“Ano ba’ng misyon ko rito, Mounir? Pa’no kung”—napalunok ako ng laway—“pa’no kung ’di ako magtagumpay? Habang buhay na talaga akong titira dito sa katakot-takot na mundo n’yo?” sunod-sunod na pagtapon ko ng katanungan sa kanya.
Sa likuran ng kanyang ulo, hindi nakatakas sa ’king paningin ang pagbabago ng kulay ng kalangitan. Umambon kasi, pagkatapos, biglang umaraw. “Sa Melyar na natin pag-usapan ang tungkol sa misyon mo, Olin. ’Wag kang mag-alala, may tiwala naman ako na kakayanin mo ’yon,” pampalubag-loob na wika ni Mounir.
Nabanat nang bahagya ang aking mga labi at sinuklian naman niya ako ng tipid na ngiti.
Sabay kaming nag-iwas ng tingin, ’tsaka ako humugot ng malalim na hininga.
Hinaot na makaya nako. (Sana nga, kayanin ko.)
Patuloy pa rin sa pgtakbo ang kabayo at pag-alog ng aming sinasakyan. Nahagip ng paningin ko ang mga berdeng palaka na masayang nag-aawitan. Walang ano-ano’y bigla itong manghuhuli ng mga gamu-gamo sa pamamagitan ng pag-inat ng kanilang dila. Hindi rin nagpahuli ang kulay-rosas na mga isda na lumilipad sa itaas ng lawa. ’Tapos, babagsak na naman sila sa tubig at lilikha iyon ng mumunting alon na siyang tuluyang sumira sa katahimikan ng tubig. Mahihinuhang nagpapasikat ang mga ito.
Habang para akong tsikiting na aliw na aliw sa mga nakikita, bigla na lang kumalam ang sikmura ko, kaya dagli akong napahawak dito. Dumaan sa paligid ng magkabila kong tainga ang mahinang tawa ni Mounir. At gamit ang kanyang salamangka, gumawa siya ng hugis-itlog na tinapay na may kalakihan at isang baso ng bughaw na likido. Sumariwa tuloy sa alaala ko ’yong tubig sa inidoro bago ako napunta rito.
“Daghang salamat, Mounir,” (Maraming salamat, Mounir) nakainat ang mga labi na sabi ko nang mapasakamay ko na ang hinahanap ng aking tiyan.
Subalit, napahawak ako nang mahigpit sa tinapay at baso nang lumipad ang sinasakyan naming karwahe. Parang naiwan ang kaluluwa ko sa ibaba. Gusto kong manuntok at magsabi ng iba’t ibang mura sa Bisaya.
Kalma, Olin, kalma, isip-isip ko.
Dumapo ang mga mata ko sa nakangiting salamangkero. “Para hindi matapon ang asul na tubig. Gumagalaw-galaw kasi kanina,” paliwanag niya habang hindi pa rin napapawi ang ngiti sa labi.
Pinalaya ko na lang ang inis ko sa pamamagitan ng pagbuga ng hangin. Tama ’yan, Olin. ’Wag kang magtanim ng galit sa taong nagligtas sa buhay mo.
Pinalampas ko ’yong ginawa niya at kumagat na lang ako sa hawak na tinapay. Uminom din ako nang kaunti saka muling binawasan ang tinapay. ’Di ko pa naubos ang kinakain ko nang biglang bumaba sa lupa ang sinasakyan naming karwahe.
“Nandito na tayo sa gingharian ni Rayna Helya,” anunsyo ni Mounir sabay lundag sa damuhan.
Dahan-dahan kong inilayo sa bibig ko ang tinapay at inilibot ang aking paningin. Bumungad sa ’kin ang kulay-kapeng palasyo na napaliligiran ng malalaking pader, at ang mga bubong nito na kulay-dalandan ay pataas at matutulis. Dito naman sa labas, merong kulay-ube, berde, at asul na bulaklak na may mga mata, ilong, at bibig. Maraming kaakit-akit na mga alibangbang ang bumisita sa kanila.
“Jump!”
Lumukso ako sa lupa kagaya ng utos ni Mounir at dahan-dahan akong naglakad. Iniwan ko ang kinakain ko kanina sa loob ng karwahe. Pagkatapos, bigla na lang ’yong naglaho. Kung ang tinapay ba o ang tanawin ang nakapagpabusog sa ’kin nang husto ay hindi ko na matukoy sa oras na ’to. Grabe, ang ganda rito!
Umarangkada papasok sa magkabila kong tainga ang paglangitngit ng tarangkahan sapagkat binuksan ito ng mga bantay na nakasuot ng baluti.
“Ipagbigay-alam mo kay Rayna Helya na nandito na si Olin the Bearer,” maawtoridad na saad ni Mounir sa isang kawal nang makatawid siya sa maikling tulay na gawa sa makapal at malapad na kahoy.
Kaagad namang tumalima ang kawal na ’yon sa atas niya at nagdudumaling tumakbo patungo sa loob.
Akmang tatapak na ako sa tulay nang pumasok sa ’king tainga ang sinasabi ng mga bulaklak. Dali-dali akong napatingin sa direksiyon nila. Silang tatlo lang ang may mukha at may kakayahang magsalita sa lahat ng bulaklak na nakapaligid sa kanila.
“Si Olin g’yod na?” (Si Olin ba talaga ’yan?) kuwestiyon ng kulay-ubeng bulaklak.
“Kasasabi lang ni Ginoong Mounir, ’di ba?” tugon naman ng berdeng bulaklak. ’Tapos, gumalaw-galaw ang mga tangkay nila na animo’y nag-aaway ang mga ito.
Nang pumihit ang atensyon ko sa asul na bulaklak ay mabilis na kumunot ang noo ko nang mapansing may tinititigan siya sa parte ng aking katawan—sa leeg ko. Naguguluhan, dahan-dahan kong itinaas ang isang libreng kamay para hawakan ang aking leeg. Pero namilog ang mga mata ko at higit na bumilis ang tibok ng aking puso kaysa sa orihinal nitong ritmo nang wala na ’kong maramdamang marka rito. Yawa!
“I think . . . he’s the wrong Olin.”
* * * * *
GLOSSARY
• Alibangbang – a Visayan term for butterfly.
• Gingharian – domain; kingdom.
• Kahadras – derived from the Visayan word “kahadlok” which means fear (noun) and creepy (adjective); the scaryworld.
• Kahilwayan – the skyworld.
• Kamariitan – the earth.
• Kaptan – the supreme god who dwells in the sky. He is the ancient Visayan counterpart of Bathala. He’s a supreme deity and father of mankind (except for Negros and a few Southern Visayas isles who regarded Kan-Laon as the most powerful).
• Kasakitan – the underworld.
• Rayna – a female ruler; queen.
• Yawa – Visayan demons with dark skin.
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 2: Welcome to Kahadras
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)