Chapter 2: Welcome to Kahadras

Beginne am Anfang
                                        

Nababasa niya ang nasa isip ko? Bumaling ako sa kanya—pilit kong ininat ang aking mga labi—at saka ako nagwikang, “Okay po.”

Pagkalipas ng ilang sandali, bigla na lang siyang sumigaw, “Welcome to Kahadras, Olin the Bearer! Patungo na tayo ngayon sa gingharian ng Melyar na pinamumunuan ni Rayna Helya.”

“Ano ulit itong Kahadras?” kunot-noong tanong ko.

“May tatlong dibisyon ng mundo: Kahilwayan, ang itaas na mundo, Kamariitan, ang gitnang mundo na tinatawag n’yong Earth, at Kasakitan, ang ilalim na mundo. Pero meron pang isa, itong Kahadras, ang katakot-takot na mundo. Wala na tayo ngayon sa mundo ninyo, Olin. Karamihan sa mga naninirahan dito ay kakaiba. Inilagay rito ni Kaptan, ang diyos ng itaas na mundo, ang mga kakatwang nilalang na maririnig n’yo lamang sa mga kuwento o alamat, at pati na rin ang mga tao na sumasamba sa mga diyos, diyosa, o diwata.

“Meron namang lagusan, kung kaya’t may kakayahang maglabas-pasok ang ilan sa amin sa mundo ninyo, obserbahan kayo, at natuto ng iba’t ibang bagay mula sa inyo. Nagbabago rin ang aming mundo, pati ang tawag sa mga namumuno at ang gingharian ay nag-iba na rin. At saka, ’wag ka nang magulat kung may makasalamuha kang tagarito na marunong magsalita ng wikang Ingles. Do you understand?”

Whoa! Ang cool naman pala rito!

“Ikaw lang ba ang wizard dito sa Kahadras?”

Iniling-iling niya ang kanyang ulo. “Katulad ng sabi ko, ito ang mundo ng mga kakaiba. Sapagkat namumuhay kami kasama ang mga nilalang na ang karamihan sa kanila ay nananakit, natutong mag-aral ng mahika ang ilan sa amin. Ngunit kadalasan ay itim na salamangka ang pinag-aaralan ng mga tagarito, na may layuning masama o makasarili.

“May mga tumatawag ng mga insekto para utusan at patayin ang kanilang mga kaaway, may nagtatanim ng sakit o karamdaman sa katawan ng ibang tao sa pamamagitan ng ritwal, at saka meron ding tumatawag ng mga yawa para maghasik ng lagim at manakop ng lupain.”

Yawa? Palagi pa naman akong nagsasabi niyan. Mabuti na lang at walang lumapit sa ’kin ni isa. Yawa!

“At dito sa Kahadras,” pagpapatuloy ni Mounir, “tatlo lang kaming tanyag na salamangkero—ako, si Sinrawee, at ang nawawalang si Girion.”

“Girion? Ba’t siya nawala?”

“Oo, ang berdeng salamangkero. Simula no’ng pinaghahanap ka namin, bigla na lang siyang naglaho na parang bula. Sa tingin ko, may kinalaman ang alagad ni Sinrawee sa pagkawala niya. Pero ’wag mo siyang isipin, Olin. Kakampi naman niya ang mga halaman at puno. Sigurado akong makatatakas ’yon mula sa kamay ng masasamang nilalang. Ang kailangan mong pagtuonan ng pansin ay ang misyon mo rito.”

Sino’ng mag-aakala na ang isang simpleng mag-aaral na walang kaibigan at tanging pagbabasa lang ng iba’t ibang libro tungkol sa mitolohiya ang libangan ay mapapadpad sa kakatwang mundong ito? At saka isa pa, may nangangailangan daw ng tulong ko? Sino? Ano naman ang magagawa ko?

“Ano’ng ibig mong sabihin kanina?” Ako na ang nangahas na sumira sa panandaliang katahimikan sa pagitan naming dalawa. “‘Once you go in, there’s no coming out?’” Gusto ko sanang idagdag, Pa’no ko makikita ulit sina Mama at Papa kung ’di na ako makababalik do’n sa mundo namin?

Tumikhim muna siya bago sumagot, “Sa katunayan, makikita mo pa naman ang mga magulang mo at makauuwi ka pa rin naman sa lugar n’yo, pero hindi ngayon.” Nag-iwas siya ng tingin. Umaalog-alog pa rin kami dahil sa lubak-lubak naming dinaraanan. “Nakapasok ka na rito sa Kahadras, kaya makalalabas ka lang kung magtatagumpay ka sa misyon mo,” paliwanag niya sa ’kin, na siyang dahilan ng pagsibol ng panibagong kuwestiyon sa ulo ko.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt