“Mura og dili kana ang Olin nga atong gipangita,” (Parang hindi ’yan ang Olin na hinahanap natin) hinuha ng kulay-ubeng bulaklak.
“Pa’no mo naman nasabi? Mas magaling ka pa kay Ginoong Mounir, gano’n?” tanong naman sa kanya ng berdeng bulaklak.
“Cry all you want, but for me, he’s the wrong Olin,” nag-uumapaw na kumpiyansang wika ng asul na bulaklak.
“Magsitahimik kayong tatlo!” saway ni Mounir sa kanila, dahilan para mapalingon ako sa kanya na prenteng nakaupo sa kulay-tsokolateng salumpuwit na malapit sa bintana.
“’Wag kasi kayong maingay!”
“Don’t make noise!”
“Shudi abas!”
Napahinga ako nang maluwag. Akala ko, iniwan na ’ko ng nagligtas sa ’kin matapos kaming patuluyin dito ng isang tagapagsilbi sa dahilang may inaasikaso pa raw ang mahal na rayna.
“Mabuti naman at gising ka na, Olin.” Isinandal niya ang kanyang tungkod sa gilid. ’Tapos, dumekuwatro siya at humalukipkip. “Ayon kay Talay, parating na raw si Rayna Helya rito sa silid natin,” aniya at nabanat nang bahagya ang kanyang mga labi.
“Talay?” patakang usisa ko.
Inginuso niya ang babaeng malapit sa pintuan, at doon ay tuluyan itong nag-angat ng tingin sa ’kin saka hinandugan ako ng maliit na ngiti. Kakikitaan ng paghihirap ang itsura niya, gayunpaman, taos-puso naman niyang ginagawa ang kanyang tungkulin.
Ipinaling ko ang tingin sa bitbit niyang mga bulaklak, na tila nais akong saksakin base sa tingin nila. Pakiramdam ko, tinitiktikan ako ng mga ito at saka nakaabang sila sa bawat galaw ko.
Makalipas ang ilang sandali, gumilid si Talay nang bumukas ang malaking pinto at iniluwa niyon ang isang napakagandang babae. Napakaamo at napakakinis ng mukha niya, hindi gaanong malaki ang kanyang mga mata, may mahahabang pilik-mata, kahel na mga labi, mahaba ang kulot niyang buhok, at nakatatawag ng pansin ang nakaupong korona sa kanyang ulo. Nakasuot siya ng berdeng damit na parang kumikinang saka ang kanyang mga alahas ay mistulang sumasayaw sa bawat galaw niya.
Dali-dali siyang lumapit sa ’kin at inilapat ang magaan at malambot niyang mga kamay sa magkabila kong pisngi. “The Olin?”
Pakusang uminat ang aking mga labi. “A-ako nga po, m-mahal na rayna,” nauutal kong sagot.
“Pero . . .” Nabitin sa ere ang kanyang salita habang naglandas ang isa niyang kamay sa likuran ng aking ulo pababa sa ’king leeg. Napalunok ako. Alam ko na ang napansin niya. “. . . walang marka ang leeg mo.”
Mula sa gilid ng mata ko, ’kita kong tumayo bigla si Mounir at dahan-dahang lumalapit sa puwesto namin. “Nasaan ang marka mo, Olin?” pagsaboy ng kuwestiyon ng asul na salamangkero.
Para akong nahaharap sa isang napakahirap na suliranin: Kung lulukso ba ’ko sa bangin na parang luko-luko? O manatili sa puwesto ko at harapin ang malaking oso? Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Wala akong maapuhap na angkop na sasabihin. Nakatutok sa ’kin ang kanilang mga mata habang hinihintay ang tugon ko sa inihagis na tanong ng matandang nakasuot ng bughaw na balabal.
Ibinuka ko ang aking bibig, ang ’Di ko rin po alam ay nasa dulo na ng dila ko. Pero sa huli, inilibing ko na lang ’yon sa ’king lalamunan at nagkibit-balikat na lang ako.
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 3: The Wrong Olin
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)