“Kailangan nating mag-usap, Mounir,” anang mahal na rayna at tinalikuran kaming lahat. Pinagbuksan naman siya ng pinto ni Talay, na hanggang ngayon ay hawak pa rin ang kahel na paso. Walang kagatol-gatol na sumunod sa kanya si Mounir.
Nang isara ni Talay ang pinto ay dagli akong tumayo at lumapit sa kinalulugaran niya. Inilapit ko nang kaunti ang kanang tainga ko sa pinto para pakinggan ang kanilang pinag-uusapan.
“You brought the wrong Olin,” rinig kong sabi ni Rayna Helya, may bahid na pagkadismaya sa kanyang boses.
“Mahal na rayna, maghunos-dili ka,” ani Mounir. Isa siya sa mga nakakita ng marka sa leeg ko, kung kaya’t alam kong hihimukin niya ang rayna na paniwalaan siya. “Nakita ko ’yong itim na marka sa leeg niya kanina at hinabol din siya ng kampon ni Sinrawee, kaya ko siya dinala rito. Maski ako’y naguguluhan din. Wala akong ideya kung bakit naglaho ang marka, pero nakasisiguro akong siya ang Olin na hinahanap natin.”
“Mounir, pinagkalooban ako ni Dalikamata ng espesyal na kakayahan sabi ng aking ginikanan. Ang mole sa eyeball ko ang makapagpatunay. Napanaginipan ko ang Olin na papatay sa halimaw na nagbabantay sa nag-iisang Boac. Malaki ang katawan ni Olin at may itim na marka sa kanyang leeg. ’Di ko lang nakita nang maayos ang mukha niya.”
Sino si Dalikamata? Nakikita ni Rayna Helya ang hinaharap? Ano ’yong Boac?
“Baka ibang Olin ang nadala mo rito o ’di kaya’y pinalitan siya ng kalaban natin no’ng papunta kayo rito para si Sinrawee ang makakukuha sa nag-iisang Boac,” giit ng rayna, mahihimigan ang pag-aalala sa kanyang tinig.
“Mahal na rayna, huminahon ka.” Pilit naman siyang pinapakalma ng asul na salamangkero. “Baka nagtago lang ang palatandaan na mayroon siyang kapangyarihang dala, o nalipat ’yon sa ibang bahagi ng kanyang katawan. Posible ’yon, ’di ba?”
“Paumanhin po, mahal na rayna, ngunit kailangan daw po kayo ni Prinsipe Helio.” Naputol ang kanilang pag-uusap nang may tagapagsilbi na umeksena.
Tuluyan ko nang tinantanan ang pinto at dahan-dahang tinalunton ang landas patungo sa balkonahe. Agad na hinaplos ng malamig na hangin ang buo kong katawan. Tanaw ko mula rito ang mga kagubatan, bukirin, karagatan, at iba pang magagandang tanawin dito sa Kahadras. Nakahahalina rin ang kalangitan na naglalaro sa kulay-uling at kulay-dalandan. Nag-aagaw-buhay na ang araw sa kaitaasan at anumang oras ay lilitaw na sa kalangitan ang buwan kasama ang mga alipores nitong kumukutitap na mga tala.
Naramdaman kong may lumapit sa ’kin.
“Ginoong Olin?”
Ipinihit ko ang atensyon ko kay Talay na bitbit pa rin ang paso hanggang ngayon. “Olin na lang,” agarang sabi ko.
“Ayos lang po ba kayo?” tanong niya.
Tumango naman ako bilang tugon.
“Ipinakikilala ko po sa inyo ang mga kaibigan ko. Itong kulay-ube ay si Saya, ang nagsasalita ng Bisaya. ’Tapos, itong berde ay si Alog, ang nagta-Tagalog at ang nag-iisang lalaki. Ito namang huli na kulay asul ay si Lish, ang nag-e-English.” Isa-isa niyang hinawakan ang tatlong bulaklak. “Iba-iba ang gamit nilang lengguwahe, pero nagkakaintindihan naman ang tatlong ’to. Kahanga-hanga, ’di ba?”
Namamangha, muli akong tumango.
“Gusto mo bang malaman ang nangyari sa prinsipe?” tanong ni Alog na siyang ikinalaki ng mga mata ko.
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 3: The Wrong Olin
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)