
                                        

Habang humahakbang pasulong, dumaan sa paligid ng dalawa kong tainga ang bulungan ng mga tao rito sa palasyo. Baka mamatay lang daw kami kasi ’di raw ako ang Olin na nasa panaginip ng raynang nakakikita ng hinaharap. Pero meron namang kumpiyansa na ang masasamang elemento sa Kagubatan ng Sayre ay magagapi ko. Umabot na ’ko sa punto ng buhay ko kung saan maraming kumukuwestiyon sa abilidad ko, pero doon na lang ako magpopokus sa mga naniniwala sa ’kin. Doon ako kukuha ng lakas para tapusin ’tong misyon ko at para makabalik na ’ko sa amin—sa Mandaue.

“Ngunit ’wag kang mag-alala, maaari mo naman akong kausapin sa pamamagitan ng hangin,” untag pa ni Mounir.

Binigyan ko na lang siya ng maliit na ngiti. Naintindihan ko na ngayon. ’Di niya puwedeng iwan ang mahal na prinsipe kasi habang patungo kami sa Kagubatan ng Sayre, baka may biglang sumugod sa palasyo. E ’di, mauuwi lang sa wala ang lahat.

Pagbukas ng tarangkahan ay agad na huminto ang nangunguna na si Talay para ipihit ang atensyon sa ’min. Tumigil na rin ako at sandali kaming nagkatinginan. Napabitiw ako ng malalim na buntonghininga. ’Pag tumapak na kami ni Talay sa labas nitong gingharian, alam kong may kapahamakang naghihintay sa ’min, lalo na’t hindi namin makakasama ang asul na salamangkero. Gayunpaman, dala ko naman ang kapangyarihan ni Sinrawee. At ayon kay Rayna Helya, ako ang tatapos sa halimaw na si Helong.

“Hanggang dito na lang kami, Olin,” anunsyo ni Rayna Helya. “Kailangan na naming bumalik sa loob para suriin ang kalagayan ni Helio. Mag-ingat kayo palagi.”

Tinapik-tapik ni Mounir ang kanang balikat ko. “Alam kong maraming tanong ang sumusulpot sa ulo mo, Olin. Pero ’wag kang mag-alala, masasagot din ang lahat ng ’yan sa inyong pakikipagsapalaran.” Isang maliit na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. “Magtiwala ka lang sa mga diyos at diyosa.”

Magsasalita pa sana ako nang walang ano-ano’y bigla na lang silang naglaho na parang bula. Nagpakawala ako ng buntonghininga at saka nagpatuloy na lang kami ni Talay sa paglalakad palabas ng palasyo.

* * * * *

Sa ibang direksiyon kami dumaan, ’di ’yong dinaanan namin ni Mounir kahapon no’ng papunta kami sa gingharian ng Melyar.

Habang naglalakad, ’di ko maiwasang magtanong, “Bakit n’yo ’ko sinamahan?” Ang tatlong bulaklak ang tinutukoy ko. Huminto si Talay at iniharap niya sa ’kin sina Saya, Alog, at Lish. “Ang gusto kong sabihin, pakiramdam ko kasi, may iba kayong rason kung ba’t kayo pumayag agad sa atas ng rayna.”

“Utukan gayod ni si Olin,” (Matalino talaga itong si Olin) komento ni Saya.

“Ang totoo niyan, takot talaga kami sa misyong ’to,” kapagkuwa’y pag-amin ni Alog. “Pero kailangan namin—natin—itong mapagtagumpayan para makabalik na kami sa pamilya namin. ’Yon ang hiniling namin kay Rayna Helya kapag tuluyan nang gumaling si Prinsipe Helio.”

Tila may malakas na hanging sumampal sa pisngi ko. Sumagi sa isipan ko ’yong mga bulaklak na may mga mata, ilong, at bibig na nakatanim malapit sa lawa.

Biglang uminit ang sulok ng mga mata ko. Naalala ko tuloy ang mga magulang ko. Kailangan nga naming mapagtagumpayan ang misyon na ’to, nang sa gano’n, makababalik na kami sa pamilya namin.

Naglakad kami nang naglakad hanggang sa ang mga berdeng damong tinatapakan namin kanina ay napalitan ng tuyo’t malulutong na mga dahon. Nag-angat kami ng tingin sa harapan namin at tumambad ang buhay na kagubatan. Hindi kagaya no’ng nakita ko kahapon na nakatatakot, ang gubat na ito’y napapalamutian ng kulay berde, parang humihinga, mistulang sumasayaw rin ang ilang puno, may narinig pa kaming lumagitik na kawayan sa bandang gitna, at ’di nakatakas sa ’ming pandinig ang huni ng masisiglang ibon.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now