Chapter 3: The Wrong Olin

Start from the beginning
                                        

Kuryosidad ang nagtulak sa ’kin para sambitin ang, “Oo, gusto kong malaman.”

“Just make sure that you’ll tell him the truth,” ani Lish sabay irap.

“Kagagawan kasi ’yon ni Sinrawee kaya nagkasakit si Prinsipe Helio. Walong taon na niya ’yong iniinda. Gumagawa ng paraan si Ginoong Mounir taon-taon para hindi mamatay ang nag-iisang prinsipe, ngunit hindi talaga niya kayang palayasin ang nasa katawan ni Prinsipe Helio. At ngayon, mas lalong lumala ang kalagayan nito. Kailangan na talagang malunasan ang lason na namamahay sa kanyang katawan sa pinakamabilis na paraan,” pagsalaysay ni Alog.

“And we need the Olin to recuperate the prince,” gatong pa ni Lish. “But you’re the wrong one.”

Gumalaw ang tangkay ni Saya at lumapit kay Lish. “Giuwan na gayod ta og mga isyu sa pagsalig, ’day, ’no?” (Inuulan na talaga tayo ng mga isyu sa pagtitiwala, ’no?)

“Tumahimik na nga kayong tatlo,” pagsita ni Talay sa mga bulaklak. ’Tapos, tinapunan niya ako ng tingin. “Totoo bang may marka dati ang leeg mo?” paghagis niya ng kuwestiyon sa ’kin saka alanganin niyang ininat ang mga labi.

Sinuklian ko naman siya ng sunod-sunod na pagtaas-baba ng aking ulo. Pagkatapos ay napahawak ako sa leeg ko. “Kaso, sa ’di malamang dahilan, bigla itong nawala. Uminit pa nga rito banda, e, no’ng hinabol ako ng Mansalauan," pag-amin ko.

“Basin og gikuha na ni Sinrawee,” (Baka kinuha na ni Sinrawee) hinuha ni Saya.

“O baka naman isa kang huwad. ’Tapos, ’yong totoong Olin na dinala rito ni Ginoong Mounir ay nadakip na pala ng mga alagad ni Sinrawee,” si Alog iyon habang suot ang nag-aakusang tingin.

“Are you really telling the truth?” seryosong tanong ni Lish.

Puno ng kumpiyansa akong tumango.

“’Wag kang mag-alala, Olin. Naniniwala ako sa ’yo,” pagkonsuwelo naman ni Talay sa ’kin.

Napangiti ako dahil sa sinabi niya. Iba talaga ang pakiramdam ’pag may mga taong naniniwala sa ’kin. Parang binigyan ako ng lakas mula sa pagkakalugmok. Tila binuhusan ng isang daang porsyentong enerhiya para ipagpatuloy ang buhay.

Sabay kaming nag-iwas ng tingin at parehong nalunod sa malalim na pagmumuni-muni.

Makaraan ang ilang sandali, walang ano-ano’y nabulabog kami nang biglang lumangitngit ang pinto, hudyat na may nagbukas nito, kung kaya’t pumihit doon ang aming atensyon. Isa pang tagapagsilbi ang pumasok at nagwikang: “Ginoong Olin, pinatatawag po kayo ng mahal na rayna. Kailangan n’yo raw pong pumunta sa silid ni Prinsipe Helio.”

Nag-aapura kaming naglakad patungo sa kanya, pagkatapos, sabay kaming lumabas ng kuwarto. Hindi ko alam kung bakit, pero may namamahay na kakaibang takot sa dibdib ko.

Ang sahig na kasalukuyan naming nilalakaran ay gawa sa marmol. Lumiko kami sa isang pasilyo at may nilampasan na dalawang silid bago kami huminto. Iminuwestra ng isang tagapagsilbi ang pinto na kaharap namin saka bahagya siyang yumuko.

Bumuga ako ng hangin sa pamamagitan ng ilong bago pumasok sa loob ng kuwarto ni Prinsipe Helio. Magkasunod kaming pumasok ni Talay habang bitbit pa rin niya sina Saya, Alog, at Lish. Bumati sa ’ming mga mata ang kulay-gintong liwanag na nagmumula sa isang malaki’t pandekorasyon na bagay na naglalaman ng mga kandila at nakasabit sa kisame.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now