“Ano ba?! ’Di ka ba nakaiintindi? Hindi na nga ako sumagot sa ’yo kanina dahil ayoko ng kausap. Gusto kong mapag-isa at magbasa nang payapa!” Kinakain na ng galit ang buo kong katawan at parang nagdilim din ang paningin ko. Naikuyom ko pa ang aking mga palad dahil sa poot.
“’Oy, grabe ka naman. Gusto ko lang naman makipagkaibigan sa ’yo, e.” Itinulak niya ang kanyang ibabang labi paurong.
Tinapunan ko siya ng matalim na tingin. “Sana, maglaho ka na lang! Ayaw na kitang makita pa kahit kailan!” bulyaw ko. ’Tapos, kinuha ko ang aklat, binuksan sa pahina dalawampu, at ipinantay ang libro sa mukha ko.
Ilang sandali lamang ay unti-unti akong nilalamon ng kuryosidad nang wala nang nagsasalita at pakiramdam ko’y wala nang nagpukol ng tingin sa ’kin. Dahan-dahan kong ibinaba ang libro at sumilip sa puwesto kanina ng makulit kong kapitbahay. Wala na siya roon.
Imposibleng pumasok siya sa loob ng bahay nila kasi rinig ko kanina na ’di siya puwedeng pumasok doon hangga’t wala pang alas-singko at ’di rin siya maaaring lumabas sa tarangkahan bilang parusa sa nagawa niyang kasalanan sa nanay niya.
Dumungaw ako sa bakod, pero wala namang nagtatago roon.
“Solci?” ’Yon ang unang beses na tinawag ko ang kanyang pangalan.
* * * * *
Nabalik ako sa ulirat. ’Yong tipong tuluyan nang nahulog sa tulay ng aking ilong ang bayabas na matagal ko nang tinitingala nang maramdamang umaalog-alog ang sinasakyan namin.
Umakto lang akong parang walang pakialam tungkol sa pagkawala ni Solci, ngunit ang totoo, meron. Wala pa ring balita ang mga magulang niya kung nasaan siya. Kung totoo ang sinabi ni Mounir na may dala akong itim na kapangyarihan na galing kay Sinrawee, ibig sabihin ay may posibilidad na ako ang may gawa n’on kay Solci?
Kasalukuyan kaming nakasakay sa isang karwahe na pagmamay-ari ng kasama kong asul na salamangkero. Dumungaw ako sa gilid ko saka natanaw ang samot-saring bulaklak na nagsasayawan; may kulay-ube, berde, at asul na may mukha sa gitna. Namataan ko naman sa paligid nito ang makukulay na mga alibangbang na parang may mga mata sa kanilang mga pakpak. Meron ding nagtataasang mga kabute na nagmistulang bahay ng mga puting daga na sumisilong at nagpapahinga sa ilalim nito. Kaya sila nagtatago roon ay dahil sa pabago-bagong panahon. Maaraw kasi kanina, pagkatapos, biglang umulan. Babalik ulit ang araw sa ilang saglit saka aatakihin na naman ang paligid ng nagsama-samang tubig na nagmumula sa dakong itaas.
Agaran akong lumukso sa isang konklusyon: ang kumokontrol ng panahon ay walang iba kundi ang makapangyarihang matanda na katabi ko ngayon.
“Hindi ako ang may gawa niyan, Olin,” pagtanggi ni Mounir na siyang ikinagulat ko.
YOU ARE READING
Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]
Fantasy[FINISHED VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak na...
Chapter 2: Welcome to Kahadras
Start from the beginning
![Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]](https://img.wattpad.com/cover/311043844-64-k30021.jpg)